27.8 C
Manila
Huwebes, Enero 16, 2025

Walang kamuwang-muwang si Gibo sa pangmundong seguridad

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -
PANAHON na upang ipamukha kay Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro na hindi para sa kapakanang pambansa ang pagdagdag ng mga makabago at totoong mapamuksang mga kagamitang pandigma. Kailangang ipagdiinan ang puntong ito dulot ng ngayo’y pilit na pagsang-ayon ni Gibo sa pamimilipit ng braso ng Amerika sa Pilipinas na bilhin ang Typhon missile launch system nito.
Unang naranasan ng Pilipinas ang bisa ng Typhon sa pinagsamang ehersisyong milittar ng mga pwersang Amerikano at Pilipino sa Hilagang Luzon nitong nakaraang tagtuyo. Natapos ang mga ehersisyong militar subalit ang Typhon missile launch system ay nanatiling nakatindig. Nang paalalahanan si National Security Adviser Eduardo Ano na ang mga nasabing pasibilidad ay minamasama ng China bilang banta sa kanyang seguridad, matigas itong nagwika, “Walang sinuman ang pwedeng magdikta sa atin.”
Sa ngayon, hindi lamang matatag na nakatanim na bilang bahagi ng sistemang panalakay-pananggol ng Pilipinas ang mga Typhon na iyun kundi nakaambang madagdagan pa ito nang ayon sa diktasyong nakahandang sundin si Secretary Teodoro mula Amerika.
Mantakin nyo, may kakayahang magpalipad ang mga Typhon ng mga missile na nukleyar hanggang 2,500 kilometro ang layo. E, ang China ay wala nang 200 kilometro ang layo mula Hilagang Luzon. Isang ratsada lang ng mga Typhon ay kung gaano kagrabeng pinsala na ang maaaring likhain nito sa China.
Kaya ganun na lamang kaalarmado ang China hindi lamang sa pananatili ng Typhon missile launch system na ginamit sa nakaraang military drill ng mga pwersang Amerikano at Pilipino kundi gayundin sa aktibong paghahanda ngayon ng Pilipinas na balikatin ang napakalaking gastusin para sa mga karagdagan pang Typhon mula sa Estados Unidos.
Ayon sa Tagapagsalita ng Ministriyong Panlabas ng China, ang plano ng Pilipinas na magkaroon ng Typhon mula US ay nang-uudyok ng gulo at mapanganib, pinahihintulutan ang isang bansa na labas sa rehiyon ng Asean-China na magpataas ng tensyong rehiyunal at magpasiklab ng pag-uunahan sa paglikha ng mga armas, na napakairesponsable.
Pulos ingay lamang at walang katuturan ang naging tugon ni Teodoro.
“Ang pagtindig ng US mid-range missile assets sa Pilipinas sa loob ng pinagsamang mga ehersisyo ay ganap na lehitimo, legal at di matatawaran.“
Sa ekspertong pagtingin, ang ganung mga salita ay pawang mga buladas lamang lalabas. Ang usapin ng seguridad ng isang bansa ay hindi kailanman isinasalang sa balag ng legalismo kundi ikinakama sa realidad ng mga ugnayang internasyonal at rehiyonal.
Halimbawa, ang pagdeploy ng Typhon bilang saklaw ng Balikatan exercises ng Amerika at Pilipinas ay legal kung tutuusin sa mga pamantayan ng Visiting Forces Agreement (VFA) ng 1999. Subalit sa realidad ng mga ugnayang internasyonal at rehiyonal, ang VFA ay di maiiwasan na magkabisala. Magdeploy ka ba naman ng Typhon missile launch system ng US sa dulo ng Pilipinas na wala nang 200 kilometro ang layo sa China. Aba, e, aalma talaga ang mga Chino.
Kilala ng buong mundo ang alitan ng China at Amerika kapwa sa larangan ng ekonomiya at militar. Hindi maaaring umumang ng sandatang nukleyar ang US sa Pilipinas nang hindi talagang China ang inuumangan. Ito ang tinutukoy nating realidad ng ugnayang internasyonal ng mga bansa na ibabaw sa legalidad ng mga ugnayang lokal.
Gaya ng tinuran ni Prime Minister Anwar Ibrahim ng Malaysia, ang ASEAN chair para sa 2025, sa kanyang pagdalaw sa South Korea noong Nobiyembre 2024, “Para sa akin, ang bawat bansa ay may karapatang magsagawa ng mga hakbang upang palakasin ang kanyang pananggol pambansa, subalit hindi ng karapatang magsagawa ng mga probokasyon o pang-uudyok ng gulo. Ang ganung mga gawi ay magpapaimbulog lamang ng mga tensyong rehiyonal.”
Sa Boao Asia Forum noong Abril 2021, inanunsyo ni Presidente Xi Jinping ang Global Security Initiative (GSI) na naninindigan na “…walang bansa ang maaaring magpalakas ng kanyang sariling seguridad sa kapariwarpaan ng iba.”
Kapwa ang mga pahayag nina Premier Ibrahim at Presidente Xi ay naglalaman ng prinsipyo na “di nahahati na segurdad” ng mga bansa.
Nabuhay ang ideyang ito bilang paraan ng pagpapanatiling buo ng Europa na sa pagwawakas ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay nanganib na magkahati-hati bunga ng pagka-kanya-kanya ng pangangalaga sa seguridad.
Sinasabi ng konseptong ito na ang seguridad ng isang estado ay hindi maihihiwalay sa seguridad ng iba pang mga estado, lalo na sa rehiyon nito. Sa Helsinski Final Act ng 1975, ang dating mga magkatunggaling bloke ng North Atlantic Treaty Organization (NATO) at Warsaw Pact ay pinagbuklod sa ilalim ng diwang ito ng di-mapaghihiwalay na seguridad. At namayani ang kapayapaan sa buong Europa. Kung bakit naging kaayaw-ayaw ng Estados Unidos na tanggaping kasapi ng NATO ang Rusya. Noong 2010, nang tanggihan ni Presidente Bill Clinton ng US ang aplikasyon ng Rusya na maging kasapi ng NATO, tuluyan nang nagkalamat nang malaki ang kapayapaan sa Europa. At nang pagpunyagian na ng Amerika ang  pagiging miyembro ng NATO ng Ukraine, ang lamat sa kapayapaan ay nauwi na sa digmaan – ang sa simula ay special military operation lamang noong Pebrero 2022.
Inunahan ni Presidente Vladimir Putin ang kilos ng US na pagmiyembrohin ang Ukraine sa NATO.
At sumunod ang kasaysayan – ang madugong digmaan na hanggang sa ngayon ay nagpapatuloy sa pagwasak sa Ukraine.
Para sa isang Kalihim ng Tanguilang Pambansa ng Pilipinas, napakahirap bang isipin na hindi magdadalawang-isip ang China na gawin sa Pilipinas ang ginawa ng Russia sa Ukraine upang proteksyunan ang sariling seguridad.
“Ang Pilipinas, sa pakikipagtulungan sa Estados Unidos upang ipakilala ang Typhon ay ipinamimigay ang sariling seguridad at depensa, hinahatak sa rehiyon ang mga panganib ng geopolitical na konprontasyon at pag-uunahan sa armas, na nagdudulot ng malaking banta sa rehiyunal na kapayapaan at seguridad,” pahayag ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Mao Ning.
Mahirap bang intindihin iyan, Gibo?
O nagpapaka-Zelensky ka lang talaga upang sa kada dalaw mo sa Amerika, sa mga salita ni President-elect Donald Trump, ay milyung dolyares ang iuuwi?
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -