27 C
Manila
Lunes, Setyembre 16, 2024

Pagdiriwang ng ika-128 anibersaryo ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija sinimulan na

- Advertisement -
- Advertisement -

OPISYAL  nang nagsimula ang isang linggong selebrasyon para sa paggunita ng ika-128 anibersaryo ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija.

Tampok dito ang iba’t ibang aktibidad na inihanda ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija katuwang ang mga sangay ng gobyerno nasyonal at pribadong tanggapan, na matutunghayan hanggang sa mismong araw ng kapistahan, ika-dalawa ng Setyembre taong kasalukuyan.

Ayon kay Vice Governor Emmanuel Antonio Umali, ang selebrasyon ay hindi lamang paggunita sa mga sakripisyong ginawa ng mga ninuno, kundi pati na rin ang patuloy na pakikibaka at tagumpay ng Nueva Ecija bilang isang lalawigan.

“Tulad ng ating mga ninuno na nagkaisa para sa kalayaan, tayo rin ngayon ay nagkakaisa para sa progreso at kaunlaran,” pahayag ni Umali.

Sa kaniyang talumpati sa pagbubukas ng programa ay kaniyang ipinaabot ang taos pusong pasasalamat sa mga magsasaka sa Nueva Ecija, na itinuturing na mga bayani sa kasalukuyang panahon.

“Kayo ang tunay na bayani ng ating lalawigan, ang inyong tiyaga, sipag at pagmamahal sa lupa, na siyang bumubuhay sa atin ang nagbibigay ng inspirasyon upang magpatuloy sa pag-abot sa ating mga pangarap,” ayon pa kay Umali.

Sa kabila aniya ng mga kinakaharap na hamon ay patuloy lamang na magsumikap, matulungan, at magtiwala sa ating kakayahan.

Binanggit din ng bise gobernador na makaaasa ang sektor sa patuloy na suporta at paghahatid ng mga serbisyo sa pagpapabuti ng kalagayan ng agrikultura sa lalawigan.

Kabilang na rito ang pagkakaroon ng access sa mga bagong teknolohiya, edukasyon, at tamang suporta mula sa pamahalaan.

Kaugnay nito ay kaniyang hinihikayat ang mga kawani ng pamahalaang panlalawigan na gamitin ang tinatamasang kalayaan sa pagpapadama ng buong pusong serbisyo para sa mga kapwa Nobo Esihano.

“Kailangan po nating magkaisa, kaya ngayon, habang ginugunita natin ang makulay na kasaysayan ng ating lalawigan ay nawa magsilbi itong paalala upang ipagpatuloy ang laban ng ating mga ninuno, ang laban para sa kalayaan, kasarinlan at kaunlaran,” dagdag na mensahe ni Umali.

Kabilang sa mga tampok na programa sa pagdiriwang ng ika-128 anibersaryo ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija ay ang mga aktibidad para sa mga magsasaka, tulad ng agritourism at trade fair, agricultural service caravan, pagkilala sa mga agricultural achievers, at pagtalakay sa mga legal na usapain para sa mga kooperatiba.

Inaanyayahan naman ng kapitolyo ang mga kababayan na makiisa sa pagdaraos ng arts exhibit, pamanang lasa cook fest, laro ng lahi, basic life support training, libreng konsulta legal, historical symposium, bonsai exhibition and competition, medical mission, job fair, at grand concert. (CLJD/CCN, PIA Region 3-Nueva Ecija)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -