27 C
Manila
Lunes, Setyembre 16, 2024

Empleyado o negosyante?

MGA KUWENTO NI PERANG (ESTE PARENG JUAN)

- Advertisement -
- Advertisement -

O Juan, kamusta trabaho mo?

Naku, Uncle, buti natanong n’yo po. Ang stressful, lalo na yung boss ko. Hanggang weekend, naiistorbo ako. Tapos, makunat naman sa umento ng sahod! Haay!

Talaga ba, Juan? Tiis-tiis lang siguro. Mababago din yan.

Kaya nga, minsan nag-uusap kami ng mga kaopisina ko na baka mas maganda pa ang magnegosyo kahit maliit lang. At least wala kang amo at sarili mong oras mo. Ano sa tingin mo, Uncle.

Juan, yan ang pangkaraniwang iniisip ng mga napu-frustrate sa trabaho nila. At ang unang solusyon na gustong mangyari ay magtayo ng negosyo at huwag nang mangamuhan.


Kasi isa pa, Uncle, yung mga nakikita namin sa social media na nagiging matagumpay na mga batang negosyante na nag-o-online selling ng kung ano-ano o di kaya’y gumawa ng mga pizza o cake na dine-deliver kung saan-saan o  yung iba nama’y ginawa ng hanapbuhay ang pag-Tiktok o pag-vlog. Kaya parang nakakaenganyo na baka puedeng mag-isip ng puedeng i-negosyo at mag-full time na lang doon.

O sige, Juan, yan ang pag-usapan natin. Marami ang nasa situwasyon na katulad n’yo.

Tama ba  o mas makakabuti bang maging empleyado o negosyante?

Mula sa datos ng Philippine Statistics Authority, ang unemployment rate o ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho ay umakyat sa 4.1 porsiyento nitong Mayo ng 2024 kumpara sa 3.1 porsiyento nung Disyembre ng 2023.

- Advertisement -

Ang underemployment rate naman o ang bilang ng mga Pilipinong naghahanap pa ng karagdagang trabaho sa kasalukuyan nilang trabaho ay 9.9 porsiyento nitong Mayo ng 2024 kumpara sa 11.9 porsiyento nung Disyembre ng 2023.

Marami pa rin ang nangangailangan ng trabaho sa Pilipinas. At kung sila ay sawi sa paghahanap ng trabaho na angkop sa kanilang kakayahan, kalimitan nagnenegosyo na lang kahit wala silang karanasan sa ganitong klaseng hanapbuhay.

Bilang empleyado, sa gobyerno man o pribadong sektor, ang PERA mo ay:

P-ersonal growth ay planado;

E- atablished ang role at accountability mo;

R- egular at steady lang ang suweldo;

- Advertisement -

A- ng kontrol ng oras at trabaho ay di sa yo.

Bilang negosyante, maliit man o malaki, ang PERA mo ay:

P- asensenya at perseverance ay kailangan;

E-veryday at all moments, nag-iisip ka ng stratehiya at paraan para kumita;

R-isk taking ay bahagi ng isang negosyo; at

A-ng suweldo mo ay nasa sa iyo kung paano mo papalaguin ang negosyo.

Parehong may advantages at disadvantages. At iba rin ang naibibigay na satisfaction o fulfillment ng pagiging isang empleyado o negosyante.

Sabi nila, may mga tao daw na sadyang nakakabit sa kanila ang pagnenegosyo. Sila ay malikhain, mataas ang pasensya, matindi ang passion at hindi nila iniintindi kung sila man ay magtatagumpay o hindi. Babangon at babangon sila para gumawa ulit ng oportunidad para hindi na nila maulit ang mga pagkakamali ng lumipas at baguhin ang dereksyon na kanilang tatahakin.

Sa iba naman, meron din na umaangat ang kalidad ng pamumuhay sa magandang career growth na nakuha nila sa pagiging isang empleyado. Sabi nila, marami silang natutunan sa kanilang ginawa, lalo na sa mga iba’t ibang mga mentors at eksperto na nakasalamuha nila sa kanilang karera.

Pero marami din ang mga hindi masasayang empleyado at nagtiyatiyaga na lamang para  sa kanilang mga pamilya.

Mula sa Price WaterHouse Cooper’s Hopes and Fears Global Workforce Survey nung 2023,  kung saan mga isang libong Pilipinong empleyado ang tinanong, 29 porsiyento ng mga ito ang may posibilidad na lumipat mula sa kasalukuyang pinagta-trabahuhan sa loob ng 12 buwan dahil sa pinansyal na isyu at kabuuang well-being ng mga ito.

Ayon sa survey, dahil sa mataas na inflation rate, ang mga empleyado sa Pilipinas ay mas may posibilidad na humingi ng mas mataas na suweldo (70 porsiyento) at promotion (59 porsiyento.

Napag-alaman din  ng survey na 26 porsiyento ng empleyado sa buong mundo ay mag-iiba ng kanilang trabaho sa loob ng 12 buwan.  Kasama dito ang mga empleyadong na nakakaramdam sa sila’y overworked (44 porsiyento), may paghihirap sa pagbabayad ng bills kada buwan (38 porsiyento) at Gen Z (35 porsiyento).

Uso na rin ngayon ang nagsi-side hustle o iyong pinagsasabay ang regular na trabaho sa pagnenegosyo. Sa iba, kaya daw nilang pagsabayin. Pero sa karamihan, mahirap pagsabayin at mawalan ng focus sa ginagawa. Ang nangyayari ay nagsasakripisyo talaga ang isa sa ginagawa at sa dulo, parehong talo at wala kang mapapakinabangan.

Ikaw lamang ang makakaalam kung ano ang kakayahan mo, ano ang gusto mo at gustong marating sa buhay.

Dapat talaga malinaw ang financial goals mo at ang mapa ng iyong stratehiya’t pamamaraan kung paano mo makakamit ito.

Sa pagiging empleyado man o negosyante, walang mas simple o mas madali. Parehong may paghihirap at sakripisyo na kailangan. Parehong kailangan ng hard work, diskarte, pakikisama, mga paraang hindi makakasira sa iba at dapat buong pusong gusto mo ang ginagawa mo.

O, Juan, anong bet mo?

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -