IBINALIK ni Sen. Francis Pangilinan ang nakaraan kung saan inalala ang Araw ng Kalayaan sa Pamamahayag ngayong Agosto 30, 2025.
Aniya, “Ngayon, ginugunita natin ang kaarawan ni Marcelo H. del Pilar, “Plaridel,” na ang tapang at panulat ang nagbigay-liwanag sa landas tungo sa kalayaan ng ating bayan.
“Ang Araw ng Kalayaan sa Pamamahayag ay hindi lamang paggunita sa kasaysayan, kundi paalala rin ng ating tungkulin na ipaglaban ang katotohanan sa kasalukuyan. Sa kabila ng mga banta, paninira, at maling impormasyon, patuloy na nagsisilbi ang mga mamamahayag na ilawan ang bayan–naglilingkod nang may tapang at integridad.
“Ang malayang pamamahayag ay hindi pribilehiyo, kundi haligi ng demokrasya. Ito ang nagtitiyak na ang kapangyarihan ay mananagot, ang katotohanan ay maaabot ng lahat, at walang tinig ang mapapatahimik.
“Ipinapaabot natin ang pinakamataas na pagpupugay at pasasalamat sa lahat ng kasapi ng media na patuloy na nagsusulong ng katotohanan at hustisya para sa sambayanan. Patitibayin natin ang ating pangako na ipagtanggol ang kanilang kaligtasan, kalayaan, at tungkulin.
“Hangga’t malaya ang pamamahayag, malaya ang sambayanang Pilipino–at mananatiling matatag ang ating demokrasya.”



