Enero 1, 2025. Unang araw ng bagong taon.
Tayong mga Pilipino, paano natin binabati ang isa’t isa kapag bagong taon? Manigong Bagong Taon! Masaganang Bagong Taon!
Sa Ingles: Happy New Year. Dahil ang “happy” ay “maligaya” sa Filipino, may ilang nagpapanukala ng ganitong bati: Maligayang Bagong Taon! Na malayo naman sa ating nakagisnan at nakamihasnang pagbati kapag nagpapalit ang taon. Literal itong salin ng pagbati sa Ingles, nang hindi naisaalang-alang ang isang batayang prinsipyo sa pagsasalin: ang isinasalin ay mensahe, hindi salita lamang. Ibang sistema ang wikang Ingles, ibang sistema rin ang wikang Filipino, at bawat wika ay may sariling paraan ng pagpapahayag. Maaaring iba ang paraan ng pagpapahayag ng iisang mensahe.
Binabati natin ang mga kapwa Pilipino ng “Manigong Bagong Taon” sa paghihiwalay ng luma at bagong taon, o sa pagpapalit ng taon. Pero ano ba ang ibig sabihin ng salitang “manigo”? Ito ang tanong ng marami dahil hindi natin karaniwang naririnig ang salitang ito. Tila laging kaugnay lamang ng bagong taon ang gamit nito, at hindi naririnig sa ibang mga pagkakataon.
Ito ang sinasabi ng mga diksiyonaryo:
Diksunaryo ng Wikang Filipino Sentinyal Edisyon 1998 ng Komisyon sa Wikang Filipino:
manigò (pang-uri): maswerte; mapalad; masagana. Singkahulugan: bwenas.
UP Diksiyonaryong Filipino 2001
manigò (pang-uri): maayos at masagana.
Pansinin ang tanda ng impit na tunog sa dalawang diksiyonaryo, bilang gabay sa bigkas, na hindi na natin malalaman kung hindi sinangguni ang nasabing mga diksiyonaryo. Lagi kasing may pang-angkop na –ng ang “manigo” kapag ginamit na.
Ang isa pang pagbati ay “Masaganang Bagong Taon.” Mas pamilyar sa atin ang salitang ito dahil buhay na buhay at ginagamit sa maraming pagkakataon ang salitang “masagana,” mula sa ugat na “saganà.” Pansinin na may impit na tunog din, tulad ng manigò, ang saganà. Pero may dalawang variant ng bigkas ang salitang ito, na lumilitaw kapag may hulapi. May gumagamit ng “kasaganahan,” mayroon namang “kasaganaan” ang bigkas.
Sa popular na awiting pamasko, “Ang Pasko ay Sumapit,” ganito ang ilang linya: “Bagong Taon ay magbagong-buhay/Nang lumigaya ang ating bayan/Tayo’y magsikap upang makamtan natin ang kasaganaan./ Kasaganaan ang ginamit dahil may impit na tunog sa dulo ng salitang ugat na “sagana.” Samantala, may ilan din naman na “kasaganaHan” ang bigkas.
Hindi madalas marinig, ngunit may bumabati rin ng “Mabiyayang Bagong Taon.” Ang kahulugan ay tulad din ng manigo at masagana. Swerte, bwenas, pagkakaroon ng marami, maaaring pera, pagkain, o ano mang gusto. Hindi “maligaya” o “happy” sa Ingles. Sa ating mga Pilipino, maaaring bukal ng ligaya ang pagkakaroon ng swerte, kaya ito ang bati natin sa pagpapalit ng taon: ang maging mapalad, ang pagkakaroon ng sapat o higit pa, para sa iba, at para na rin sa ating mga sarili. Ito siguro ang katapat ng pagiging “maligaya” sa atin kapag bagong taon, bagong swerte, bagong bwenas, bagong pagiging mapalad. Dahil nasa isip natin na kapag bagong taon, bagong buhay na rin. Magpapakabuti na, magpapakasipag, magpapakabait, dadagdagan pa ang mga nagawa nang nakalipas na taon. Kaya iyon din ang sinabi sa kanta:
“Bagong taon ay magbagong buhay…”
Pero dahil sa mga pangyayari sa loob at labas ng Pilipinas, idagdag na rin natin ang pagbati ng “Mapayapang Bagong Taon.”
