30.4 C
Manila
Biyernes, Disyembre 6, 2024

JTG Baguio, nagbabala ukol sa recruitment strategy ng communist terrorist group

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGBABALA ang Joint Task Group (JTG) Baguio ukol sa recruitment strategies na ginagawa ng Communist Terrorist Group (CTG) lalo na sa mga kabataan.

Tinalakay ni 1LT-Trisha Ricardel (kanan) ng JTG Baguio ang CTG recruitment strategies sa Usapang PIA nitong Huwebes,Hulyo 4, 2024.

Ayon kay JTG Baguio Civil Military Operations Officer 1LT Trisha Ricardel, kadalasang ginagamit ng komunistang grupo ang personal na suliranin ng mga kabataan upang magatongan ang kanilang galit sa pamahalaan. Aniya, may mga ‘infiltrator’ o ganap na miyembro ng CTG na pumapasok sa mga paaralan upang mag-recruit sa mga estudyante.

Batay sa kuwento ng mga former rebels at sa mga nakalap nilang impormasyon, sinisimulan ng mga ‘infiltrator’ ang kanilang recruitment activities sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan sa mga kabataan hanggang sa maipasok sila sa isang organisasyon. Ang mga organisasyon na ito ay nagkukunware na may mabuting adbokasiyang makatulong sa bayan. Kapag nasa loob na ng organisasyon, nagsisimula ang pagbibigay ng pasekretong pag-aaral kung saan tinatalakay ang mga problema ng bayan.

“Bilang kabataan, kung tanging adbokasiya ang gusto mong mangyari hindi ipapasok sa’yo na ang rebolusyon ang tanging solusyon sa lahat ng problemang nararanasan, kung maganda talaga ang adbokasiya ng isang organisasyon, hindi nila sisirain ‘yung mga kabataan para sumali sa ganun,” ayon kay Ricardel.

Dagdag pa niya, may ‘immersion’ ang mga organisasyon kung saan iniimbeta ang mga kabataan na pumunta sa kanayonan na apektado ng CTG. Ginagamit nila ang salitang “outreach program” upang madala ang mga kabataan dito. Ang nakakatakot aniya sa huling bahagi ng ‘immersion’ ay ang gawaing militar o pagtuturo sa mga kabataan kung paano humawak ng armas, paano labanan ang gobyerno, at ang pagsali nila sa engkwento o bakbakan.

“Nakakatakot para sa mga kabataan na akala nila maganda ‘yung kanilang pinuntahan, na akala nila outreach lang, na akala nila tutulong lang sila sa bayan, ‘yun pala, gagamit na pala sila ng dahas para sa kanilang ideolohiya.”

Dahil dito ay pinayuhan ni Ricardel ang mga kabataan na maging mapanuri at mapagmatyag lalo na sa mga sinasalihan nilang organisasyon upang hindi sila mapasama sa komunistang grupo na ang layunin ay pabagsakin ang gobyerno.

Pinayuhan din nito ang mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak at alamin ang kanilang mga aktibidad upang hindi sila maligaw ng landas. Binigyang-diin pa ni Ricardel ang kahalagahan ng pagkakaisa ng bawat mamamayang Pilipino sa pagkamit ng tunay na kapayapaan at kaunlaran. Aniya, naniniwala pa rin ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas na ang whole-of-nation approach ang daan sa pagbibigay ng solusyon sa mga suliranin ng lipunan na siyang ugat ng insurhensiya.

“Ang tunay na susi para sa tunay na kinabukasan at kaunlaran ay hindi po kami, ang tunay na susi is ‘yung mga tao, ‘yung komunidad kasi kahit gaano pa po natin kagusto matapos ‘yung insurgency kung ‘yung mga tao ay patuloy nilang pinagtatakpan, patuloy na sinusuportahan ‘yung CPP-NPA-NDF, hindi po matatapos ‘yung insurgency,” ani Ricardel. (DEG-PIA CAR)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -