26.4 C
Manila
Huwebes, Disyembre 5, 2024

Mensahe ni Tagapangulong Arthur Casanova tungkol sa Filipino: Wikang Mapagpalaya

- Advertisement -
- Advertisement -

NARITO ang mensahe ng tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino na si Arthur Casanova, PhD, sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2024na may temang Filipino: Wikang Mapagpalaya.

Isa sa pangunahing kapakinabangan ng wika ang katangian nitong mapagpalaya. Ang ‘mapagpalaya’ ang susing salita sa tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2024. Ang panlaping mapag- ay may konteksto ng katangiang may hilig o may ugali. Samantala, batay sa katuturang mula sa mga diksyonaryo, tatlong konteksto ang mahuhugot ng katuturan ng salitang ‘laya’ o ‘kalayaan’. Una, ang estado ng pagiging walang hadlang o balakid; ikalawa, ang pagkawala sa kalayaan ng pagiging alipin; at ikatlo, tumutukoy ito sa likas na kapangyarihan ng bawat tao upang gawin ang gusto o nais.

Tunay na ang wika ay mahalagang instrumento sa pagpapadama at pagpaparating ng Kalayaan. Nagsisilbi ang wika bilang sandata laban sa mapang-api at mapang-abusong indibidwal, lipunan, at isang bansa.

Sa pagbabalik-tanaw sa kasaysayan ng ating bansa, mapatutunayan natin kung paano naging mabisa ang wika sa pagsulong ng mga ideyang nauukol sa pagtatamo ng kalayaan. Sa iba’t ibang ‘genre’ o anyo ng panitikang lumaganap noong mga panahong iyon ay sanaysay, tula, at nobela. Bagamat wikang Español ang mga unang wikang ginamit ng mga manunulat na Pilipino, marami rin naming gumamit ng wikang Tagalog.


Napabantog at hinangaan ang awit na Florante at Laura ni Francisco Balagtas. Tumimok din sa puso ng mga Pilipino ang trilohiyang tula nina Heminigildo Flores, Marcelo H. del Pilar, at Andres Bonifacio. Tanyag din sa panahon ng mga kolonisador na Español ang mga akda nina Dr. Jose P. Rizal, Graciano Lopez Jaena, Mariano Ponce, at Antonio Luna. Naging paksa ng kanilang mga panulat ang mga prayle.

Hindi sila humingi ng kalayaan mula sa España kundi reporma lámang. Sa akdang “Hibik ng Pilipinas sa Inang España (1888),” isinaad ni Herminigildo Flores ang pangangailangan ng bayang Pilipinas sa Inang España. Mahalagang banggitin na itinatag at pinamatnugutan ni Marcelo H. Del Pilar ang Diyaryong Tagalog (1852). Dito nalathala ang kanilang mapusok at makabagong damdamin. Sa España hinalinhinan sa pagiging patnugot ng La Solidaridad si Graciano Lopez Jaena. Gayundin, napabantog ang akda ni Marcelo H. Del Pilar na “Dasalan at Tocsohan.” Dito tinuligsa niya ang mga prayle (1888-1889) at gumising sa mga damdamin ng mga tao. Pinalitan niya ang mga salita sa panalangin bilang atake sa mga prayle.

Kung may napatanyag man sa mga manunulat na nagpapahayag ng kalayaan, iya’y walang iba kundi si Dr. Jose P. Rizal. Ang mga akdang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ang hindi matatawarang akdang kinahugutan ng pagnanais ng kalayaan mula sa mga kolonisador na Español na naglarawan ng mga sakít ng lipunan. Kabilang din si Antonio Luna na gumamit ng wika’t panitikan sa kaniyang panunuligsa sa mga Español tulad ng mga akda niyang “Por Madrid,” “Impresiones,” at “Karamelo.”

Tulad ni Antonio Luna na ang mga akda niya ay nabibilang sa panahon ng pagkamulat, sumulat din ng mga akda sa panahon ng Español at Amerikano sina Pedro Paterno (1857-1920), Jose Villa Panganiban (1885-1895) na sumulat ng sanaysay sa “La Solidaridad” at Pascual Poblete (1858-1921) na sumulat sa Diaryong Tagalog (1852) kasama ni Del Pilar at Fernando Canon (1860), Mariano Ponce (1863-1918).

- Advertisement -

Ang naging behikulo sa pagpapahayag ng kalayaan ay ang anyong sanaysay dahil kailangang maipahayag nila ang kanilang mga kuro-kuro at pananaw. Malinaw na inilahad at inilarawan nila ang mga katiwaliang ginawa ng mga prayle.

Marapat na banggitin ang mga akdang sumibol noong Panahon ng Himagsikan. Kabilang rito ang “Kartilya ng Katipunan” ni Andres Bonifacio (1863-1897), Liwanag at Dilim ni Emilio Jacinto (1875-1899) at sa pagiging patnugot din ng diyaryong Kalayaan; Pio Valenzuela na umakda ng “Katuturan Din Naman!”. Samantala, noong himagsikan laban sa mga Amerikano; nanguna sa mga manunulat na nagpahayag ng kalayaan sina Apolinario Mabini (1864-1903) na sumulat ng “El Desarollo;” at “El Verdadero Decalogo”; at Jose Palma na sumulat ng “Himno Nacional Filipino.” Bagamat sa Wikang Español isinulat, hindi maitatatwa na ang salin nitong “Pambansang Awit ng Pilipinas” ay buhat sa kaniyang panulat.

Nang dumatal ang pananakop ang mga Amerikano, sumibol ang panahon ng paghahangad ng kalayaan. Ang dula ay ginamit ng mga manunulat upang ipahayag ang kanilang “paghihimagsik” tulad ng nasaksihan sa “Tanikalang Ginto” ni Juan K. Abad at “Kahapon, Ngayon, at Búkas” ni Aurelio Tolentino. Kabilang ang mga akdang ito na tinaguriang mga dulang sedisyoso. Sa panahon ding ito, namayagpag ang mga makabayang tula nina Lòpe K. Santos, Benigno Ramos, Pedro Gatnaitan, Iñigo Ed Regalado, Julian Cruz Balmaceda, at Valeriano Hernandez Peña. Gayundin, nagpatuloy ang anyong nobela sa pagpapahayag ng kalayaan. Kabilang dito ang “Banaag at Sikat” ni Lope K. Santos at “Pinaglahuan” ni Faustino Aguilar.

Magiging lubhang mahaba ang talakay na ito kung isasama ko ang lahat ng akdang napabantog hindi lámang noong panahon ng pananakop ng mga Español, Amerikano, at Hapones. Pagkatapos ng mga nabanggit na panaho’y patuloy na gumamit ng wika at panitikan ang mga manunulat na Pilipino upang maipahayag ang pagnanasang makamit ang kalayaan hanggang sa kasalukuyang panahon. Patunay lámang ito na mabisang naipararating ang idea ng kalayaan sa pamamagitan ng wika. Sadyang hindi matatawaran ang gamit ng wikang mapagpalaya.

Pinatunayan ng ating kasaysayan na ang wikang gamit ng mga manunulat: makata, nobelista, mananaysay, mandudula, manunulat ng maikling kuwento, atbp. ay naging matagumpay sa pagpapadama ng marubdob na damdaming matamo ang kalayaan mula sa mga manlulupig.

Sa bahaging ito, nais kong bigyang-diin ang bisa ng dalawang akda sa pagpapadama ng kalayaan: Joselynang Baliwag at Bayan Ko. Noong panahon ng himagsikan laban sa mga Español, may sumikat na tulang hinggil sa pag-ibig na ang pinapaksa ay isang mayuming dilag na nagngangalang Joselyna. Nagpapahayag ang tulang ito ng masidhing damdamin ng pagmamahal at pagkasabik sa minamahal. Bagamat ito’y tungkol sa pag-ibig sa isang dalaga naging inspirasyon ang tulang ito ng mga Katipunero at nilagyan ng himig at nabuo ang isang awit, ito ay may paralelismo sa pag-ibig sa Inang Bayan sa panahon ng pagtupad nila sa misyon na ipagtanggol ang bayan. Samantala, nasulat ang tulang Bayan Ko pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig na nagpapahayag ng marubdob na damdaming magkaroon ng kalayaan mula sa mananakop. Tunghayan ang teksto ng tulang naging awit.

- Advertisement -

𝐁𝐀𝐘𝐀𝐍 𝐊𝐎

Ang bayan kong Pilipinas

Lupain ng ginto’t bulaklak

Pag-ibig na sa kanyang palad

Nag-alay ng ganda’t dilag

At sa kanyang yumi at ganda

Dayuhan ay nahalina

Bayan ko, binihag ka

Nasadlak sa dusa

Ibon mang may layang lumipad

Kulungin mo at umiiyak

Bayan pa kayang sakdal-dilag

Ang ‘di magnasang makaalpas

Pilipinas kong minumutya

Pugad ng luha at dalita

Aking adhika

Makita kang sakdal laya

Ibon mang may layang lumipad

Kulungin mo at umiiyak

Bayan pa kayang sakdal-dilag

Ang ‘di magnasang makaalpas

Pilipinas kong minumutya

Pugad ng luha at dalita

Aking adhika

Makita kang sakdal laya

Sa Bayan Ko na Musika ni Constancio de Guzman at liriko ni Jose Corazon de Jesus, inilarawan ang kariktan ng ating bayang Pilipinas ipinadama sa ating mga Pilipino ang kahalagahan ng kalayaan mula sa mga kolonisador. Tunay na malaking papel ang ginagampanan ng wika sa pagtatamo ng kalayaan anumang konteksto ito. Ngunit wala na marahil na bibisa pa sa gamit ng wika sa pagkakamit ng kalayaan mula sa mapanupil, mapang-alipin, mapaniil, at mapang-abusong dayuhan.

Kaugnay nito, anong konteksto ng ‘laya’ ang iyong naging danas? Nais mong lumaya sa taksil at abusadong kasintahan o asawa? Gusto mong lumaya sa kinasasadlakan mong kahirapan sa búhay? Ibig mong lumaya sa trabahong hindi kanais-nais ang kalagayan? Gusto mong lumaya sa ámo mong bastos at walang paggalang sa mga kawani? Nais mong lumaya sa barkadang may masamang impluwensiya sa iyo? Gusto mong lumaya sa bisyong nakasisira sa iyong katawan at reputasyon? Gusto mong lumaya sa kaso sa korteng iyong kinasasangkutan? Ibig mong lumaya sa mapanlupig na dayuhang bansa? Saan o kanino mo ibig lumaya? Paano mo ipahahayag ang pagnanasa mong lumaya? Wika ang tugon sa mga naturang tanong.

Makapangyarihan nga ang wika. Ito ay mapagpalaya. Nagsisilbi ang wika bilang daluyan ng pakikipagtalastasan sa kapuwa. Wika ang instrumento sa komunikasyon: paglalahad, paglalarawan, pagsasalaysay, at pakikipagtalo o pagdedebate. Pasalita man, pasulat, o pasenyas, ang wika ay nagsisilbing tulay tungo sa pag-uunawaan at pagkakaisa. Hindi mapasusubaliang ang wika ay mabisang instrumento sa pagpapahayag ng mga konsepto at kaisipang pangkalayaan.

Gayundin, wika ang midyum ng panitikan. Anuman ang anyo o ‘genre’ ng panitikan, wika ang ginagamit ng mga mamamayan sa pagpapalaganap ng kanilang tradisyong pasalita. Wika ang midyum ng mga manunulat sa kanilang akda at obra. Sa pamamagitan ng masining na pagsulat, naipararating ng mga manunulat ang kanilang mga damdamin at kaisipan hinggil sa kalayaan. Gámit ang mga malalim na kaisipan at tayutay na katulad ng metapora at simile, nagiging makahulugan ang pagpapadaloy ng mga konsepto tungkol sa kalayaan.

Sa kasalukuyang panahon, lalo pang lumawak ang sakop ng ideang nauugnay sa kalayaan. Nakawala ang mga kababaihan mula sa di pantay-pantay o di patas ng pagkakaroon ng mga karapatan ng mga kalalakihan. Maging ang mga LGBTQUIA+ ay naipamulat ang kanilang mga karapatan. Gayundin ang mga karapatan ng mga kabataan, matatanda, at ng mga may kapansanan sa ating lipunan. Bahagi ang mga ito ng Katarungang Panlipunan na isinulong ng dating Pangulong Manuel Luis Quezon na nagbigay-diin sa karapatan ng mga manggagawa at mga mahihirap sa lipunan. Palasak din ang kalayaan ng mga katutubo o Indigenous Peoples mula sa mga kapitalista at mananakop ng kanilang mga pamanang dominyo. Mahalagang instrumento rin ang wika sa mainit na isyung nauugnay sa pagpapahayag ng ating damdaming makabayan hinggil sa ating legal na pagmamay-ari ng West Philippine Sea.

Sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2024 hangad, kong magamit ng sambayanang Pilipino ang wikang Filipino sa kanilang pagpapahayag ng mga damdamin at kaisipang nauukol sa kalayaan.

Mabuhay ang sambayanang Pilipino! Mabuhay ang Wikang Pambansang Filipino! Isang mapagpalayang buwan ng Agosto.

ARTHUR P. CASANOVA, PhD

Tagapangulo

Komisyon sa Wikang Filipino

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -