SA kanyang ika-65 kaarawan, muling pinagtibay ni Senador Loren Legarda ang kanyang pangako na parangalan ang kasaysayan at pamana ng kanyang lalawigan sa pamamagitan ng pagsuporta sa panukalang batas na nagdedeklara sa ika-5 ng Agosto ng bawat taon bilang isang espesyal na non-working holiday sa Bayan ng Anini-y, Lalawigan ng Antique.
“Ang Araw ng Anini-y ay hindi lamang isang pagdiriwang ng kalayaan nito mula sa dating bayan; ito rin ay isang pagpupugay sa mayamang kasaysayan ng Anini-y bilang isa sa mga pinakamatandang pamayanan sa Panay. Ang okasyong ito ay nagbibigay-galang sa ating pamanang pangkultura, sa patuloy na pag-unlad ng bayan, at sa mga kahanga-hangang tagumpay ng ating mga kababayan,” ani Senador Legarda sa kanyang talumpati sa plenaryo ng Senado.
Si Legarda, na dating nagsilbi bilang Deputy Speaker ng Mababang Kapulungan, ay unang naghain ng panukalang ito noong nakaraang Kongreso upang bigyang pagkilala ang mayamang kultura at kasaysayan ng Anini-y.
Sa kasalukuyang Kongreso, sina Rep. Antonio Agapito “AA” Legarda Jr. at Rep. Felimon Espares ang naghain ng panukalang batas, at si Senador JV Ejercito, bilang Tagapangulo ng Komite sa Pamahalaang Lokal, ang nagsulong nito sa Senado.
Ang Anini-y, ang pinakatimog na bayan ng Antique, ay isang lugar na hitik sa kasaysayan. Noong panahon ng pananakop ng mga Kastila, ito ay isang malayang bayan na may isang simbahang Baroque sa kanyang sentro. Noong 1840, ito ay ginawang arabal (satellite community) ng Dao, na ngayon ay kilala bilang Tobias Fornier. Nang dumating ang pamahalaang Amerikano, lalo pang isinama ang Anini-y sa Bayan ng Dao sa bisa ng Philippine Commission Act No. 961 noong 1903.
Noong Agosto 5, 1949, sa bisa ng Executive Order No. 253 na nilagdaan ni Pangulong Elpidio Quirino, muling nakamit ng Anini-y ang pagiging isang ganap na bayan.