27.3 C
Manila
Biyernes, Marso 28, 2025

DOLE makikipagtulungan sa WAPES at Japan Ministry of Health, Labour and Welfare

- Advertisement -
- Advertisement -

SA patuloy na pagsisikap na mapabuti ang pampublikong serbisyong pantrabaho sa buong bansa, nakipagpulong ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa pangunguna ni Secretary Bienvenido Laguesma sa unang pagkakataon sa mga kinatawan mula sa World Association of Public Employment Services (WAPES) at Japan Ministry of Health, Labour and Welfare noong Pebrero 6, 2025 sa punong tanggapan nito sa Intramuros, Manila.

Nakipagpulong ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga kinatawan ng World Association of Public Employment Services (WAPES) at Japan Ministry of Health, Labour and Welfare upang talakayin ang Japan-WAPES Joint Project for the Philippines sa DOLE Central Office, Intramuros, Manila noong  Pebrero 6, 2025.

Ang pagpupulong ay upang talakayin ang nalalapit na Japan-WAPES Joint Project for the Philippines kasama ang pangunahing miyembro ng delegasyon ng Japan, kabilang si WAPES Project Coordinator Minako Takasaki; Ministry of Health, Labour and Welfare Section Chiefs Takashi Sugimori and Harufumi Chonan; at Yuki Suzuki, First Secretary sa Embahada ng Japan sa Pilipinas. Layunin ng inisyatibang ito na bigyan ang DOLE at ang 1,592 Public Employment Service Offices (PESOs) ng makabagong kasanayan at ‘best practices’ upang higit pang mapahusay ang paghahatid ng serbisyo.

“Napakahalaga para sa Pilipinas ang pagkakataong ito na talakayin ang pagtutulungang sa pagitan ng DOLE, WAPES, at Japan Ministry of Health, Labor and Welfare,” pahayag ni Kalihim Laguesma. “Inaasahan ko ang isang matagumpay na gawain na hindi lamang magpapalakas sa ating pagtutulungan kundi pati na rin sa makabuluhang pagpapahusay sa paghahatid ng aming mga serbisyomg pantrabaho,” saad ni Kalihim Laguesma.

Binigyang-diin naman ni Employment and Human Resource Development Cluster Undersecretary Carmela Torres ang napapanahong proyekto, na nakaayon sa pangako ng pamahalaan sa ilalim ng Trabaho Para sa Bayan Plan — ang employment masterplan ng bansa. “Lubos kaming nagpapasalamat sa partisipasyon ng ating mga kasama sa Japan-WAPES Joint Project. Ang kolaborasyong ito ay nagpapatunay sa ating patuloy na pagsisikap upang mapahusay ang pangangasiwa sa serbisyong pantrabaho, at inaasahan namin na ito ay magbubukas ng pinto para sa makabuluhang talakayan para sa strategic alignment, best practices, at makabagong pamamaraan,” wika ni Undersecretary Torres.

Binigyang-pansin din ang kahalagahan ng matatag na pampublikong serbisyong pantrabaho sa State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., noong nakaraang taon, kung saan kanyang kinilala ang kontribusyon ng mga PESO para sa maayos na koordinasyon sa pagitan ng manggagawa at industriya. Noong 2024, umabot sa 98 porsiyento ng 3 milyon o 2.7 milyong Pilipino ay naging matagumpay sa paghahanap ng trabaho. Nagtala din ang mga PESO ng 5 milyong bakanteng trabaho noong 2024, at nakatulong sa pagbibigay kasanayan sa 32,000 naghahanap ng trabaho sa buong bansa.

Isang high-level meeting ang nakatakdang ganapin sa Japan sa susunod na buwan upang higit pang talakayin ang mga detalye ng proyekto. Nakatuon ang talakayan sa Five-Point PESO Agenda ng DOLE, na sumasaklaw sa institusyonalisasyon ng PESO, pagpapaunlad ng kapasidad ng mga nangangasiwa ng PESO, paghahatid ng pangunahing tungkulin ng pampublikong serbisyong pantrabaho, pagpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng pamahalaan, industriya, institusyong pang-edukasyon, at pagpapabilis ng digital transformation.

Dumalo rin sa pulong sina Bureau of Local Employment (BLE) Director Patrick Patriwirawan, Jr., BLE-Program Management Division Officer-in-Charge Jorge Manuel Laude, at Senior Labor and Employment Officer Chester Rey Mulato.

Sa pagtatapos ng pagbisita noong Pebrero 7, 2025, lumahok ang delegasyon ng Japan sa isang pag-aaral upang i-benchmark ang mga serbisyong pantrabaho na ibinibigay ng Quezon City PESO. Nakatuon ang pagbisita sa mga ‘best practice’ sa pagbibigay ng labor market information, employment guidance and counselling, gayundin ang referral at matching services.

Para sa karagdagang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan sa DOLE-Information and Publication Service sa [email protected] at 8527-3000 local 623.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -