27.3 C
Manila
Biyernes, Marso 28, 2025

Haight’s Place sa Atok, Benguet: Pagbubuklod ng turismo at kasaysayan

- Advertisement -
- Advertisement -

ISA sa mga tanyag na pasyalan sa Atok, Benguet ay ang Haight’s Place na matatagpuan sa Barangay Paoay.

Ngunit bukod sa magandang tanawin na alok ng destinasyon na ito, alam ni’yo ba na mahalaga rin ang naging papel nito sa kasaysayan lalo na sa pagsisimula ng agrikultura sa lalawigan?

Larawan ni Franklin Guy Haight at dalawa sa kanyang mga anak

Balik-tanaw

Ang Haight’s Place ay itinatag ni Engr. Franklin Guy Haight noong early 1900’s, dalawang taon matapos magwakas ang Spanish-American War.

Sa isang panayam ibinahagi ni Susan Haight Ong ang kasaysayan ng Haights Pleace 1

Si Haight ang kasama ni Lyman Kennon na nagplano para sa konstruksyon ng Kennon Road ngunit bago pa man matapos ang nasabing kalsada ay kinapitan ito ng tuberculosis, pagkukwento ni Susan Haight Ong, apo sa tuhod ni Franklin Haight.

“The doctor advised him, ‘go look for a place that is high in elevation and cold in climate’. He brought with him a 15-year-old Igorot boy, his name is Celo. On horseback, on foot, they started looking for a high and cold place,” kwento ni Susan.

Narating nina Franklin Haight at Celo ang lugar sa Atok na isang talampas sa tuktok ng bundok.

Sa bisa ng Philippine Homestead Act, nadeklara ang 24 ektarya na lupa bilang kanyang ari-arian. Dito rin niya sinimulan ang pagtataguyod ng agrikultura sa lalawigan.

“He wrote his parents in the United States and ordered seeds of all these vegetables we are planting in Benguet today. He actually is the father of Benguet agriculture,” saad ni Susan.

Kasama ang iba pang magsasakang Igorot, nagtanim sila ng iba’t ibang klase ng gulay  gaya ng repolyo, carrot, patatas, at iba pa. Ang mga produkto nila ay madalas dalhin sa Baguio at ibenta sa mga Amerikanong nasa Camp John Hay.

Pagkalipas ng ilang taon ay natagpuan at pinakasalan niya ang Igorota na si Susie mula sa Mankayan, Benguet. Biniyayaan sila ng apat na anak na sina Tom, John, Margaret, at William. Inampon din nila si Celo. Lahat ng mga ito ang nagpatuloy sa agrikulturang sinimulan ng kanilang ama.

Larawan ng lumang bahay na itinatag ng pamilya Haight

Ayon kay Susan, sa Haight’s Place din itinatag ang pinakaunang panuluyan sa Benguet kung saan, nagsilbi itong stopover ng karamihan. Gayunman, nasunog ang istruktura sa kasagsagan ng ikalawang digmaang pandaigdig.

“This house here is the house of our great grandmother which was built after the Second World War. When we repaired this house, we did not intend or never planned to put it into business. It is supposed to be a family center.”

Sa unti-unting pag-usbong ng turismo sa bayan, unti-unti ring pinaunlad ang Haight’s Place. Iba’t ibang pananim ang makikita rito gaya ng cabbage roses, white agapanthus, purple agapanthus, snapdragon, calendula, hydrangeas, dusty miller, lavenders, calla lilies, at iba pa.

Nagdesisyon ang pamilya na buksan ang Haight’s Place para sa mga bisita, hindi lamang bilang pasyalan kundi upang maibahagi rin ang mahalagang bahaging ito ng kasaysayan.

Sakura Park

Binuksan din sa Haight’s Place ang Sakura Park kung saan itinamin ang ilang sakura trees noong 2016 bilang pagdiriwang sa sisterhood friendship ng Kochi, Japan at Benguet.

Ayon kay Susan, sa ilalim ng isang usufruct agreement, nasa 3.2 ektarya sa Haight’s Place ang pinayagan nilang mapaunlad bilang Sakura Park sa loob ng 25 taon.

Aniya, hindi matiyak kung anong buwan mamumulaklak ang mga sakura trees dahil noong 2023, namulaklak ang mga puno sa Hulyo habang noong nakaraang taon ay namulaklak sila noong Setyembre.

Aniya, nakatulong din naman sa kanilang pamilya ang ilang programa ng Department of Agriculture lalo na sa pagpapaunlad pa ng agrikultura sa Haight’s Place. Tumulong din aniya ang Department of Tourism sa promosyon ng naturang tourist destination.

“We advise you to open the FB page of Atok Tourism Office so that you will be guided properly when you come to the municipality. We have a history to tell,” payo nito sa mga nagnanais bumisita sa lugar.

Hindi man gaanong nalimbag sa libro ay patuloy ang pagpapahayag ng pamilya Haight sa kasaysayan ng kanilang pamilya sa larangan ng turismo at agrikultura. (DEG-PIA CAR)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -