25.3 C
Manila
Biyernes, Enero 17, 2025

Development Studies: Saklaw at balik-tanaw

- Advertisement -
- Advertisement -

SA pagdaan ng panahon, maraming mga bagong disiplina, larangan, at kurso ang umusbong at nabuo sa espisipikong panlipunang kondisyon kung saan nakaugat at nakakonteksto ang mga ito. Bunga ng mga kontradiksyon sa pagitan ng iba’t ibang sistema ng karunungan (knowledge systems), nagkaroon ng talaban ng mga ideya at ideolohiya sa loob at labas ng akademya.  Isa ang development studies sa mga larangang tumutugon sa hamon ng panahon at nangunguna upang hamunin ang mga nananaig na pananaw at balangkas.  Patuloy ring sinisikap ng mga tagapagtaguyod nito na mag-ambag sa mapanuring talastasan, pagpapatibay ng hanay, at ganap na transpormasyon.

Ano nga ba ang development studies?
Ang development studies ay isang interdisiplinaryong larangan ng agham panlipunan (social science). Kinapapalooban ito ng mga disiplina tulad ng economics, political science, sociology, anthropology, geography at iba pa. Ang development studies samakatuwid ay nakatuon sa pag-aaral ng salimbayan ng pang-ekonomiko, heograpikal, pangkalikasan, teknolohikal, kultural at etikal na aspekto ng kaunlaran at pagbabagong panlipunan.

Bilang larangan, sinasaklaw ng development studies ang masusing pag-aaral ng mga usaping panlipunan kagaya ng kahirapan, migrasyon, urbanisasyon, pangangamkam ng lupa, kalamidad, disempleyo, korapsyon, karahasan batay sa kasarian, at marami pang iba. Sa development studies, kapwa mahalaga ang kritikal na pagtukoy sa ugat ng suliranin (hindi lamang sintomas) kasama ang pagbalangkas at pagpapatupad ng mga epektibo at likas-kayang (sustainable) solusyon.

Kaugnay nito, binibigyang diin din ang kritikal na pag-aaral ng kasaysayan upang higit na maunawaan ang lunsaran at larga ng pagbabago.  Kasaysayan ang nagbibigay konteksto at kahulugan sa pinagsimulan at pihit ng pagbabagong panlipunan.  Bukod sa nakaraan at kasalukuyan, kapwa rin esensyal sa pag-aaral ng kaunlaran ang pag-antisipa at pagsusuri sa hinaharap.

Bilang espesyalisadong larangan, kinukuha ang development studies bilang kurso sa akademya sa iba’t ibang antas kagaya ng baccalaureate, master’s, doctorate at maging post-doctorate degree. Depende sa curricular policy, maaari rin itong kunin bilang cognate o elective ng ibang degree programs. Marami na ring mga kumperensiya, publikasyon, at propesyonal na pang-akademikong organisasyon ang nabuo at patuloy na yumayabong sa larangan ng development studies.


Balik-tanaw
Umusbong ang development studies sa panahon ng dekolonisasyon kung kailan masidhi ang layuning kumawala sa kontrol at impluwensiya ng mga dayuhang mananakop sa pang-ekonomiko, pampolitikal at pangkultural na dimensyon.  Kasama rito ang paglansag sa intelektwal na kolonisasyon sa sistema ng edukasyon.

Ang development studies ay tugon sa pangangailangan na magkaroon ng diskursong halaw sa pananaw at karanasan ng mga mamamayan sa Global South (o Third World).  Nagsisilbi itong alternatibo sa maka-kanlurang oryentasyon (Eurocentric) sa pag-aaral ng kaunlaran, karalitaan, at pagbabagong panlipunan.  Alinsunod sa heograpikal na konsiderasyong ito, ang diin ng development studies ay nakalapat sa kongkretong karanasan ng mga atrasadong bansa (underdeveloped nations) sa mga kontinente ng Asya, Latin America, at Africa.  Gayundin, sinasaklaw at sinusuri ng development studies ang nananaig na North-South at South-South relations. Sa konteksto ito, mahalagang hamunin ang di-pantay na relasyon sa una (North-South) at ang solidaridad sa ikalawa (South-South).

Interdisiplinaryong dulog
Mahalaga sa development studies ang pagkakaroon ng interdisiplinaryong dulog (approach) upang mas maunawaan ang isyu mula sa iba’t ibang perspektiba. Halimbawa, ang kahirapan bilang isang problemang panlipunang ay may heograpikal, pang-ekonomiko, at pampolitikang salik na dapat maisaalang-alang.

Maliban sa iba pang salik, maaaring ipagpalagay na may mga mahihirap na komunidad sa Pilipinas dahil sa Luzon-centric, Manila-centric o metro-centric na oryentasyon ng nananaig na modelong pangkaunlaran. Alinsunod dito, kapansin-pansin na ang realidad ng kahirapan ay kinapapalooban ng mga usaping may kinalaman sa spatial justice, economic justice at social justice na tanging mabibigyang-linaw lamang gamit ang iba’t ibang disiplina.  Magiging makitid ang pananaw kung pilit uunawain ang development divide mula sa isang dimensyon lamang. Ganoon din sa partikular na usapin ng income poverty, food poverty, water poverty, fuel poverty, time poverty, information poverty at iba pa.

Sinisipat din ang mga usaping pangkaunlaran sa lokal, rehiyunal, pambansa at pandaigdigang antas dahil esensyal ang pagsasakonteksto (o pagpopook) ng mga inisyatibo, interbensyon, plano, proyekto at programa upang magkaroon ng kabuluhan at lapat na aplikasyon.  Hindi ba’t mariing hinahamon ng development studies ang unibersal na pagpapatupad ng modelong pangkaunlaran? Tutol ito sa bulagsak na paghalaw sa istratehiyang pangkaunlaran nang hindi kinokonsidera ang physico-geographic, politico-economic, at socio-cultural na konteksto ng mga bansa at lokal na komunidad.

- Advertisement -

Alternatibong pananaw
Sa pangkalahatan, sinasaklaw ng development studies ang pagsusuri ng development paradigm, development model, development policy, development plan, at development practice.  Matalas nitong tunutukoy sa angkop na teorya, balangkas, at patakarang pangkaunlaran na makatwirang ipatupad sa isang bansa, organisasyon, o komunidad alinsunod sa kongkretong kalagayan at pangangailangan ng mga mamamayan. Lagi nitong kritikal na inuusisa kung para saan at para kanino nagsisilbi ang kaunlaran (‘development for what and for whom?’).  Hinahamon din nito ang bersyon ng kaunlaran na tumutugon sa mga dayuhan interes, naghaharing uri, at dominanteng grupo.

Progresibong katangian
Bilang isang progresibong larangan, ang development studies ay may pagkiling sa mga marhinalisadong sektor at komunidad na kadalasang hindi nabibigyang pansin o pabor sa nananaig na sistema at kaayusan.  Normatibo ang pagtingin ng mga iskolar sa larangan development studies patungkol sa mga isyung panlipunan. Ito ay alinsunod sa paninindigan na dapat pumapanig o may pagkiling sa interes ng mga binusalan at bulnerableng mamamayan, sektor, at komunidad ang mga development scholar at practitioner.

Sa pangkalahatan, ang kasaysayan ng daigdig ay tumutukoy sa kasaysayan ng di-pagkakapantay (bilang kondisyon) at pakikibaka (bilang tugon).  Layunin ng development studies na suriin ang puno’t dulo ng di-pagkakapantay-pantay at labanan ang mga panlipunang puwersa na sumusuhay rito.  Sa sistematiko at siyentipikong paraan, ang larangang ito ay naglalantad ng mga problemang pangkaunlaran (expose), humahamon sa mga panlipunang puwersa na nagdudulot ng mga ito (oppose), at naglalatag ng mga alternatibong kaayusan at landas ng kaunlaran (propose).

Development Studies sa UP Manila
Sa Pilipinas, isa ang Departamento ng Agham Panlipunan (DSS) sa Unibersidad ng Pilipinas Manila (UPM) sa mga pang-akademikong institusyon na naghahain ng kursong Development Studies. Itinatag ito noon pang dekada ‘80.

Tugon ito ng mga makabayang iskolar at mananaliksik sa pamantasan na aktibo rin sa kilusang pagbabago para banggain ang dominanteng diskurso at patakarang pangkaunlaran na nagreresulta sa pagiging atrasado ng ekonomiya, politika at kultura ng bansa at rehiyon.

Binubuo ang kurso ng mga asignatura kagaya ng development theories, poverty studies, economic systems, political economy of the Global South, comparative development strategies, alternative development strategies, cultural studies, governance, international political economy, political economy of ecology, sustainability, public finance, international trade, economic history, community development, rural development, urban development, political economy of health, communication for development, community immersion, development research at iba pa.  Bilang tugon sa mga nagbabagong hamon ng panahon, patuloy na sumasailalim ang kurso sa pagtatasa (assessment) katuwang ang iba’t ibang sektor mula sa komunidad.

- Advertisement -

Ang mga nakapagtapos sa development studies ay napupunta sa iba’t ibang larangan tulad ng pananaliksik, lehislasyon, patakarang panlabas, midya, pagtuturo, at iba pa. Ang mga larangang ito ay nakapaloob sa pampubliko, pampribado at pangboluntaryong sektor sa lokal o pandaigdigang antas.  Marami na rin sa mga nagtapos ang nagtuloy sa larangan ng abogasya at medisina taglay ang malakas na makamamamayan at makakomunidad na oryentasyon (public interest lawyering at community-based medicine).

Pagbubuo(d)
Sa gitna ng kabi-kabilang hamon sa ating pag-iral bilang isang bansa, mas napatutunayan ang kahalagahan ng development studies bilang isang kontra-gahum (counter-hegemony) sa pagbakas sa nakaraan, pagtatambol ng mga lehitimong panawagan para sa pagbabago, at pakikibaka para sa isang malaya at makatarungang lipunan.  Nagpapatuloy rin ang hamon na ilapat ito sa buhay na karanasan at kolektibong adhikain ng masang anakpawis na siyang dapat mismo na nagbibigay kahulugan at hubog sa klase ng kaunlarang kanilang hinahangad.

Para sa reaksyon, maaari ring umugnay sa pamamagitan nito: [email protected]

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -