HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Energy Regulatory Commission (ERC) na paspasan ang transition plan para sa pagpapatupad ng Retail Competition Open Access (RCOA) hanggang sa lebel ng mga kabahayan upang bigyang-daan ang mga konsyumer na mamili ng pinaka competitive na supplier ng kuryente.
Ang pagpapatupad kasi ng RCOA ay magdudulot ng masiglang kompetisyon sa merkado kapag nagkaroon ng pagpipilian ang mga konsyumer, na sa kalaunan ay magiging daan upang bumaba ang singil sa kuryente at maging stable ang suplay.
Sinabi din ng mambabatas na ang isang sistemang katulad ng RCOA ay naipapatupad na sa maraming bansa kabilang ang Singapore at United Kingdom.
“Ang adhikain ay dalhin ang kompetisyon hanggang sa antas ng mga kabahayan,”sabi ni Gatchalian, na naglalayong bigyan ang mga ordinaryong mamimili ng higit na kontrol sa kanilang suplay ng kuryente.
Ang RCOA, na unang ipinatupad noong 2013, ay kasalukuyang nagbibigay-daan sa mga konsyumer na may buwanang peak demand na hindi bababa sa 500 kilowatts (kW) na lumipat sa retail electricity supplier sa loob ng Competitive Retail Electricity Market (CREM) dahil sa mas mababang rate kumpara sa mga tradisyonal na distribution utilities.
Upang higit pang isulong ang inisyatiba, hinimok ni Gatchalian ang ERC na babaan ang eligibility upang magbigay-daan sa mas maraming mga mamimili na lumahok. Binigyang-diin niya na bagama’t hindi kaagad maipapatupad ang RCOA sa mga kabahayan dahil sa mga hadlang na pang teknikal, kinakailangan na ngang maglabas ng transition plan ang ERC.
“Kung wala ang transition plan, hindi gagalaw ang distribution utilities dahil mas paborable sa kanila ang status quo. Ang gusto natin ay mabigyan ng kapangyarihan ang mga mamimili,” ani Gatchalian.
Bilang bahagi ng transition plan, maaaring payagan ng ERC ang boluntaryong pag-transition o paglipat para sa mga mamimili na kayang bayaran ang halaga ng metrong kailangan para ipatupad ang RCOA, dagdag ng mambabatas.
“Hindi ko pinipilit ang komisyon na ipatupad na ito bukas. Ang sinasabi ko lang ay kailangan na ng transition plan upang mas marami ang maka-avail ng naturang programa,” pagtatapos niya.