MALALAKAS na water cannon ang solusyon ng China upang patuloy na angkinin ang teritoryong nasa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Maliwanag na hindi kinikilala ng China ang resolusyon ng United Nations Convention on the Law of the Sea (Unclos) at 2016 Arbitral Award na nagsasabing bahagi ng exclusive economic zone ng Pilipinas ang West Philippine Sea.
Katunayan, nagpahayag ang matataas na opisyal ng China na hindi nila ito kinikilala. Kaya naman patuloy sila sa pagbabantay sa teritoryong inaangkin nila na nasa South China Sea, kalaban ang iba pang mga bansa gaya ng Brunei, Indonesia, Malaysia, Taiwan at Vietnam.
Kamakailan nga lamang, binomba muli ng China Coast Guard (CCG) ang isang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na may humanitarian mission sa Sabina Shoal.
Nasira ang gamit pangkomunikasyon ng BRP Datu Sanday nang bombahin ito ng water cannon ng isa sa mga barko ng CCG.
Gaano kalakas ang water cannon ng CCG?
Sa isang artikulo sa Science Section ng South China Morning Post, sinabi dito na gumagamit ng high-pressure water pump ang water cannon ng CCG.
Isa itong makabagong sandata na gawa ng mga Chinese researchers at ginamitan ng artificial intelligence (AI).
Kaya nitong makaabot ng hanggang 100 metro na may pressure na 1.2 megapascals.
Katumbas ito ng siyam na toneladang tumama sa isang lalaking nasa hustong gulang o maikukumpara sa parang naapakan ng isang malaking elepante.
Paano binangga ang BRP Datu Sanday
Sa isang press release ng National Security Council, nagpahayag ang National Task Force for the West Philippine Sea kung saan kinumpirma nitong nakaranas nga ang sasakyan ng BFAR ng agresibo at mapanganib na aksyon mula sa walong maritime vessels ng China.
Binangga, binusinahan ng malakas at tinira ng water cannon ang bangka ng BFAR kung kaya nagkaroon ito ng engine failure kung kaya hindi natuloy ang humanitarian mission nito.
Inilarawan ng task force na isa itong ”unprofessional, aggressive and illegal actions” mula sa China na naglagay sa panganib sa mga Filipino crew at mangingisda na kanilang balak dalhan ng mga supply.
Pinabulaanan din ng task force ang balitang iniligtas ng CCG ang isang Pilipinong personnel na nalaglag sa BFAR vessel.
Isa umano itong “fake news” na isang malinaw na panlilinlang upang pagandahin ang imahe ng China.
Nasa exclusive economic zone ng Pilipinas ang pinangyarihan
May layong 60 nautical miles mula Rizal, Palawan ang Hasa-Hasa (Half Moon) Shoal samantalang may layong 110 nautical miles naman ang Escoda (Sabina) Shoal, na nangangahulugan na nasa exclusive economic zone ng Pilipinas ang mga ito.
Pawang bahagi ang dalawang shoal o buhanginan ng Spratly Islands.
Sa ulat ng Agence France-Presse na nalathala sa The Manila Times, ayon sa China, ilegal na pumasok ang BRP Datu Sanday sa Xianbin Reef sa Nansha Islands na tumutukoy sa Escoda Shoal sa Spratly Islands.
Nanawagan naman ang pamahalaan ng Pilipinas sa China na tigilan na nito ang mga mapaghamong aksyon na nagdudulot ng destabilisasyon sa kapayapaan at seguridad sa rehiyon.
Nanindigan ang Pilipinas sa karapatan nito base sa Unclos at sa 2016 Arbitral Award, ayon sa pahayag ng task force.