SUMUGAL ang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte nang buksan nito ang Pilipinas para sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa pag-asang malaki ang kikitain ngunit nakataya rin pala rito ang kaligtasan at buhay ng mga Pilipinoat at maging mga dayuhan.
Base sa pahayag ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor), nagsimula ang POGO nang bigyan ng pamahalaan, sa ilalim ng administrasyonb ni dating Pangulong Duterte, ng lisensya ang mga underground offshore gaming operators noong 2016.
Kasunod ito ng pasyang hindi na muling bigyan ng lisensya ang PhilWeb, isang online gambling firm sa Pilipinas.
May 286 na e-games outlet at internet cafe ang PhilWeb kung saan nagpapalaro sila ng online casino games sa Pilipinas sa ilalim ng Pagcor.
Halagang P10 bilyon ang taunang kita ng Pagcor sa e-games ng PhilWeb na inasahang papalitan ng mas malaking kita mula sa POGO na ayon sa polisiya ay para lamang sa mga taga-ibang bansa, bawal maglaro ang mga nasa Pilipinas, kaya nga ito tinawag na offshore.
Ayon sa Pagcor, ang application at processing fees para sa isang lisensya ng POGO ay nagkakahalaga ng $50,000 para sa e-casino at $40,000 naman para sa sports betting.
Kapag naaprubahan, magbabayad din ang aplikante ng $200,000 para sa lisensya sa e-casino at $150,000 naman ang lisensya para sa sports betting.
At doon na nga nagsimulang dumagsa ang POGO sa Pilipinas — legal at ilegal. Sa kabila ng umano’y pagre-regulate sa mga Chinese gaming hubs, ayon sa ulat ng Rappler, may 200 na ilegal na POGO noong panahon ni dating Pangulong Duterte.
Buwis na para sa serbisyong pangkalusugan
Sa pagdagsa ng POGO sa Pilipinas, malaki ang inaasahang buwis na ayon sa batas ay dapat mapunta ang malaking bahagi nito para sa mga serbisyong pangkalusugan.
Sa isang press release ni Senador Win Gatchalian na may petsang Agosto 14, 2019, isinasaad dito ang pagsasampa nya ng resolusyon sa Senado upang imbestigahan ang mga hindi nakokolektang buwis mula sa rehistrado at hindi rehistradong dayuhang manggagawa kabilang ang mga empleyado ng POGO.
Binigyang-diin ng Senador sa Senate Resolution No. 89 na kinakailangang rebisahin ang kakayahan ng Pilipinas na ipatupad ang tax, immigration at labor laws nito upang balansehin ang proteksyon sa mga Pilipino habang dinadagsa ang bansa ng mga dayuhang manggagawa.
Base sa kalkulasyon ng Department of Finance, ayon sa pahayag, may P22.5 bilyon ang hindi nakokolektang buwis mula sa mga dayuhang ito.
Sa pahayag pa rin ni Senador Gatchalian na may petsang Oktubre 18, 2022, sinabi nitong nag underdeclare ang mga rehistradong POGO ng buwis na kanilang binayaran.
Aniya, base sa kanyang research, may P1.9 bilyon na nakalusot kung pagbabasehan ang kaibahan nang gross gaming revenue na inireport ng mga ito sa Bureau of Internal Revenue at sa Pagcor.
Kung pagbabasehan, aniya, ang gross gaming revenue mula Enero hanggang Agosto 2022, sa 5% gaming tax payments sa BIR ito ay P28.36 bilyon. Pero kung pagbabasehan ang 2% regulatory fee payments sa PAGCOR, pumapatak na P66.67 bilyon dapat ang gross gaming revenue.
Panahon na, ayon kay Gatchalian, na mag-isip na ng ibang industriya dahil hindi naman nakukuha ang lahat ng inaasahang kapakinabangan sa POGO.
Sa ilalim ng Republic Act 11590, or the Act Taxing POGOs, dapat ilaan ang 60% ng kabuuang kita mula sa POGO para sa implementasyon ng Universal Health Care Act, 60%; Health Facilities Enhancement Program (HFEP), 20%; at para sa Sustainable Development Goals (SDG), 20%.
Hindi magandang assessment
Nagkaroon rin ng pagdinig sa Senado noong 2020 kung saan sa pahayag ni Atty. Mel Georgie Racela, executive director ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) Secretariat, sinabi nito ang resulta ng kanilang ginawang pagtataya o assessment noong 2017 sa mga POGO.
Base sa kanilang National Risk Assessment, ang kabuuang umiikot na pondo ng mga POGO ay P54 bilyon — inflows at outflow. Sa halagang ito ang net inflow ay tinatayang nasa P7 bilyon o 0.04% ng P18.6 trilyong ekonomiya ng Pilipinas.
Pag sinabing net inflow, ito ay ang pumapasok na direct investment ng dayuhan kabilang na dito ang mga pinaikot nang kita.
Para naman sa isinagawa ng AMLC na sectoral risk assessment, napag-alaman nila na kakaunti ang nakakaalam ng mga tuntunin kaugnay ng anti-money laundering at counter-terrorism financing, tumataas din ang posibilidad sa money laundering at iba pang ilegal na gawain, mataas din ang bilang ng mga unregulated at unsupervised na service providers, at malabo rin ang pagkakakilanlan sa mga tunay na may-ari ng mga POGO.
Samakatwid, isang taon pa lamang simula ng buksan ang ekonomiya ng Pilipinas sa POGO, talamak na agad ang mga ilegal. Bukod sa ilegal na operasyon ng POGO, dala rin nito ang iba pang ilegal na gawain gaya ng panunuhol sa immigration, illegal recruitment, at human trafficking.
Kasama sa report na ito ng AMLC ay ang rekomendasyon nito na higpitan ang compliance sa mga POGO, magsagawa ng re-evaluation sa mga lisensya at pag-iinspeksyon sa mga ito at sa mga service providers.
China: Itigil ang POGO sa Pilipinas
Bakit nga ba dito naghahasik ng online na pasugalan ang mga Chinese? Bawal kasi ito sa China. Sa isang pahayag ng Chinese embassy, sinabi nitong ipinagbabawal ito sa China dahil maraming mamamayan nito ang nahuhumaling at nabibiktima nito.
Nakiusap rin ang embahada ng China na ipagbawal na ang POGO sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.
Tiniyak din nito sa pamahalaan ng Pilipinas na makikipag-ugnayan ang China sa mga awtoridad ng Pilipinas upang matigil ang mga ilegal na pasugalan na nanganak pa ng iba pang mga krimen.
Nagpahayag si Speaker Martin Romualdez na kailangang magkaroon ng congressional investigation kaugnay ng kriminalidad na may kaugnayan sa mga ilegal na POGO bilang bahagi ng pangako ng pamahalaan na sawatahin ang ilegal na aktibidad at matiyak na naipatutupad ng maayos ang mga regulasyon sa mga ito, ayon sa ulat ng The Manila Times.
Ayon kay Speaker Romualdez, kinakailangang makilala ang mga mastermind at protektor ng mga ilegal na operasyon na ito upang mapatawan sila ng kaukulang parusa ayon sa batas.
Kabilang ang money laundering, human trafficking at iba pang ilegal na gawain sa mga nais siyasatin ng congressional inquiry na ito, ayon kay Romualdez.
Hindi aniya nararapat na agarang itigil ang POGO. Sa halip kinakailangan, aniya, ng mas mahigpit na regulasyon dahil kung total ban ay mauuwi lamang ito sa palihim na operasyon.