PERSONAL na ipinagkaloob ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang salin ng materyales pangnutrisyon sa tanggapan ng Central Office ng National Nutrition Council. Ang nabanggit na materyales ay unang bunga ng kolaborasyon ng KWF at NNC. Ang materyales pangnutrisyon ay isinalin ng KWF sa mga wikang Hiligaynon, Bikol, Sebwano, at Ilokano. Pinangunahan nina Kom. Arthur Casanova, tagapangulo ng KWF; John Enrico Torralba ng Sangay ng Salin ng KWF; Atty. Rosalina Bascao, deputy executive director; at Queenie Rose Amoso-De Jesus, OIC; NIED ng NNC ang presentasyon ng materyales.
Ibinahagi ng NNC ang kanilang konsiderasyon sa pagtukoy ng materyales na ipapasalin sa KWF. Natukoy na binigyang prayoridad ang materyales na kailangang-kailangan sa mga rehiyon. Sa bahagi naman ng KWF, ipinaliwanang ni G. Torralba ng KWF, na sa proseso ng pagsasalin, isinaalang-alang, na ang materyales ay dapat na mabasa ng mas maraming Pilipino. Sa ganitong dahilan ay isinalin ito sa mga wikang higit na marami ang nagsasalita tulad ng Sebwano, Hiligaynon, Ilokano, at Bikol.
Ang proyektong ito ng KWF at NNC ay magiging isang patuluyang gawain hanggang 2028. Tinutugunan din ng proyekto ang mga probisyon ng Philippine Development Plan 2023-2028.