NIRATIPIKAHAN na ng Senado ang bicameral conference committee report sa Early Childhood Care and Development (ECCD) System Act (Senate Bill No. 2575 at House Bill No. 10142). Ayon kay Senador Win Gatchalian, isang mahalagang reporma ang panukalang batas upang patatagin ang pundasyon ng mga mag-aaral sa kanilang edukasyon.
Saklaw ng ECCD System ang kabuuan ng mga programang pang-kalusugan, nutrisyon, early childhood education, at social services development na tutugon sa pangangailangan ng mga kabataang wala pang limang taong gulang. Sa ilalim ng ECCD System, tututukan ang pinakambuting kalagayan ng mga bata sa kanilang paglaki. Magiging saklaw ng ECCD System ang lahat ng mga probinsya, siyudad, munisipalidad, at barangay upang makamit ang universal ECCD access para sa mga batang wala pang limang taong gulang.
Layon ng naturang batas na patatagin ang ECCD Council upang tiyaking nakatutok ang estado sa pagpapatatag ng pundasyon ng mga batang wala pang limang taong gulang para sa kanilang development at pagkatuto. Ang kalihim ng Department of the Interior and Local Government ang magisisilbing ex-officio Chairperson for Local Government Mobilization and Overall Implementation, habang ang kalihim ng Department of Education ang magiging ex-officio Co-Chairperson for ECCD Curriculum at lahat ng mga bagay na may kinalaman sa early childhood education. Ang Executive Director ng ECCD Council Secretariat ang magsisilbing ex-officio Vice-Chairperson ng Council.
“Sa pamamagitan ng panukalang batas na ating ipinasa, aabutin natin ang bawat batang wala pang limang taong gulang, at ihahatid natin sa kanila ang mga programa at serbisyong magpapatatag sa kanilang pundasyon bilang mga mag-aaral. Isang mahalagang reporma ito upang tugunan ang krisis sa edukasyon na hinaharap ng bansa,” ani Gatchalian, sponsor at isa sa mga may akda ng panukalang batas.
Magiging responsibilidad naman ng mga local government units ang pagpapatupad ng ECCD System, kabilang ang mga programa at serbisyo sa kanilang mga nasasakupan. Magiging mandato sa mga probinsya, lungsod, at munisipalidad ang paglikha ng ECCD Office na sasailalim sa administrative supervision ng local chief executive. Ang ECCD Office ang maghahatid ng mga programa at serbisyo sa ilalim ng ECCD System, kabilang ang pangangasiwa sa mga Child Development Teachers (CDTs) at Child Development Workers (CDWs).
Isinusulong din ng naturang panukala ang professionalization ng mga CDTs at ang upskilling at reskilling ng mga CDWs. Magiging mandato sa mga kasalukuyang CDWs ang mandatory reskilling at upskilling training programs sa ECCD o early childhood education. Dadaan sa mandatory reskilling and upskilling training programs sa ECCD o early childhood education ang mga kasalukuyang CDWs. Kailangan nilang sumailalim sa assessment at makapasa ng certification mula sa Technical Education and Skills Development Authority (Tesda). Magiging libre ang naturang assessment at certification.