30.8 C
Manila
Sabado, Oktubre 5, 2024

Sino si Mayor Alice Guo at bakit siya pina-aaresto ng Senado?

- Advertisement -
- Advertisement -

INIUTOS ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na arestuhin ang suspendidong Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, o Guo Hua Ping, at pitong iba pa para sa paulit-ulit na pag-iwas sa Senate inquiry hinggil sa diumano’y pagkakasangkot ng mayor sa iligal na aktibidad ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Ilang sa mga krimen na may kinalaman sa POGO ay human trafficking, torture at online scams.

Cited for contempt din ang ama ng mayor na si Jian Zhong Guo; ang kanyang in ana si Wenyi Lin; ang kanyang mga kapatid na sina Seimen Leal Guo, Shiela Guo at Wesley Leal Guo; POGO incorporator Nancy Gamo; Dennis Cunanan; at dating Technology and Livelihood Resource Center deputy director general.

Inilabas ni Sen. Risa Hontiveros, chairman ng komite, kasama ang hiwalay na motions nina Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada at Sen. Sherwin Gatchalian.


Sa isang liham sa Senador sinabi ni Guo na hindi siya fit physically at mentally at ayaw ng kanyang doktor na makita siya na tuligsain ng publiko.

Paano nakilala si Mayor Alice Leal Guo

Sumikat ang alkalde ng Bamban sa buong bansa na sinubaybayan ng madla hindi dahil sa mga makabuluhang gawain nito sa kaniyang nasasakupan kundi dahil sa mga di nagtutugma nitong mga pahayag sa pagdinig ng Senado kaugnay ng mga ilegal na POGO (Philippine Offshore Gaming Operators) sa bansa.

“Your honor, hindi ko na po maalala.” Ito ang paulit-ulit na isinasagot ng tinagurian sa social media na bagong “My Amnesia Girl,” hango sa pamagat ng isang pelikula, na walang iba kundi ang alkalde ng Bamban, Tarlac na si Mayor Alice Leal Guo, sa mga tanong sa kanya sa pagdinig sa Senado nitong nakalipas na buwan.

- Advertisement -

Ipinatawag si Mayor Guo ng Senado sa pagdinig upang kwestyunin matapos madiskubre ang koneksyon nito sa Baofu Land Development na may-ari ng loteng kinatitirikan ng ni-raid na POGO sa second-class municipality na ito sa lalawigan ng Tarlac.

Inamin niya sa pagdinig sa Senado na sya ang nagbigay ng kaukulang permit ng Hongsheng Gaming Technology na nagpapatakbo ng POGO na ni-raid noong Pebrero sa Bamban. May lisensya ito mula sa Pagcor pero ni-raid ito dahil sa umano’y ilegal na gawain gaya ng online scam at human trafficking.

Nang sumunod na buwan, Zun Yuan Technology Incorporated naman ang ni-raid dahil sa mga ilegal na aktibidad din na nabatid ng mga awtoridad nang isang Vietnamese ang nakatakas at nagsumbong sa awtoridad sa mga nagaganap na krimen sa loob ng naturang bakuran.

Ayon sa PAOCC naging pugad ng iba’t ibang krimen ang naturang compound na bukod sa mga online scam at human trafficking, sangkot din sa mga pananakit sa mga bihag na tatanggi sa ilegal na trabahong ipinapagawa sa kanila.

Nanggagalaiti na ang mga senador dahil sa maligoy na pagsagot ni Mayor Guo na ayon kay Senador Risa Hontiveros, ang nangunguna sa naturang pagdinig, hindi dapat ganoon ang pagbibigay ng impormasyon bilang opisyal ng bayan.

Sa kabila nito, patuloy sa hindi diretsong pagsagot si Mayor Guo, kabilang na nga dito ang mga sagot nyang, “your honor, hindi ko na po maalala.” Kaya naman lalong naging kaduda-duda ang pagkakakilanlan niya. Marami siyang hindi maalala sa kaniyang pagkabata, gaya ng kaniyang tirahan, wala siyang school records at dahil homeschooled umano siya, wala rin syang mga naging kaklase.

- Advertisement -

Sa pagdinig ng Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality kasama ang Committee on Migrant Workers, and Public Order and Dangerous Drugs, pinagsalita siya ni Senadora Loren Legarda ng Kapampangan na siyang lenggwahe sa Bamban ngunit sabi niya kaunti lamang ang alam nyang Kapampangan ngunit nang siya ay pinagsalita ng Fukkien na isa sa mga lenggwahe sa China, nakapagsalita sya.

Guo Huaping nadiskubre

Sa mga sumunod pang pagdinig, lumabas ang dokumento na may application for Special Investor’s Resident Visa ang isang Guo Huaping na dumating sa Pilipinas noong Enero 12, 2003.

Bukod pa rito ‘late registration’ ang kaniyang birth certificate na ipinarehistro  ng kaniyang ama noon lamang Nobyembre 2005, nang 19 taong gulang na siya.

Sa kaniyang late registered na birth certificate, Pilipino ang kaniyang ama pero sa mga dokumento para sa negosyo, Chinese sya. Ngunit parehong walang  birth certificate ang kaniyang ama na si Angelito Guo at ang binanggit ni Mayor Guo na kanyang biological na ina na si Amelia Leal.

Wala ring masyadong nakakakilala kay mayor, ordinaryong mamamayan man o politiko, bago siya nangampanya at naupong mayor ng Bamban noong 2022.

Ayon kay Guo, 14 years old pa lamang sya ay nagnenegosyo na sya sa sa isang hog-raising farm sa tulong ng kaniyang ama na nagpapadala sa kanya ng pera mula China patungong Pilipinas na halagang kalahating milyon hanggang isang milyong piso bilang puhunan nya sa kanyang babuyan.

Meron din siyang embroidery factory sa Bulacan na pinamamahalaan ng kaniyang ama, at car dealership na aniya ay nagbebenta ng mga second hand cars.

Sa kaniyang Statement of Assets and Liabilities (SALN) pinabulaanan din niya na kanya ang iba’t ibang sasakyan na nakalista dito at ibinenta na rin niya ang kaniyang helicopter  na nabili niya ng halos P60 milyon, galing sa kanyang ama ang kalahati ng ibinayad rito, ayon kay Mayor Guo.

Sa kabila ng multi-milyong halaga ng mga negosyo at ari-arian ni Mayor Guo, paulit-ulit niyang itinanggi na sa kanya ang POGO na nasa Bamban.

 NBI: Fingerprint nina Mayor Guo at Guo Hua Ping, iisa

Bagama’t malabo ang mga sagot ni Guo at hirap makakuha ng deretsong sagot mula sa kanya ang mga Senador sa pagdinig, isang malinaw na ebidensiya naman ang nailabas ng National Bureau of Investigation (NBI) na lubhang kukwestyon sa kaniyang pagka-Pilipino.

Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Mayor Guo na wala siyang ibang pangalan.

Taliwas ito sa inilabas na dokumento ng NBI, kung saan lumalabas na iisa ang nagpapakilalang Alice Leal Guo na mayor ng Bamban at si Guo Hua Ping.

Nakumpirma ito ng awtoridad dahil sa imbestigasyon ng mga eksperto, iisa ang fingerprint nina Mayor Guo at Guo Hua Ping.

Sa isang press conference, ibinunyag ni Senadora Hontiveros na ang fingerprint ni Mayor Guo at ng Chinese national na si Guo Hua Ping ay nag-match. Ibig sabihin pareho sila ng fingerprint-isang tao lang ang nasa likod ng dalawang pangalan na ito.

Bukod sa kwestyonableng nasyonalidad, konektado umano talaga si Mayor Guo sa POGO ng Bamban dahil bukod na sa kanya ang lupang kinatitirikan ng POGO, sa kanya rin nakapangalan ang mga utility bills nito, ayon kay PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz sa panayam ng programang Kapuso Mo, Jessica Soho ng GMA Network.

Ayon kay Senadora Hontiveros, nakakakita sila ng koneksyon sa ilegal na POGO sa Bamban at sa Porac, Pampanga kung saan naganap rin ang raid sa tinaguriang “most notorious scam farm” sa bansa, at maging sa ni-raid na mga villa sa Fontana Leisure Parks and Casino at sa Clark Sun Valley.

“At kung dito rin, sa Fontana, nakita yung mga documentary evidence na napakabigat niyan na may co-incorporators or may interlocking directorates between Fontana and Bamban and Porac at yung nauna ng Clark Sun Valley. Ibig sabihin, hindi ito magkakahiwalay na kumpanya. Lumilitaw na talagang probable mayroong some kind of group of companies at kapag nare-raid yung isa at may mga nakakatakas ay talagang tumatakbo na lang sila dun sa kabilang mga hubs. Yan po yung isang teoryang lumilitaw during our investigation at mukhang sa mga raid na ito ng PAOCC napatutunayan na may mga mga ebidensya para diyan. So, we are really faced not with stand-alone POGO hubs or companies, pero posibleng isang network ng mga ito. Kaya yung sinasabi ng iba’t-ibang resource persons na whole of government or whole of society approach, kinakailangan talaga bago mahuli ang lahat,” saad ni Hontiveros.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -