26 C
Manila
Martes, Oktubre 8, 2024

Disiplina sa paggamit ng Artificial Intelligence

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

SA kasalukuyan, maraming estudyante, professor at iba pang profesyonal ang gumagamit ng artificial intelligence sa pagsagot sa kanilang exam, pagsusulat ng sanaysay pati na rin ang thesis at iba pang pananaliksik. Napakadali kasing gamitin ang ChatGPT, magbigay ka lang ng tanong at agarang naibibigay nito ang sagot sa iyong katanungan sa anumang larangan at disiplina. Ngunit dapat tayong maging mapanuri at mapagtangi sa paggamit ng artificial intelligence lalo na kung mababaw lamang ang ating kaalaman sa paksang tinatalakay.

Upang ipakita ko sa inyo ang pangangailangan na pagiging mapanuri at mapagtangi sinubukan kong gamitin  ang ChatGPT upang sagutin ang tanong hinggil sa limitasyon ng pagpapatupad ng takdang palitan ng salapi. Narito ang tanong ko: Ipaliwanag kung bakit ang takdang palitan ng salapi ay nagbibigay disiplina sa pamahalaan sa pagtitimpi sa pagpapalawak ng ekonomiya?

Narito ang tugon ng ChatGPT sa aking tanong “Ang takdang palitan ng salapi, o fixed exchange rate, ay isang uri ng monetary policy kung saan ang halaga ng lokal na currency ay itinatakda sa isang tiyak na halaga laban sa ibang currency o commodities tulad ng ginto. Ang pagkakaroon ng fixed exchange rate ay maaaring magdulot ng ilang disiplina sa pamahalaan sa pagtitimpi sa pagpapalawak ng ekonomiya sa mga sumusunod na paraan:

Constraint on Money Supply Expansion: Sa ilalim ng fixed exchange rate, ang pagpapalawak ng money supply ng isang bansa ay limitado. Kapag nagpapalaki ng money supply ang pamahalaan, ito ay maaaring magdulot ng pag-depreciate ng currency laban sa fixed exchange rate. Ang ganitong depreciation ay maaaring magdulot ng mga negatibong epekto tulad ng pagtaas ng presyo (inflation) at pagbaba ng kakayahan ng bansa na mag-eksport. Ito ay dahil ang pagpapalawak ng money supply na nagiging mas mura ang pera ay magreresulta sa mas mababang halaga ng salapi”

Narito naman ang mga puna ko sa tugon ng ChatGPT:


Una, ang takdang palitan ng salapi ay hindi isang uri ng monetary policy. Ito ay isang patakaran sa palitan ng salapi na pagtatalaga ng takdang halaga ng dayuhang salapi sa local na salapi. Samakatuwid,  ang presyo ng dayuhang salapi ay hindi nagbabago. Ang ikalawang alternatibo sa pagtatalaga ng halaga ng dayuhang salapi ay nagbabagong palitan ng salapi o flexible exchange rate. Sa alternatibong ito ang halaga ng dayuhang salapi ay nagbabago hango sa pagbabago ng demand at suplay ng eksports at imports ng isang bansa. Kapag nagiging mahal ang imports ang presyo ng dayuhang salapi ay tumataas o ang local na salapi nagdedepreciate. Kapag maraming iniluluwas ang bansa kaysa inaangkat ang dayuhang salapi ay bumababa at ang halaga ng local na salapi ay nag-aappreciate.

Ikalawa, tunay na limitado ang pagpapalawak ng salapi upang tustusan ang pagpapalawak ng ekonomiya hindi dahil nagdudulot ito ng depreciation ng salapi subalit dahil nauuwi ito sa deficit sa balance ng kalakalan o trade balance. Hindi pinapayagan ang depreciation o pagbaba ng presyo ng salapi dahil nakatakda na ito. Kung ito magbabago ang tawag dito ay devaluation at hindi depreciation. Ang problema ay ang paglawak ng deficit sa trade balance kapag lumalaki ang ekonomiya. Papaano ito tutugunan nang  hindi nagbabago ang palitan ng salapi? Una, pwedeng mangutang ang pamahalaan sa ibang bansa upang tustusan ang deficit bunga ng sobrang imports. Ikalawa, maaari ding magbawas ng foreign reserve upang tustusan ang sobrang imports ng bansa. Ikatlo, maaaring mag-anyaya ang pamahalaan ng mga dayuhan na mamumuhunan sa ating bansa  na makapagdaragdag ng dayuhang pondo sa bansa. Kung ang mga alternatibong ito ay hindi makukuha ng isang bansa, ang deficit sa trade balance ay magpapatuloy at lalawak kung hindi pipigilan ng pamahalaan ang pagpapalawak ng ekonomiya. Samakatuwid, ang banta ng lumalaking balance of trade deficit ay nagsisilbing panakot o disiplina sa pamahalaan.

Ikatlo, ang depreciation ng salapi ay hindi nagpapahirap sa ating eksports bagkus ay pinagagaan nito ang ating pagluluwas sa ibang bansa  dahil nagiging mura ang presyo ng local na salapi. Mas maraming produktong local ang maaaring bilhin ng ibang bansa sa mas mahal na dayuhang salapi o murang local na salapi.

Marami ang kakulangan ng ChatGPT. Kadalasan, mahilig gumamit ito ng mga pangkalahatang pananalita sa halip na mga espesipikong pangungusap o sagot. Mahilig ding ipagdikit dikit ng ChatGPT ang sari saring termino na animo’y magkakaugnay ngunit hindi naman magkakaugnay sa pagtugon sa tanong. Kapag ito ay nabasa ng mga hindi bihasa sa larangan aakalain nitong marami at malalim ang kaalaman ng ChatGPT.

- Advertisement -

Marami ang gumagamit ng ChatGPT upang sagutin ang mga ilang katanungan sa iba’t ibang larangan. Kung ang gumagamit nito ay hindi maalam sa disiplina maaaring mauwi ito sa maling kongklusyon at sagot. Dito rin nagsisimula ang maling balita. Dahil dito dapat ay maging mapanuri tayo sa paggamit ng artificial intelligence dahil baka maging artificial din ang ating sagot at tugon.

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -