BUMABA ang inflation rate sa Cagayan Valley sa 3.6 bahagdan nitong buwan ng Agosto kumpara sa 4.8 bahgadan noong Hulyo, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) Region 2.
Ang pagbaba ng inflation rate ay dulot ng mabagal na pagtaas sa presyo ng mga food at non-alcoholic beverages kabilang ang cereal products na may 13.6 porsyento, vegetables and tubers na may -9.5 porsyento, at fish and other seafoods na may -0.3 porsyento. Kasama rin sa pagbaba ng inflation ang sektor ng transportasyon na may kabuuang -1.1 porsyento, dulot ng pagbaba ng presyo ng gasolina na naitala sa -5.9 porsyento at diesel sa -7.2 porsyento.
Sa pangkalahatan, ang Food at Non-Alcoholic Beverages ang may pinakamalaking ambag sa pagbaba ng inflation rate na may 51.1 percent share, sinundan ng Restaurants and Accommodation Services na may 16.9 percent, samantalang ang Housing, Water, Electricity, Gas, and Other Fuels ay may 14.1 percent share, na pinangungunahan ng LPG na may 20.1 percent na pagtaas.
Ayon kay PSA OIC Regional Director Engr. Girme Bayucan, ang mga sektor na nakapagtala ng mataas na paggalaw ng presyo ay ang clothing and footwear, housing, water, electricity, gas, and other fuels, furnishings, household equipment, at personal care.
Nakapagtala rin ng mababang inflation ang health, transport, recreation, sports and culture, at education services sectors. Nanatili ring mababa ang inflation sa information and communication at financial services.
Sa rehiyon, ang mga lalawigan ng Cagayan at Quirino ang may pinakamataas na inflation na may 4.4 percent, habang ang Batanes naman ang may pinakamababang inflation na naitala sa 1.1 percent.
Ayon kay Maria Rosario Paccarangan, chief ng Agribusiness and Marketing Administrative Division ng Department of Agriculture, nakatulong ang harvest season sa pagbaba ng presyo ng pagkain.
Sinabi naman ni Eva Lynne Marcos ng Bangko Sentral ng Pilipinas na mahalaga ang balanseng pagtaas ng presyo upang mapanatili ang katatagan ng ekonomiya.
Ayon naman kay Gina Dayag mula sa National Economic and Development Authority (NEDA), ang mabilis na pagtaas ng inflation ay maaaring magdulot ng contraction sa ekonomiya. (OTB/MFJ/PIA Region 2)