Noche Buena at Media Noche
Isang linggo lamang ang pagitan sa dalawang okasyong ito, na kapwa pinagpupuyatan ng maraming Pilipino.
Nakagawian na ng maraming pamilya na magsalo-salo sa hatinggabi ng Disyembre 24, dahil ayon sa tradisyon, hatinggabi isinilang si Jesus. (12:01 siguro, hindi saktong 12 ng hatinggabi, dahil Disyembre 25 ipinagdiriwang ang Kaniyang kaarawan.) Ito ang tinatawag na Noche Buena, salitang Kastila na ang literal na kahulugan ay “maganda o mabuting gabi,” at tumutukoy sa bisperas ng Pasko o gabi bago ang Pasko.
Samantala, ang media noche naman, na ang literal na kahulugan ay “hatinggabi” ay ang unang pagkaing pinagsasaluhan ng mag-anak pagsapit ng hatinggabi ng Disyembre 31. Sinasabi ring paghihiwalay ng taon ito, ang pagpasok ng bago at pag-alis naman ng lumang taon. May “countdown” pa nga at kapag saktong 12:00 na ng hatinggabi, itotodo na ang mga pailaw at paputok, maglulundagan, at tuwang-tuwang magbabatian!
Maraming kaugaliang minana natin sa ating ninuno kaugnay ng bagong taon. Ang isa na rito ay ang paniniwala na kailangang itaboy ang malas ng nakaraang taon sa pamamagitan ng pag-iingay. Kaya nauso ang torotot kapag bagong taon, ang mga paputok at pailaw. Masaya nating sinasalubong ang bagong taon habang umaasa at umaasam ng swerte at higit na magandang kapalaran sa darating na mga araw.
Noong bata ako, ang inihahanda ng nanay ko sa media noche ay tsokolateng binati sa batidor. Wala na yatang nagbabati ng tsokolate ngayon kapag media noche. Hindi ko na rin alam kung saan na napunta ang aming bronseng batidor. Hindi na rin siguro alam ng mga kabataan kung ano ang itsura ng batidor. Mayroon ding keso de bola at hamon, at siyempre, ang natirang halaya nang nagdaang Pasko. (Sa amin, kapag halaya, ube ang pangunahing sangkap at walang iba, kaya halaya lamang ang tawag namin, hindi halayang ube, na gaya ng tawag ng iba.)
Ang hindi nawawala ay ang mga pampaswerte sa pagsalubong sa bagong taon. Kaya natuto na rin tayong gumaya sa tradisyon ng mga Tsino, ang paghahain ng 12 bilog na prutas sa ating unang salo-salo sa hatinggabi ng Disyembre 31. Noong bata ako, hindi pa namin alam sa pamilya ang kaugaliang ito. Ang sinusunod lang namin noon ay ang pagsusuot ng damit na kung maaari ay makulay at may bilog-bilog dahil siguro bilog ang mga pera noong araw. Pero ngayon, mas mataas ang halaga ng mga salaping papel na hindi bilog kundi pahaba. Saka pag-alog sa mga barya at pagtalon kapag alas dose na.
Ngayon, hindi ko na sinusunod ang mga iyan. Baka lamang magkabali-bali ang mga buto ko kapag lumundag ako. Hindi na naman ako tatangkad pa. Sapat na sigurong manalangin ng kapayapaan para sa lahat, hindi lamang sa bagong taon, kundi sa lahat ng panahon.
Manigong bagong taon sa lahat!