26.8 C
Manila
Martes, Oktubre 8, 2024

Mga ARBs sa Busuanga at Coron, nangakong pauunlarin ang mga lupang ibinigay sa kanila

- Advertisement -
- Advertisement -

NANGAKO ang mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa bayan ng Busuanga at Coron sa probinsya ng Palawan na pauunlarin nila ang mga lupang ibinigay sa kanila ng gobyerno.

Ito ay matapos na matanggap ng mga benepisyaryo ang kani-kanilang mga titulo ng lupang kanilang sinasaka sa isinagawang pamamahagi nito sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nito lamang Setyembre 19, 2024 sa Old Gymnasium ng Coron, Palawan.

Pinasalamatan din ng mga benepisyaryo ng lupa si Pangulong Marcos Jr. sa kanyang patuloy na suporta at pagkalinga sa mga magsasaka sa Palawan.

Isa ang katutubong Tagbanua na si John Michael Norbe mula sa bayan ng Busuanga ang nagpahayag ng kanyang taos pusong pasasalamat sa Pangulo at nanagakong gagamitin ng maayos at gagawing produktibo ang lupang ipinamahagi sa kanila.

“Nais ko pong ipahayag ang aking taos pusong pasasalamat sa ating Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa walang sawang suporta at pagkalinga sa mga magsasakang katulad naming. Sa pamamamagitan ng repormang programa sa lupa, nabigyan kami ng pag-asa na mapaunlad ang aming kabuhayan at masiguro ang magandang kinabukasan ng aming mga pamilya. Kasama ng aking mga kapwa benepisyaryo ngayong araw, pinapangako po naming na aming gagamitin ng maayos at gagawing produktibo ang mga lupang ipinamahagi sa amin,” ang pahayag ni Norbe.

Si Jharell Jhun Tulukan naman, na nagtapos sa kursong agrikultura, ay nangako din na gawing produktibo ang kanyang lupa sa pamamagitan ng kanyang mga natutunan sa pag-aaral.

“Sa awa ng Diyos, maibibigay na rin po ‘yong titulo na matagal na po naming inaasam-asam. ‘Yong ia-award po sa aming lupa ay gagawin ko pong productive. Isang malaking bagay po sa akin na isang agri grad na wala pa pong sariling lupa. ‘Yon po ang isang daan para mapakinabangan po namin ‘yong napag-aralan po naming sa school,” paliwanag ni Tulukan.

Masaya naman si Joey Zabalo, 49 taong gulang na ARB mula sa Coron, na matatanggap na nito ang titulo ng ibinigay sa kanyang lupa ng Department of Agrarian Reform (DAR). Sinabi pa nito na ilang pangulo na ang lumipas ngunit ngayon lamang sa panahon ni Pangulong Marcos Jr. nabigay ito sa kanila.

“Masaya na magkakaroon na [ako] ng sariling lupa, may titulo; bilang isang magsasaka napakalaking tulong ‘yan. Bagama’t napakatagal na paghintay pero ito, nandito na talaga sa katotohanan. Simula ng nandiyan na kami, ilang pangulo na ang lumipas, dito sa Pangulong Marcos natupad na. Maraming salamat sa Pangulo sa lupang ipinagkaloob sa amin,” ang sabi ni Zabalo.

“Ako po’y masayang masaya dahil sa magandang handog ng ating Pangulo. Kami po ay nagpapasalamat sa ating Pangulo. Thank you very much po Pangulong Marcos,” ang masayang pahayag naman ni Omar Linsangan, isang ARB mula sa bayan ng Busuanga.

Sinabi rin ni Ginang Delia Novero, 65 taong gulang at may walong anak, na malaking tulong sa kanila ang lupang ibinigay sa kanila ng pamahalaan. Mga gulay naman ang nais nitong itanim sa kanyang lupain.

Sa kabuuhan ay nasa 1,234 titulo ng lupa para sa 1,217 ARBs ang naipamahagi ni Pangulong Marcos Jr. katuwang si Department of Agrarian Reform Secretary Conrado M. Estrella III. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -