SA pagbubukas ng 114th International Labour Conference sa Geneva, Switzerland, binibigyang-diin ng Department of Labor and Employment ang aktibong pakikilahok ng Pilipinas sa mga pandaigdigang talakayan sa paggawa, alinsunod sa direksyon ng Pangulo na palakasin ang proteksyon, kabuhayan, at dignidad ng manggagawang Pilipino.

Kabilang sa pangunahing agenda ng 114th ILC ang decent work in the platform economy, gender equality in the world of work, at social dialogue and tripartism. Para sa Pilipinas, mahalagang bahagi ng talakayan ang pagtiyak na ang mga bagong anyo ng trabaho, tulad ng platform work, ay nagbubukas ng oportunidad nang hindi isinasantabi ang karapatan at kapakanan ng manggagawa.
Sa ilalim ng pamumuno ni Labor Secretary Francis Tolentino, inilalagay ng DOLE ang emerging forms of work, kabilang ang platform work, bilang isa sa mga prayoridad nito. Kabilang dito ang mga praktikal na hakbang upang mas mailapit ang serbisyo ng pamahalaan sa platform workers, gaya ng pagtatatag ng dedicated hotline para sa sektor at pagpapalakas ng access sa legal assistance sa pamamagitan ng labor attorney’s office.
“Ang dignidad ng manggagawa ang dapat manatiling sentro ng ating mga patakaran sa paggawa. Ang platform workers ay manggagawa; tunay ang kanilang ambag sa ekonomiya, kaya dapat ding tunay ang proteksyong kanilang natatanggap,” pahayag ni Secretary Tolentino.
Sa opening statement ng Pilipinas sa second discussion on standard-setting for decent work in the platform economy, ipinahayag ng bansa ang suporta nito sa isang Convention na may kasamang Recommendation. Layunin nitong magkaroon ng malinaw na international labor standards, habang nagbibigay ng praktikal na gabay na angkop sa iba’t ibang batas, business models, work arrangements, at employment classifications ng mga bansa.
Sa 114th ILC, patuloy na makikibahagi ang Pilipinas sa pagbuo ng isang international labor instrument na makabuluhan, balanse, at kayang ipatupad sa iba’t ibang pambansang konteksto.



