WALA pang isang buwan sa kanyang puwesto bilang Pangulo ng Estados Unidos, walang patid na ang pagbabanta ni Donald Trump sa pagpapataw ng taripa sa Canada, Mexico, China, Denmark, at iba pang bansa, kaalyado man o hindi ng Estados Unidos. Ang mga bantang ito ay sinagot naman ng pagpapataw din ng taripa ng Canada, Demark at China sa mga produktong inaangkat mula sa Estados Unidos.
Kung ipatutupad ang mga bandang ito ng mga bansa ang ekonomiya ng mundo ay pumapasok sa isang malagim na sitwasyon na huling naranasan noong 1930 sa Malawakang Depresiyon. Sa maikling sanaysay na ito hihimayin natin ang mga epekto ng pagpapataw ng taripa ng Estados Unidos sa ekonomiya, mamamayan at negosyante nito.
Ang una at agarang epekto ay ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa Estados Unidos. Ang taripa ay isang buwis na ipinapataw sa mga inaangkat na produkto. Dahil dito, tumataas ang presyo ng mga kakompetensiyang produktong inaangkat at nabibigyan ng proteksiyon ang mg domestikong prodyuser. Kung ang produktong pinatawan ng taripa ay isang produktong pangkonsumo, ang pagtaas ng presyo ay mararanasan lamang ng mga mamamayang bumibili ng nasabing consumer good. Samantala, kung ang produktong pinatawan ng buwis ay isang hilaw na sangkap sa produksiyon ng iba pang produktong ginagawa sa Estados Unidos, maaaring magtataasan ang presyo ng mga produktong pinoprodyus sa Estados Unidos. Sa ganitong sitwasyon ay hihina ang pagiging kompetitibo ng mga produktong gawa sa Estados Unidos bunga ng mataas na presyo ng mga produktong iniluluwas nito.
Samakatuwid, ang pagtaas ng presyo bunga ng pagpapataw ng taripa ng Estados Unidos ay hindi lamang nakaaambag sa pagtaas ng inflation rate ng bansa ngunit nagbabanta pa ng panganib sa pagiging kompetitibo ng Estados Unidos. Ang layuning parusahan o saktan ni Donald Trump ang mga bansang kakalakalan ng Estados Unidos sa pagpapataw ng taripa sa mga produktong iniluluwas nila sa Estados Unidos ay sa huli’y bumabalik ang hagupit ng parusa sa Estados Unidos mismo.
Ang ikalawang epekto ng pagpapataw ng taripa ay ang pagbaba ng pambansang kita ng Estados Unidos. Ito ay nangyayari dahil ang nagpapataw ng taripa ay nagbubunga ng di episyenteng alokasyon ng mga yaman. Dahil binibigyan ng proteksiyon ng taripa ang mga domestikong prodyuser, nagkakaroon sila ng insentibong iprodyus ang mga produktong pinatawan ng taripa dahil sa tumataas ng presyo ng mga ito bunga ng taripa kahit na mataas ang kanilang gastos sa produksiyon. Dahil sa pagtaas ng presyo bunga ng proteksiyon ng taripa naglilipatan ang mga yaman mula sa mga sector na episyente o matipid sa paggamit ng yaman sa mga sector na may matataas ang gastos o di episyente. Bunga nito sumosobra ang produksiyon ng mga produktong matataas ang gastos at lumillitt ang produksiyon ng mga produktong episyente sa paggamit ng mga yaman. Ang ganitong sitwasyon na di episyente ang paggamit ng mga kapos na yaman ay nauuwi sa pagbababa ng pambansang kita. Ang mababang pambansang kita ay may implikasyon din sa kakayahang umangkat ng Estados Unidos sa kalaunan.
Ang layunin ng Pangulong Trump sa pagpapataw ng taripa ay pababain ang halaga ng inaangkat ng Estados Unidos dahil sa lumalawak na ang BOP deficit ng bansa. Natutugunan naman ito sa pagpapataw ng taripa sa mga inaangkat at sa pagbaba ng pambansang kita. Ngunit ang pagbaba ng inaangkat ng Estados Unidos ay isang parusa sa mga mamamayan at sa ekonomiya dahil lumiliit ang kakayahan nilang makapagkonsumo ng inaangkat at makapagprodyus gamit ang mga murang inaangkat na hilaw na sangkap. Kakayanin ba ang mabigat na sakripisyong ito ng mga mamimili at prodyuser na Estados Unidos? Kaya bang palitan ng mga domestikong produksiyon ang nawalang import? Marahil ay kakayanin ngunit sa mabigat na sakripisyo na mataas na gastos at mataas na presyo. Parusa na naman ito mga mamamayan ng Estados Unidos. Hindi ko maindintihan kung bakit gustong parusahan ni Donald Trump ang kanyang mamamayan.
Ang ikatlong epekto ng taripa ay ang pagtaas ng presyo ng palitan sa kalakalan o terms of trade ng Estados Unidos. Dahil ang Estados Unidos ay isang malaking bansang umaangkat ng mga produkto, makikinabang ito sa pagpapataw ng taripa sa mga bansang kakalakalan nito. Maaaring tumaas ang terms of trade nito bunga ng pagbaba ng presyo ng mga produktong inaangkat. Dahil sa lawak at kapangyarihan ng Estados Unidos, pinaliliit nito ang demand sa produktong pinatawan ng taripa. Sa paglillit ng demand ang mga kompetitibong suplayer ay magbabawas ng kanilang suplay sa bilihang internasyonal at handa silang ipagbili ang mababang antas ng kanilang suplay na eksport sa mababang presyo. Ngunit malalasap lamang ng Estados Unidos ang pagtaas ng kanyang terms of trade kung bibili itong muli sa mga bansang pinatawan ng taripa. Kung lilipat ang Estados sa ibang bansa, hindi niya ito malalasap at maaaring makuha pa ang inaangkat sa mataas na presyo.
Ang pagtaas ba ng terms of trade ay kayang punan ang mga negatibong epekto ng pagtaas ng inflation rate at pagbaba ng pambansang kita bunga ng pagpapataw ng taripa? Kayo ang tumimbang.