30.8 C
Manila
Sabado, Oktubre 5, 2024

Zamboanga City 2024 MBFI Outstanding Filipino awardee, tulay ng Sama-Bajau learners para makapagtapos

- Advertisement -
- Advertisement -
“Malaki na ang pinagbago ng pananaw ng Sama-Bajau learners sa kanilang hinaharap. Marami na sa kanila ang nangangarap maging propesyonal.”
Mula sa 27 learners noong 2019, umangat ang bilang ng enrollees sa 85 na Sama-Bajau sa Maasin Learning Center sa Zamboanga City.
At ito ay bunga ng pagsusumikap ni Teacher Ma. Ella Fabella, isa sa 2024 Metrobank Foundation’s (MBFI) Outstanding Filipino awardee, na kumbinsihin ang komunidad na pag-aralin sa mga paaralan ang mga kabataan ng Sama-Bajau.
Upang maisakatuparan ito, sinimulan ng guro ang Project B.E.A.R o Bajau Educational Activities and Recreation para masigurong pumapasok ng limang araw sa loob ng isang linggo ang Sama-Bajau learners.
“Pumapasok ang mga batang ito na walang laman ang tiyan at walang dalang school supplies. Sa napakaraming taon, wala sa kanilang plano ang pumasok ng paaralan, kung hindi mag-aral mangisda o ‘di kaya’y mamalimos,” ani Teacher Ella.
“May mga araw na pinanghihinaan ako ng loob dahil hindi nila naiintindihan ang lesson. Madalas din silang makatulog sa classroom dahil mas komportable rito kaysa sa kanilang mga sariling tahanan,” dagdag pa niya.
Upang mahikayat mag-aral ang mga bata, sinalin niya ang learning materials sa wika ng mga Sama-Bajau mula Chavacano. Isinama rin niya sa curriculum ang katutubong kaalaman ng mga Sama-Bajau para mapayaman at mapangalagaan ang kanilang cultural identity.
Itinatag rin ni Teacher Ella ang Pantawid Tutorial Reading Program kung saan pinaigting ang paglahok ng mga magulang sa learning journey ng kanilang mga anak. Nakatulong ito na pataasin ang academic performance ng mga bata at bumuo ng matibay na samahan sa komunidad.
Sa kasalukuyan, 111 learners na ang natulungan ng programa, kabilang ang 27 na Sama-Bajau learners. Nakapagtala rin ang paaralan ng zero drop-out rate sa loob ng limang taon.
Para kay Teacher Ella, patunay lamang ito ng pagsisikap ng Sama-Bajau na iangat ang kanilang katayuan sa komunidad at pag-abot sa layunin na inklusyon ng marginalized sector. Teksto mula sa Facebook page ng DepEd
Mga larawan mula sa Facebook ni Teacher Ma. Ella Fabella at Metrobank Foundation’s (MBFI) Outstanding Filipino FB page.
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -