HABANG binabalak ng Department of Education (DepEd) ang pagpapatupad ng eight-week literacy and numeracy program upang iangat ang performance ng mga mag-aaral, hinimok naman ni Senador Win Gatchalian ang ahensya na tiyaking magkakaugnay ang mga programa nito para sa learning recovery.
Matatandaang binabalak ng DepEd na suspindihin ang regular na academic program upang ipatupad ang eight-week literacy and numeracy program. Sasaklawin ng naturang programa ang mga mag-aaral sa Grade 1 hanggang Grade 3 at ipapatupad sa first quarter ng School Year (SY) 2025-2026.
Sa third quarter ng school na ito, balak ding magpatupad ng Science Program na may literacy at numeracy components para sa Grade 7 hanggang 10. Layunin ng naturang programa na iangat ang Science scores at proficiency levels ng mga mag-aaral na magiging bahagi ng numeracy at literacy components. Layunin din nito na paghandaan ang 2025 Programme for International Student Assessment (PISA) na tututok sa Science.
Binigyang diin ni Gatchalian na nagpapatupad na ang kagawaran ng National Learning Recovery Program (NLRP), kabilang ang national learning camp bilang isa sa mga bahagi nito. Matatandaan na hiniling ng senador ang malawakang reporma sa NLRP.
Batay sa pagsusuri ng Second Congressional Commission on Education (Edcom 2) at ng Senate Committee on Basic Education, 10% lamang ng mga mag-aaral na nangangailangan ng tulong ang nakilahok sa mga learning camps ng DepEd dahil boluntaryo lamang ang pakikilahok dito. Lumabas din sa pagsusuri ng Edcom 2 at ng komite na 50% ng mga mag-aaral na nangangailangan ng tulong ang nakilahok sa mga assessment para sa NLRP.
“Ang mungkahi ko ay suriin natin lahat itong mga programang ito, pagsama-samahin natin sila, at gawin natin silang magkakaugnay. Suportado ko ang mas pinaigting na mga programa para sa literacy at numeracy, pati na ang mga paghahanda natin para sa PISA. Ang mahalaga para sa atin ay tignan ang ugnayan ng mga programa at kung paano nito iaangat ang performance ng ating mga mag-aaral, lalo na sa literacy at numeracy,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Nakabatay ang Eight-Week Literacy and Numeracy Program sa eight-week Learning Recovery Curriculum ng Advancing Basic Education in the Philippines’ (ABC+) na ipinatupad ng DepEd sa Rehiyon V (Bicol) at VI (Western Visayas).