26 C
Manila
Huwebes, Disyembre 12, 2024

Pagbalanse sa kaunlaran, kalikasan iaambag ng Bulacan sa ‘Super Region’ ng Gitnang Luzon- Gob. Fernando

- Advertisement -
- Advertisement -

INILATAG ni Gobernador Daniel Fernando ang mga hakbang ng Kapitolyo upang maibalanse ang pag-unlad at pangangalaga sa kalikasan ng Bulacan.

Buong pagkakaisang isinusulong ng Central Luzon Growth Corridor Foundation Inc. (CLGCFI) na maibalanse ang pagsusulong ng lalong kaunlaran sa rehiyon habang pinangangalagaan ang kalikasan. Iyan ang sentro ng 4th Quarter Meeting ng CLGCFI na ginanap sa lungsod ng Malolos, Bulacan. Magkasamang pinangunahan ito nina Gobernador Susan Yap ng Tarlac na siyang pangulo ng CLGCFI (nakaupo sa gitna) at ni Gobernador Daniel R. Fernando ng Bulacan (nakaupo, pangalawa sa kanan). Dinaluhan din ito nina Bulacan Provincial Cooperative and Enterprise Development Office Head Jayric Amil (nakaupo, nasa kaliwa), Deparment of Trade and Industry OIC-Regional Director Edna Dizon (nakaupo, pangalawa sa kaliwa) at Bise Gobernador Alex Castro (nakaupo, nasa kanan) (Shane F. Velasco/PIA 3)

Layunin nito patuloy na makapag-ambag ang lalawigan sa pagsasakatuparan na maging isang ‘Super Region’ ang Gitnang Luzon.

Sa ginanap na 4th Quarter Meeting ng Central Luzon Growth Corridor Foundation Inc. (CLGCFI), ipinahayag ng gobernador na nagaganap na sa Bulacan ang bisyon ng pagiging isang Super Region na inilatag noong taong 2006 ni noo’y Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Matatandaan na sa bisa ng Executive Order 561, kabilang ang rehiyon sa nireklasipika bilang Urban Luzon Beltway upang maiposisyon bilang transportation at logistics hub ng bansa.

Ipinaliwanag ng gobernador na ngayong itinatayo na ang mga ipinangakong imprastraktura sa pagiging isang Super Region gaya ng North-South Commuter Railway, MRT 7 at mas modernong North Luzon Expressway, marapat aniyang tutukan ang mga proyekto na magbabalanse sa aspeto ng pagpapaunlad at pangangalaga sa kalikasan.

Kaya naman bilang karagdagan sa ambag ng Bulacan sa bisyon na ito, magtatayo sa lalawigan ng isang waste-to-energy facility sa bayan ng San Ildefonso.

Tugon ito ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan upang maagapan ang pagkakaroon ng isang garbage crisis dahil sa pagsasara ng pangunahing tapunan ng basura sa rehiyon.

Sasabayan ito ng pagpapatayo ng tatlong water impounding facilities sa Bulacan na matatagpuan sa Donya Remedios Trinidad at sa Calumpit.

Bukod dito, naglabas ng utos si Gobernador Fernando na nag-uubliga sa mga bagong itatayo na istraktura at establisemento na kailangang may water impounding facilities sa plano at lalo na sa mismong aktuwal na konstruksiyon.

Magbibigay aniya ito ng proteksiyon laban sa baha para sa iba pang sektor na tinulungang ipundar at mapaunlad ng Kapitolyo gaya ng mga micro, small and medium enterprises; agrikultura at mga industriya na nagbibigay ng trabaho.

Binigyang diin din ng gobernador na magiging balewala ang mga sangkap na ito ng isang Super Region kung matatabunan lamang ng mga problema sa basura, baha, kapayapaan at kaayusan at ng mga sakit.

Kinatigan naman ito ni Gobernador Susan Yap ng Tarlac na siya ring pangulo ng CLGCFI na bumisita rin sa lalawigan.

Napapanahon aniya ang tinuran ng gobernador ng Bulacan dahil bilang isang Super Region ang Gitnang Luzon,  maituturing na isa itong dynamic hub na mayroon ding ‘dynamic problem’.

Dagdag pa niya, makatwiran na balansehin ang lahat partikular ang kaunlaran at kalikasan, upang matiyak na maiambag din ang mga biyaya ng pagiging Super Region ng gitnang Luzon sa pandaigdigang layunin ng Sustainable Development Goals ng United Nations.

Samantala, hinikayat ni Gobernador Yap ang iba pang lalawigan sa Gitnang Luzon na sundan ang ehemplo ng Bulacan sa pagpapabuti at pagpapalakas ng mga MSMEs.

Natitiyak aniya nito ang paglikha ng mga trabaho sa mga kanayunan at tuwirang natutulungan ang mga magsasaka dahil sa kanila mabibili ang mga hilaw na materyales sa paggawa ng mga prinosesong produkto.

Iba pa rito ang patuloy na paglinang sa mga bagong henerasyon ng lakas paggawa sa pamamagitan ng pamumuhunan sa edukasyon at kasanayan. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -