MATAGUMPAY na naigawad ng Department of Labor and Employment (DOLE) Regional Offices, at ng National Conciliation and Mediation Board (NCMB), ang kabuuang ₱2,903,714,020.87 benepisyong-pinansiyal para sa 58,212 manggagawa sa buong Pilipinas sa taong 2024.
Ang benepisyong-pinansiyal ay nagmula sa mga naresolbang isyu sa paggawa at nagbigay ng suporta sa libu-libong pamilya, na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng Single-Entry Approach (SEnA) Program upang mapanatili ang kapayapaang-industriyal at matiyak ang pantay na pagtingin sa mga manggagawa at employer.
Ang SEnA Program ay isang 30-araw na mandatory conciliation-mediation na dinisenyo para makapagbigay ng mabilis, walang kinikilingan, mura, at madaling paraan ng pagsasaayos ng mga isyu o hindi pagkakaunawaan sa lugar-paggawa upang maiwasan na ito ay maging ganap na aktuwal na kaso.
Ipinatupad noong 2013 sa pamamagitan ng pagsasabatas ng Republic Act No. 10396, pinalalakas ng programa ang conciliation-mediation bilang isang boluntaryong paraan ng paglutas ng hindi pagkakaunawaan para sa lahat ng mga kaso na may kaugnayan sa paggawa.
Sa ilalim ng programang SEnA, kolektibong prinoseso ng DOLE ROs at NCMB sa taong 2024 ang kabuuang 53,519 Requests for Assistance (RFAs), kung saan nakamit nila ang pinagsamang disposition at settlement rate na 99.63% at 90.35%.
Sa 64,376 kompanya na may validated employment size data, 36.88% (23,741 RFAs) ay nanggaling sa small enterprises, habang 26.24% (16,892 RFAs) ay nanggaling sa micro-enterprises. Bukod pa rito, 12.88% (8,291 RFA) ay mula sa medium enterprises, habang 24.00% (15,452 RFA) ay mula sa malalaking negosyo.
Samantala, ipinamalas ng DOLE RO at NCMB ang kahanga-hangang kahusayan sa pagresolba ng mga RFA, na pangkaraniwang umaabot lamang ng lima hanggang siyam na (5-9) na araw. Nangunguna ang DOLE RO III kung saan naisasaayos ang kaso sa loob lamang ng isang araw.
Patungkol sa process cycle time (PCT), 69,244 (90.52%) ng RFA ang natapos sa loob ng itinakdang 30-araw, 2,784 (3.64%) sa loob ng 31-45 araw, at 4,472 (5.85%) na lampas sa 46 na araw.
Kahalintulad nito, 53,753 (94.82%) ng RFA ang naresolba sa loob ng 30 araw, habang 1,554 (2.74%) ang nalutas ng lampas sa itinakdang panahon at pinapayagan na mapalawig ng 31-45 araw, at 1,381 (2.44%) ang naresolba ng higit sa 46 araw.
Sa pagtatapos ng Disyembre 2024, 2,250 (2.68%) ng 83,836 RFA na nasa pagdining ng ng DOLE RO at NCMB ang sumasailalim pa rin sa conciliation-mediation proceedings, na nagpapatunay sa layunin nito na bigyan ng masusing atensyon ang mga kasong hindi pa nareresolba.
Bukod sa SEnA, itinataguyod din ng Kagawaran ng Paggawa ang kapayapaang pang-industriya sa pamamagitan ng DOLE Grievance Machinery, kung saan dinidinig ang mga usapin na nagmumula sa collective bargaining agreement at mga patakaran ng kompanya. Itinataguyod din nito ang Voluntary Arbitration, kung saan maaaring pumili ng isang voluntary arbitrator na mamamagitan sa hindi pagkakaunawaan ng dalawang partido at ang kanilang magiging desisyon ay pinal at may bisa. Sa kabilang banda, ang Workplace Relations Enhancement Program ng DOLE ay nagbibigay kapangyarihan sa mga empleyado upang makipag-ugnayan para sa pagresolba ng mga karaingan, at bigyan ng kasanayan sa conflict navigation sa pamamagitan ng plant-level training at seminar