29.9 C
Manila
Huwebes, Oktubre 10, 2024

Anong values mo sa pera?

MGA KUWENTO NI PERANG (ESTE PARENG JUAN)

- Advertisement -
- Advertisement -

JUAN, sinusundan mo ba yung balita kay Alice Guo?

Ay opo, Uncle. Grabe po yung mga lumalabas, lalo na po yung mga nadiskubre na marami siyang bank accounts, mga real properties at mga salapi?

Bakit, Juan? Masama ba ang magkaroon ng maraming pera o kayamanan?

Hindi naman po, Uncle. Pangarap ko nga yan. Pero mukhang sa balita, sa hindi magandang paraan nakuha ang mga salapi at ari-arian n’ya.

Yan ang magandang pag usapan natin. Yung tungkol sa ethics at values natin tungkol sa pananalapi at kayamanan.

Magkaiba ang ibig sabihin ng ethics at values.

Ang ethics ang nagsasabi sa atin kung ano ang tama at kung ano ang mali sa kung paano tayo kumikita, gumagastos at nagpapalago ng kayamanan.

Karaniwan, ang konsepto ng ethics sa atin ay tungkol sa :

  1. Mali ang magnakaw ng pera;
  2. Mali ang pangongotong;
  3. Mali ang panunuhol;
  4. Mali ang mainggit sa iba;
  5. Tama ang magtrabaho ng marangal at malinis; o
  6. Tama ang tumulong at magbigay sa kapwang nangangailangan.

Ang values naman ang nagsasabi kung ano ang may halaga o importansya sa buhay nating pinansyal.

Kalimitan, ang values natin sa pananalapi ay nag-ugat mula sa kung paano tayo pinalaki, ano ang nakita natin sa ating pamilya, ano ang nilagay sa isip natin ng ating mga teachers, impluwensya ng kaibigan at ngayo’y ang nakikita natin sa internet at social media.

Karaniwan, ang konsepto natin ng values ay tungkol sa:

  1. Pagtitipid;
  2. Pagkakaroon ng financial security;
  3. Pagtulong sa magulang;
  4. Pag-invest sa edukasyon;
  5. Pagbibigay ng reward sa ating sarili; o
  6. Pagpapasaya sa pamilya.

Iba-iba ang values ng tao at ito ang nagpapalakas o sumisira sa ethics na dapat  na mas tumatak at hindi nabubuwag sa ating kaisipan at paguugali.

Habang tayo ay lumalaki at nagkakaisip, nahaharap tayo sa iba’t ibang klaseng situwasyon at karanasan na humahamon sa values na meron tayo sa simula lalo na yung mga “BI” o bad influences na dapat nating labanan at patayin sa ating sistema.

Halimbawa, sa korupsyon, marami ang sadyang nasisilaw sa kinang ng salapi. Ito ay nagpapakita na ang values natin sa malinis at marangal na pagkita ng pera ay napakababa sa Pilipinas, kaya ang korupsyon ay talamak.

Sa datos ng Tranparency International sa 2023 Corruption Perception Index, ang Pilipinas ay nasa 115th na rango sa pinakakorap mula sa kabuuang 180 na bansang sinuri.

At nakakalungkot na matindi ang nawawala sa ekonomiya at ang di magandang epekto nito sa investment, kalakalan, trabaho at social services.

Isa pang halimbawa ay ang mga financial crimes tulad ng fraud, money laundering, tax evasion at cyber crime.

Sa isang pag-aaral ng Price Waterhouse and Cooper tulad ng Global Economic Crime and Fraud Survey 2020, ang fraud ay isa sa pinakamatinding problema na tumataas ang insidente kada taon at nagdudulot ng $6 million hanggang $50 million na losses o kawalan sa mga negosyong naapektuhan nito.

Ito ba ay sanhi ng sobrang “greed” o ang pagkawala ng kasiyahan sa kung anong meron ka?

Ito ba ay senyales na nahaharap na tayo sa isang value at ethics crisis o problema sa moralidad ng ating bansa na may potensyal na mas lumala pa?

At kailangan pa ba na higpitan at paigtingin ang mga batas at regulasyon para mapuksa ang financial crimes imbes na masagot na lamang ito ng isang mabuti at malakas na value system sa kasalukuyang henerasyon?

At may mga pag-aaral din na nagpapakita na may kaugnayan ang mga financial crisis na nadanasan ng maraming bansa nuong nakaraang mga dekada sa kahinaan ng values, ethics o moral standards ng isang bansa sa pananalapi at pinansyal na pamumuhay.

Kung susundan natin ang leksyon ng mga pananaliksik tulad ng mga ito, dapat siguro simulan natin sa ating mga sarili ang pagsusuri ng ating values at ethics at paano ito mai-apply sa ating personal na sitwasyong pinansyal.

Para mas magkaroon tayo ng mas tamang pundasyon kung ano ang puwede nating maituro sa ating anak, kung ano ang tama o mali sa pananalapi para mas magkaroon sila ng mas balanseng pagtingin at pagpapahalaga sa pera.

Kailangan talaga magsimula sa ating mga sarili at pamilya. Kahit pa sabihin mong may mga batas at regulasyon, hindi pa rin sapat yun kung ang tinuntungan ng ating bansa na moral at value system ay mahina, marupok at madaling basagin ng mga pagsubok sa mundo at sa ating paligid.

Palagay ko ang values education ay dapat nakaintegrate sa curriculum natin at kung nakaintegrate man ito, ay gumawa ng mas creative at epektibong pamamaraan ng pagtuturo nito na pakikinggan at gagawin ng mga bata. Kadalasan, katulad ng pagtuturo ng reading, ayaw makinig ng bata kasi boring, parang nanenermon o di kaya’y hindi sila makarelate. Dapat meron ding innovation sa pagtuturo.

Juan, may takot ka ba sa Diyos? Anong values mo tungkol sa pera?

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -