“Mabilis, episyente, at praktikal.”
Ganito isinalarawan ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang kanyang panukala na umupa ang pamahalaan ng police at naval assets para palakasin ang kapulisan at hukbong pandagat ng bansa.
Ayon kay Tolentino, maraming bansa tulad ng Singapore, Australia, France, United Kingdom, Japan, at India, ang umuupa ng police at naval assets mula sa ibang bansa para makaiwas sa malaking gastos kung bibilhin at imementina ang mga ito.
Magugunita na unang ipinanukala ni Tolentino ang pag-upa ng maritime vessels matapos mag-withdraw ang BRP Teresa Magbanua noong Setyembre 15 sa Escoda Shoal, na agaran namang inokupa ng mga barko ng China.
Sa panayam ng senador kay Commander John Percie A. Alcos, direktor ng Public Affairs Office ng Philippine Navy, ibinahagi nito na inabot ng halos limang taon mula pag-order hanggang pag-deliver ng 32-meter attack and missile-capable ships mula Israel, na dumating sa bansa ngayong linggo.
Sumang-ayon si Alcos sa posisyon ni Tolentino na magsisilbing force multiplier para sa Philippine Navy kung makakakuha ng karagdagang mga barko ang bansa sa pamamagitan ng lease arrangement.
Ginamit bilang halimbawa ni Tolentino ang bansang Singapore na aniya’y umupa ng submarino mula sa Sweden para palakasin ang naval fleet nito.
Ibinahagi rin ng senador ang binanggit sa kanya ni Police Chief General Rommel Francisco Marbil na maging ang isang mayamang bansa tulad ng Australia ay umuupa rin ng police cars at mga ambulansya.
“Ang pag-upa ng assets ay matagal nang isinasagawa ng maraming bansa. Gaya ng Estados Unidos, na umuupa ng logistic support ships para sa kanilang marines,” pagtatapos nya.