MATAGUMPAY na naisagawa ng Team Pinay in Action (PIA) ang kanilang pinakamalaking bike caravan sa Tagum City, Davao del Norte, nitong Sabado, December 7, 2024, kung saan mahigit 500 siklista ang nakisali.
Nakibahagi ang iba’t-ibang grupo ng mga siklista mula Tagum at mga kalapit na lungsod sa 25-kilometrong ruta na “beginner-friendly,” na nagsimula sa Tagum City Hall.
Suportado rin ng mga lokal na opisyal ang programa, kabilang sina Vice Governor Oyo Uy at Tagum City Mayor Rey Uy.
Ang PIA Caravan ay isa sa mga programang itinataguyod ni Senador Pia Cayetano upang hikayatin ang mga Pilipino na magkaroon ng aktibong pamumuhay at mapabuti ang kanilang kalusugan.
Kilala si Cayetano bilang isang sports advocate at dating atleta. Dagdag pa ng senador, ang PIA Caravan ay isang instrumento upang ma-isulong ang kahalagahan ng sports at wellness sa bansa.
Malaki ang pasasalamat ng mga siklista mula Tagum kay Cayetano dahil sa pagdadala ng inisyatibong ito sa kanilang lungsod.
Ayon sa kanila, makakatulong ito upang mas maraming kabataang Pilipino ang maengganyo sa pagbibisikleta at iba pang sports.
“Nakakatulong ito sa mga bikers at sa iba para maging aktibo at maging socially aware na marami palang siklista dito sa Tagum. We’re so thankful na naabot sa Tagum ang ganitong event,” sabi ni Wendell Ligad, isang biker mula Tagum na nakiisa sa programa.
Matapos ang mga matagumpay na PIA Caravan sa Pampanga at Tarlac noong nakaraang buwan, plano ng Team PIA na magtuloy-tuloy sa iba pang lugar sa bansa upang mas mapalaganap ang adbokasiya ni Cayetano para sa malusog at sustainable na pamumuhay.