ANG interbyu o panayam bilang bahagi ng pananaliksik ay may potensyal na makapagbigay ng mayamang datos ukol sa kaalaman, damdamin, gawi, kultura at pagpapahalaga ng indibidwal o grupo. Mahalagang ito ay ganap na mapagplanuhan at mapaghandaan bilang respeto sa ating kakapanayamin na nagpaunlak at nagbigay sa atin ng panahon at pagkakataon. Ang mga sumusunod ay ilan sa mga panuntunan at paalala sa pagsasagawa ng interbyu sa konteksto ng panlipunang pananaliksik.
- Magtala ng mga indibidwal na maaaring kapanayamin batay sa pamantayang iyong itinakda para sa isinasagawang pag-aaral. Maglista rin ng mga konsiderasyon sa iyong pagpili. Ang ilan sa mga pangkalahatang konsiderasyong ito ay ang mga sumusunod: kakayahan, kahandaan, kagustuhan at oras ng kakapanayamin. Para sa partikularidad, balikan ang inclusion criteria ng iyong pananaliksik.
- Ugnayan ang napiling kakapanayamin sa pamamagitan ng liham. Maaari ring sa pamamagitan ng kombinasyon ng pormal at impormal na paraan. Magpakilala at ibigay rin ang iyong contact details.
- Ikonsulta sa kakapanayamin ang paborableng oras para sa kanya. Iwasang makaabala sa kanilang trabahao hangga’t maaari maliban kung talagang bahagi ng panayam ang makuhanan sila ng bidyo o larawan habang nasa empleyo. Tiyaking nabigyan ka ng kaukulang pahintulot ng iyong kakapanayamin at ng kanyang pinagtatrabahuhan. Ibang usapin kapag ang panayam ay may kinalaman sa isyu at problema sa trabaho. Sa kontekstong ito, kailangan maprotektahan ang kanyang identidad dahil may implikasyon ito sa kanyang seguridad bilang manggagawa.
- Linawin ang petsa at ang itatagal ng buong panayam. Tiyaking hindi ito uubos nang mahabang oras para hindi labis na makaabala.
- Planuhin kung ang panayam ay isasagawa sa pamamagitan ng tawag sa telepono, face-to-face o online. May mga panayam din na isinasagawa sa pamamagitan ng e-mail. Alamin ang kalakasan at kahinaan ng bawat isa para mapagdesisyunan kung anong pamamaraan ang gagamitin.
- Pumili ng lugar na ligtas at panatag. Igalang ang pagnanais ng kapanayam na mapanatili ang kaniyang privacy.
- Bumuo ng magandang relasyon (rapport) sa iyong kakapanayamin. Simulan ang panayam nang magaan at kawili-wili. Maging makakapwa sa pakikitungo.
- Makipagpalagayan ng loob sa pamamagitan ng pagkamusta sa kanya. Ugaliing ngumiti para mapanatag ang iyong kapanayam.
- Ipaliwanag na maaari siyang magdesisyon na itigil ang panayam anumang tagpo nang walang masamang maidudulot sa kanya. Mahalaga ito upang matiyak ang kalayaan at karapatan sa sariling pagpapasya ng kinakapanayam.
- Tandaan ang mga batayang prinsipyo ng research ethics: principle of beneficence (do good), principle of non-maleficence (avoid hard), autonomy, at justice. Makabubuti rin kung ikaw ay dumadalo sa basic research ethics training (BRET) at responsible conduct of research (RCR).
- Alamin ang iyong positionality at kung paano ito makakaapekto sa pagsasagawa ng panayam at pananaliksik. Ang positionality ay maaaring tumukoy sa iyong edad, pananampalataya, edukasyon, kasarian, ideolohiya, pangkat etniko, uring panlipunan at iba pa. Sa parametrong ito, ang positionality ay ang salimbayan ng pagkakakilanlan at panlipunang kontekstong kung saan ito nakapook.
- Ipatupad ang pinakamataas na pamantayan ng etika sa pagsasagawa ng panayam lalo na sa mga bulnerableng populasyon. Kabilang sa mga bulnerableng sektor ang mga matatanda, bata, may kapansanan, mahihirap, biktima ng kalamidad at iba pa.
- Ipaliwanag ang mga maaaring maging ganansya (benefit) at panganib (risk) ng isasagawang panayam at tiyaking may kaukulan kang mga hakbang upang tugunan ang mga potensyal na panganib. Maging isang mananaliksik na may pananagutan sa kapwa.
- Humingi ng karampatang pahintulot sa kakapanayamin. Tiyakin na ang kanilang pagbibigay pahintulot ay hindi ibinunga ng intimidasyon, panlilinlang, at manipulasyon.
- Ipaliwanag nang malinaw ang layunin ng panayam sa paraang kanilang lubos na mauunawaan.
- Gawing open-ended ang mga katangungan kung ang layunin ng panayam ay magpalalim ng diskurso at makakuha ng mayaman na datos.
- Linawin kung ang panayam ay may kasunod pang panayam o survey. Tandaang kailangan muli humingi ng pahintulot mula sa kanila para rito. Ang informed consent ay tuwina at tuloy-tuloy na hinihingi sa bawat yugto dahil ito ay hindi isahang pahintulot para sa lahat ng bahagi ng pangangalap ng datos.
- Ihingi rin ng pahintulot kung ikaw ay gagamit ng mga recording device kagaya ng video o audio recorder.
- Tiyaking madaling maunawaan ang iyong mga katanungan para maiwasan ang pagkalito at misinterpretasyon. Isalin sa wikang nauunawaan ng kakapanayamin ang talatanungan.
- Tiyakin na ang mga katanungan ay tumutugon sa layunin ng pananaliksik. Dapat klaro ang mga datos na mahahalaw mula sa panayam alinsunod sa itinakdang research question(s) ng iyong pananaliksik.
- Subukan i-pilot test ang iyong talatanungan para matukoy ang kalakasan at kahinaan nito bago isagawa ang malawakan nitong aplikasyon. Pagkakataon ito upang higit na mapaghusay ang talatanungan at ang mismong panayam.
- Ensayuhin ang pagsasagawa ng panayam upang masanay at mahasa. Maging maalam at matatas sa pagsasagawa ng interbyu. Sa kontekstong ito, kapwa mahalaga ang self-awareness at other-awareness.
- Hasain mabuti ang sarili sa larangan ng oral communication. Balikan at isapraktika ang mga natutunan sa larangang ito. Iwasang maging kabagot-bagot na tagapanayam. Bigyang buhay ang bawat panayam. Tandaan na ang malaking bahagi ng panayam ay nakasalalay sa iyo bilang mananaliksik.
- Kilalanin ang iyong kakapanayamin para alam mo rin ang kanyang posisyonalidad. Maaari itong isagawa sa pamamagitan ng online research kung may makukuhang maaasahang impormasyon sa internet o sa ibang mapagkakatiwalang batis (source).
- Lumikha ng panatag na kapaligiran para sa iyong kakapanayamin. Kung ang kinakapanayam ay kabilang sa marhinalisadong sektor, tiyakin na ang panayam ay makakapagsakapangyarihan (empowering) sa kanila.
- Iparamdam sa kakapanayamin na ‘safe space’ ang isasagawang panayam. Iparamdam din sa kanya na ikaw ay mapagkakatiwalaang tao.
- Tiyaking lohikal ang pagkakasunod-sunod at pagtatambal ng mga tanong.
- Isangguni sa tagapayo ang binuong talatanungan (questionnnaire).
- Tiyaking makabuluhan ang mga katanungan hindi lamang sa iyong pananaliksik kundi maging sa buhay ng iyong kinakapanayam at kanilang komunidad.
- Suriin mabuti ang talatanungan upang maiwasan ang pagpapaulit-ulit o redundancy. I-edit din ito mabuti.
- Pakiramdaman ang damdamin ng iyong kinakapanayam. Maging sensitibong tagapakinig.
- Linangin ang pagiging active listener. Ang panayam ay isa porma ng komunikasyon. Maging sensetibo rin sa non-verbal communcation ng iyong kapanayam.
- Ugaliing maglinaw sa iba’t ibang yugto ng panayam upang maiwasan ang maling tugon at misinterpretasyon sa kasagutan.
- Mag-isip ng follow-up question kung kinakailangan upang maglinaw at makapagpalalim ng talastasan.
- Repasuhin ang talatanungan para matiyak na walang nakalimutan bago tapusin ang panayam. Balikan ang mga bahaging nais pang mapalawig.
- Tanungin ang kinapanayam kung mayroon pa siyang nais idagdag o linawin sa kanyang mga pahayag.
- Repasuhin at isa-isahin ang mahahalagang punto ng kinapanayam at linawin sa kanya kung wasto mo itong naitala at naunawaan.
- Tandaan na may kalayaan ang kinapanayam na bawiin ang anumang nasabi o naipahayag niya sa isinagawang panayam.
- Paalalahanan kung mayroon mang kasamang notetaker, transcriber, at translator na panatilihin ang confidentiality ng datos at privacy ng kinapanayam. Kagaya mo, tiyaking sumailalim din sila sa sapat na pagsasanay sa pakikipanayam at research ethics.
- Isagawa ang panayam na may pagsasaalang-alang sa gender at cultural sensitivity. Iwasan din ang mga nakasasakit na biro. Huwag maging agent at enabler ng symbolic violence.
- Iwasang ituring ang sarili na nakahihigit sa kinakapanayam. Huwag maging mapagmataas.
- Tiyaking tumpak ang transkripsyon ng isinagawang panayam. Suriin mabuti ang dokumento nang makailang ulit.
- Isailalim din sa masinsing participant validation ang transkripsyon para matiyak ang katumpakan nito. Tinatawag din itong member checking.
- Matuto mula sa mga nakaraang panayam upang higit na mapagbuti ang mga susunod pang isasagawa.
- Matuto rin sa paraan at istilo ng pakikipanayam ng ibang mananaliksik.
- Magpasalamat at magbigay ng simpleng token of appreciation sa kinapanayam.
Ang pagsasagawa ng panayam ay nakakapagpanibagong hubog. Kapwa kayo binabago nito ng iyong kinapanayam sa proseso. Bilang bahagi ng pananaliksik, ang pakikipanayam ay dapat maging mapagnilay, demokratiko, mapagpalaya, transpormatibo, at, higit sa lahat, makatotohanan.
Para sa inyong reaksyon, maaari ring umugnay sa pamamagitan nito: [email protected]