SINABI ni Senador Win Gatchalian na ang disaster preparedness program ng mga local government units ay kritikal upang mabawasan ang pinsala mula sa mga natural na kalamidad. Siya ay namahagi ng kabuuang P15.75 milyong halaga ng pagkain at tulong pinansyal sa mga biktima ng baha sa Bicol, ang rehiyong labis na naapektuhan ng bagyong Kristine.
“Kailangan nating bigyan ng kapangyarihan ang mga local government units na bumuo ng kani-kanilang disaster preparedness program para epektibo nilang maibsan ang epekto ng mga kalamidad,” sabi ni Gatchalian.
Ang pahayag ng senador ay kasunod ng lawak ng pinsalang idinulot ng Tropical Storm Kristine sa maraming komunidad sa Bicol Region, kung saan 54 na lugar ang binaha, na nakaapekto sa halos kalahating milyong pamilya. Bilang suporta sa pagsasaayos at rehabilitasyon ng mga komunidad na ito, nagbigay si Gatchalian ng P4.75 milyong halaga ng donasyong pagkain at P11 milyon na cash assistance sa mga lalawigan ng Albay, Camarines Sur, at Camarines Norte.
Sa Albay, namigay si Gatchalian ng P950,000 halaga ng donasyong pagkain at P2.35 milyon na cash assistance kay Governor Grex Lagman para ipamahagi sa mga biktima ng baha sa Legazpi City at mga bayan ng Guinobatan, Daraga, Polangui, at Oas.
Nag-turn over din si Gatchalian ng P2.85 million na halaga ng food donation at P6.55 million na cash assistance kay Camarines Sur Governor Luigi Villafuerte para ipamahagi sa mga biktima ng baha sa mga lungsod ng Naga at Iriga at mga munisipalidad ng Nabua, Libmanan, Minalabac, Buhi, Tinambac, Calabanga, Bula, Baao, Canaman, Garchitorena, San Fernando, Ocampo, Pasacao Balatan. Pili, Bato, Lagonoy, Caramoan, at Goa.
Dagdag pa rito, namigay si Gatchalian ng P950,000 halaga ng donasyong pagkain at P2.1 milyon na cash assistance kay Camarines Norte Governor Ricarte Padilla para ipamahagi sa mga biktima ni ‘Kristine’ sa mga munisipalidad ng Vinzons, Jose Panganiban, Daet, Labo, at Mercedes.
Upang makatulong sa pagbuo ng resiliency capacities ng mga LGU sa bansa, nauna nang inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 939 o An Act Expanding The Application Of The Local Disaster Risk Reduction And Management Fund, na nag-aamyenda sa Republic Act 10121, o kilala bilang The Philippine Disaster Risk Reduction at Management Act of 2010.
Umaasa si Gatchalian na ang pagsasabatas ng naturang panukala ay magpapalakas sa kakayahan ng mga LGU na magpatupad ng mga proyektong magpapalakas sa kanilang kahandaan sa kalamidad, mitigation, response, at rehabilitation capabilities.