25.8 C
Manila
Martes, Disyembre 3, 2024

Panrehiyong Brigada Eskwela ng DepEd Gitnang Luzon pinasimulan sa Bulacan

- Advertisement -
- Advertisement -

PORMAL nang inilunsad ang isang linggo na panrehiyong Brigada Eskwela ng Department of Education (DepEd) Gitnang Luzon na pinasimulan sa Lydia Villangca Trade School sa San Rafael, Bulacan.

Ayon kay DepEd Assistant Regional Director Jessie Amin, isa na namang patunay ang Brigada Eskwela 2024 sa dedikasyon sa edukasyon ng mga guro, magulang, mag-aaral at ng iba’t ibang sektor dahil sa panibagong yugto ng pagbabayanihan.

Makikinabang dito ang nasa mahigit 500,000 mag-aaral at mahigit 20,000 guro sa mga pampublikong paaralan sa Gitnang Luzon.

Ang Brigada Eskwela ay isang taunang tradisyon at obligasyon ng mga namamahala sa mga paaralan at komunidad upang ihanda ang pisikal na anyo, kaayusan at kalinisan ng mga pampublikong paaralan bago ang pagbubukas ng isang taong-aralan.

Nagiging pagkakataon din ito upang makapagbigay ng iba’t ibang uri ng tulong ang mga nasa pribadong sektor sa mga pampublikong paaralan.

Kabilang diyan ang mga pintura, mga kagamitang pangpinta, mga punla ng halaman at puno, karagdagang kasangkapang panglinis, at donasyong pasilidad na 500 metro kwadradong extension site ng Lydia Villangca Trade School.

Bilang hudyat ng pagsisimula nitong Brigada Eskwela, pinangunahan ni United Nations Children’s Fund National Ambassador Gary Valenciano ang seremonya ng pagpipintura ng unang sampung mga silyang pampaaralan.

Para sa kanya, higit pa sa pagsasaayos at paglilinis ng mga paaralan ang Brigada Eskwela, ito’y maihahalintulad sa paglipad ng isang saranggola.

Ipinaliwanag ng ambassador-singer na simbulo ang saranggola ng mga batang mag-aaral habang ang hangin na nagpapalipad dito ay maihahalintulad sa mga magulang.

Hindi aniya makakalipad ang isang Saranggola kung walang hangin, na nangangahulugan na mahihirapan ang isang bata o anak na walang suporta ng magulang.

Kaya’t sa pamamagitan ng Brigada Eskwela, isa ito sa pamamaraan upang maipakita ang malasakit, suporta at pagmamahal ng mga magulang sa kani-kanilang mga anak.

Kaugnay nito, ibinalita naman ni DepEd Bulacan Schools Division Superintendent Norma Esteban na kasado na rin ang Oplan Balik-Eskwelahan para sa nalalapit na pagbubukas ng klase para sa Taong-Aralan 2024-2025.

Nakapaloob dito ang pagkakatanggap sa 435 na mga bagong guro.

Samantala, ibinalita rin ng opisyal na kailangang matapos sa lalong madaling panahon ang karagdagang 81 mga silid-aralan na pinondohan ng Department of Budget and Management ng halagang P287 milyon mula sa Pambansang Badyet ng 2023.

Iba pa rito ang 92 pang mga silid-aralan na nagkakahalaga ng P385 milyon mula sa Pambansang Badyet ng 2024. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -