UMABOTna sa 7,398 indibidwal sa rehiyon ng MIMAROPA ang nabigyan ng tulong pangkabuhayan ng Department of Labor ang Employment (DoLE)-Mimaropa sa ilalim ng DoLE Integrated Livelihood Program (DILP).
Sa ulat ni DoLE-Mimaropa Assistant Regional Director Nicanor Bon sa Kapihan sa Bagong Pilipinas ngayong Setyembre 17, ang nabanggit na bilang ng mga nabigyan ng tulong pangkabuhayan ay mula Hulyo 2022 hanggang Hunyo 30, 2024, kasama na rito ang 79 na grupo na binubuo ng 4,974 indibidwal.
“May mga requirement po tayo. Binibigay natin sa nararapat ang nasabing tulong pangkabuhayan. Bina-validate at ini-evaluate po natin kung talagang sila ay deserving po doon sa ating livelihood program,” paliwanag ni Bon.
Ayon pa kay Bon, ang naipamigay na tulong pangkabuhayan ay sa pamamagitan ng mga gamit pang-negosyo na umabot sa mahigit P128.5 milyon, kung saan P15.67 milyon dito ay naipamahagi noong 2022, P77.66 milyon noong 2023 at P35.19 milyon naman ngayong unang semestre ng 2024.
“’Yan po ay hindi pera. Iniiwasan po natin ang pagbibigay ng pera, bagkus ang ibinibigay po natin ay mga gamit. Mas mainam po ang mga gamit dahil makakatulong po ito sa kanilang negosyo. Maaari pong nego-cart, handicraft production, harvester para sa ating mga magsasaka at iba pa pong uri ng negosyo na nais nila,” dagdag pa ni Bon.
Iniulat din niya na nito lamang Setyembre 13, kaugnay ng pagdiriwang ng kaarawan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., nakapagbigay sila ng tulong pangkabuhayan sa nasa 512 indibidwal na may kabuuang halaga na P7.6 milyon. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)