27 C
Manila
Lunes, Setyembre 16, 2024

Nagbabadya bang pumasok sa resesyon ang Estados Unidos?

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

MARAMING balitang kumakalat sa Estados Unidos na ang ekonomiya nito ay papasok na sa resesyon. Ang resesyon ay isang kundisyong ekonomiko na mailalarawan sa pagbaba ng tunay na Gross Domestic Product (real GDP) sa dalawang magkasunod na kwarter. Kahit ang kundisyong ito ay hindi pa nararanasan ng ekonomiya ng Estados Unidos sa kasalukuyan, may ilang ekonomista at manunuri sa pananalapi ang nagtatantiya na may mga palatandaan na pumapasok na sa panahon ng resesyon ang ekonomiya ng Estados Unidos. May ilang senyas na binabanggit sila upang ipagtanggol ang kanilang pananaw.

Una, ang paglago ng empleo sa mga nakaraang kwarter ay pumapanglaw. Ang bilis ng paglikha ng trabaho ay bumababa o mabagal na tumataas. Nagpapahiwatig ito na ang demand sa paggawa ng mga kompanya ay bumabagal marahil bunga ng mabagal na paglaki ng produksiyon batay sa matamlay na demand sa kanilang mga produkto at serbisyo. Kung ito ay magpapatuloy at kumalat sa iba’t ibang industriya at sa buong ekonomiya baka makaranas na nga ng resesyon ang Estados Unidos.

Ikalawa, ang presyo ng mga pangunahing stocks ay nagbabaaan. Marami sa mga humahawak ng stocks ay nagbebenta ng kanilang stocks dahil nangangamba silang bababa ang tubo ng mga kompanya bunga ng matamlay na demand. Bago pa man magsimula ang resesyon ang mga kompanyang ito ay nakapagbenta na ng kanilang mga stock upang maiwasan ang kanilang paglugi sa mga hinahawakang instrumentong pananalapi.

Ang dalawang mahahalagang pangyayaring ito sa ekonomiya ng Estados Unidos ang pinagbabatayan ng ilang ekonomista at manunuri sa pagtantiya na nagbabadya na ang pagpasok ng resesyon sa ekonomiya ng Estados Unidos.  Kung ang Estados Unidos ay makaranas ng resesyon sa mga susunod na panahon ano naman ang kabuluhan nito sa sa ekonomiya ng Pilipinas? Kinakailangan ba tayong mangamba?

May mga dahilang dapat mangamba tayo sa tumatamlay na kabuoang demand sa Estados Unidos. Ang Estados Unidos ang pinakamalaking ekonomiya sa buong mundo at ang ikalawang pangunahing nagluluwas ng mga produkto. Tinataya na ang Estados Unidos ay humahawak sa 26.3% ng kabuoang GDP ng buong mundo ayon sa International Monetary Fund (IMF) at kumakatawan sa halos 8% ng kalakalang internasyonal. Dahil sa lawak ng hawak nito sa produksyon at kalakalan sa buong mundo mahigpit ang pagkikipagkalakalan nito sa malalaking ekonomiya tulad ng European Union (EU), China at Japan. Dahil dito may kasabihan kapag umubo ang Estados Unidos sisipunin rin ang mga malalaking ekonomiya at ang buong mundo. Sa Pilipinas, halos 17 porsiyento ng ating eksport ay patungo sa Estados Unidos. Kaya’t ang matamlay na ekonomiya ng Estados Unidos ay madudulot ng paghina ng ating eksport dahil bumababa ang kanilang pambansang kita. Ang resesyon sa Estados Unidos ay nagbabadya rin ng resesyon sa ating bansa hindi lamang dahil matamlay ang lagay sa Estados Unidos ngunit matamlay din ang lagay ng EU, China at Japan na mga pangunahing partner sa kalakalan ng Pilipinas.


Sa pagbagsak ng presyo ng mga stocks sa US maraming kompanyang Filipino na inilagak ang kanilang ari arian sa mga instrumentong pananalapi sa Estados Unidos ay maaaring malugi. Maaari ding bumagsak ang bilihan ng mga instrumentong pananalapi sa maraming bansa kasama na ang Pilipinas. Maaaring ipagbili ng mga kompanya ang mga instrumentong pananalapi na hawak nila at ilagay sa ibang alternatibo tulad ng paghawak ng ginto.

Upang agapan ito at mapasigla ang ekonomiya ng Estados Unidos maaaring ibaba ng Federal Reserve sa Estados Unidos ang kanilang interest rate sa pamamagitan ng pagpapalawak ng suplay ng salapi at pamimili ng mga bonds o panagot. Ang pagbaba ng interest rate magpapasigla sa ekonomiya ng Estados Unidos sa pamamagitan ng pagpapalawak ng demand at depresasyon ng US dolyar. Ang pagbaba ng halaga ng US dolyar ay magpapataas ng eksport nito na magpapasigla sa ekonomiya. Samantala, upang hindi tumaas ang halaga ng PH peso kinakailangan ding magbaba ng interest rate ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Kung hindi magbaba ng interest rate ang BSP magiging mahal ang halaga ng ating eksport. Dalawang bagay ang magpapatamlay sa ating eksport, ang resesyon sa mga malalaking bilihang ng ating eksport at ang mahal na halaga ng PH piso.

Dalawang bagay lamang dapat isaalang alang ng BSP sa pagbaba ng interest rate. Una, ay ang liquidity trap. Sa paglawak ng salapi baka hindi gamitin ng mga mamimili ang murang salapi upang pataasin ang kanilang gugulin. Bagkus, ito ay itatago lamang nila. Ang ikawala, ang pagpapalawak ng salapi ay maaaring mauwi sa inflation na magpapataas ng presyo ng mga produkto at magpapaliit sa demand sa ating mga eksport.

Batay sa ating pagsusuri malaki at mabigat ang kabuluhan ng nagbabadyang resesyon sa Estados Unidos sa Pilipinas. Sa panahon ng globalisasyon, ang mga bilihan ng produkto at instrumentong pananalapi ay mahihigpit ang pagkakapit. Ang isang gambala sa malaking ekonomiya tulad ng Estados Unidos ay may malawak na epekto sa ibang bansa tulad ng Pilipinas.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -