MATAGUMPAY ang isinagawang pagtatapos ng 210 benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa National Capital Region (NCR) sa ginanap na Ceremonial Graduation nito lamang Sabado (October 5) sa Mandaluyong City Hall, Mandaluyong City.

Pinangunahan ito nina DSWD NCR Assistant Regional Director for Operations Bienvenido Jr. Barbosa, Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos, at 4Ps NCR Operations Office 7 Area Supervisor Raquel Avecilla.
Layunin ng aktibidad na kilalanin ang mga pamilyang benepisyaryo ng 4Ps na naka-angat na mula sa mahirap na kalagayan tungo sa mas maunlad na pamumuhay. Ito ay base sa pinaka huling pagtatasa o assessment gamit ang Social Welfare Development Indicator tool o (SWDI), pamantayan na ginagamit ng mga social workers at case managers ng 4Ps upang masukat ang antas ng pagbabago sa buhay ng mga benepisyaryo.
Samantala, tampok sa programa ang pagbabahagi ng kwento ng tagumpay ni Ginang Lucrecia Rangis, isang Parent Leader mula sa Barangay Addition Hills. Ibinahagi niya na dahil sa 4Ps at sa kanyang patuloy na pagdalo sa Family Development Sessions, marami siyang natutuhan na nakatulong sa kanyang pamilya. Dalawa sa kanyang mga anak ay nakapagtapos na ng pag-aaral, habang ang dalawa pa ay kasalukuyang nag-aaral sa kolehiyo.
Lubos na pinupuri ng programa ang mga sambahayang tulad ng kay Ginang Lucrecia, bilang pagkilala sa kanilang pagsusumikap at dedikasyon tungo sa pag-unlad sa ilalim ng 4Ps.