27.3 C
Manila
Biyernes, Marso 28, 2025

Paglaban sa China: Sana pagmamaktol lamang ni Bongbong

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

“WALA sa kanila ang mga pumapalakpak sa China at natutuwa pa kapag tayo ay binobomba ng tubig, tinatamaan ang ating mga coast guard, hinaharang ang ating mga mangingisda at ninanakaw ang kanilang huli, at bukod pa roon ay inaagaw pa ang mga isla natin para gawing bahagi ng kanilang bansa.”

At sa ganyang paraan, sa campaign rally ng Alyansa Para Sa Bagong Pilipinas sa Ilocos Norte nitong nakaraang linggo, ipinahayag ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang China bilang isang pangunahing pamantayan sa pagpili ng ibobotong senador sa darating na eleksyon: kung kontra sa China, maganda kaya iboto, kung kampi sa China, kalaban ng bansa, huwag iboto.

Napakamasalimuot ng hidwaan ng Pilipinas sa South China Sea upang ilagay sa ganyang napakapayak na pamantayan.

Sa punto de vista ng kasaysayan, ang hangganan ng Pilipinas ay iyung nakasaad sa Treaty of Paris ng 1898, ang tratado sa pagbenta ng Espanya sa Amerika sa “las islas Pilipinas” sa halagang $20 milyon. At pinatutunayan sa mapa ng teritoryong ibinenta, labas sa hangganan ng Pilipinas ang mga teritoryong ipinakipag-agawan nito ngayon sa China tulad ng Ayungin Shoal at Scarborough Shoal, kilala din bilang Bajo de Masinloc.

Malaking pambabaluktot din ng katotohanan ang ipinagmamalaking panalo kuno ng Pilipinas sa kasong iniharap nito laban sa China sa Permanent Court of Arbitration (PCA) sa Hague. Bagama’t inihatol ng PCA na illegal ang Nine Dash Line ng China na sumasakop sa mga pinag-aawayang teritoryo, wala ni anuman sa kahatulan ang nagsasabi na ang mga teritoryong ito ay sa Pilipinas. Nilinaw ng PCA na wala sa kanyang kahatulan ang usapin sa soberaniya o kung sino ang talagang may-ari ng mga pinag-aagawang teritoryo.


Paulit-ulit na tayo sa paksang ito, subalit napipilitan tayong talakaying muli, sapagkat naririto na naman si Bongbong at nangangaral na ang West Philippine Sea na rito ay ipinasasakop ang Scarborough Shoal at Ayungin Shoal ay pag-aari ng Pilipinas. Sa isang matagal nang pahayag sa media winika niya, “Sabi nila, kanila daw iyun. E, atin talaga iyun.“

Una muna, walang West Philippine Sea sa kasaysayan. Mula’t sapul, ang buong katubigan sa rehiyon ng Timog Silangang Asya ay kilala bilang South China Sea. Ewan ko kung marami sa atin ang nakaaalam na ang taguring “West Philippine Sea” ay unang ginamit ni US State Secretary Hillary Clinton noong Agosto 2012 nang sa proa ng USS Fitzgerald na noon ay nakadaong sa Manila Bay ay gunitain nila ng mga katapat na opisyal ng Pilipinas ang pagkalagda sa Mutual Defense Treaty ng Estados Unidos at Pilipinas.

Ang West Philippine Sea ay likha ng Amerika!

At ito ang gjinagamit ngayon upang pakipagdigmain ang Pilipinas sa China.

- Advertisement -

Iyan ang kaayaw-ayaw ko, ang sangkalanin ang China bilang pangunahing isyu sa eleksyon sa Pilipinas.

Napakamaselan ng usapin sa South China Sea. Hangga’t maaari nga ay nililimita lamang ito sa pag-uusap ng mga opisyal diplomatiko ng kapwa bansa upang pigilan ang pagsabog ng usapin sa isang madugong digmaan- na kapag nagkataon ay walang kapana-panalo ang Pilipinas.

Tandaan, nang salakayin ng Hapon ang Pilipinas noong Disyembre 1941, inabandona ni Heneral Douglas MacArthur ang Pilipinas upang intindihin muna ang kaligtasan ng tahanang lupa ng Amerika. Sa kanayunan, ang pagbaka sa mga Hapones ay binalikat ng mga gerilyang Pilipino, bagama’t ang Maynila at mga kalunsuran ay nanatili sa kanilang busilak na ganda’t katahimikan bunga ng patakarang Open City ni noon ay Presidente Dr. Jose P. Laurel. Nadurog lamang ang Maynila at namatay ang 200,000 libong mamamayan nito nang bumalik na si McArthur at matinding niratsada ng pambobomba ang siyudad samantalang ang pwersang Hapones sa pamumuno ni Heneral Tomoyuki Yamashita ay patakas na sa Cordillera.

Sadyang winasak ng bomba ng Amerika ang Maynila bilang paraan ng pagpapangayupapa sa Pilipinas na sa halagang $800,000 ay ipasok ang Parity Rights Amendments sa konstitusyon ng Pilipinas na nagkakaloob sa mga Amerikano ng kapantay na karapatan ng mga Pilipino na linangin ang likas na yaman ng bansa.

Sa pambobomba ni MacArthur, tinanghal ang Maynila bilang pangalawa sa pinakadurog na siyudad sa buong mundo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Ganyan ang mangyayari kapag ang sambayanang Pilipino ay pinagliyab ng kontra-China na pamumulitika ni Bongbong sa eleksyon.

- Advertisement -

Ang dapat na panloob lamang na sigalot pulitikal ay hinahayaan niyang makaalagwa upang maging turnilyo sa geopolitical na tunggalian ng China at Amerika.

Sa kaduluduluhan, titibay sa halip na mawakasan ang mahigit nang isang siglo ng bagong kolonyalismo ng Amerika sa Pilipinas.

Sa kabilang dako, ganyang totohanan na ang pagpapakatuta ni Bongbong sa Amerika, ano ang pipigil sa China upang totohanin na nga ang pagsuporta sa mga alipures ni Duterte?

Sa lahat ng kalagayan, ang preserbasyon ng sarili ang pangunahing alalahanin ng tao.

Subalit wala pa sa kasaysayan ng mga relasyong panlabas ng China na nakialam ito sa mga panloob na pangyayari sa ibang bansa.

Malaking pampalubag-loob ito sa mga nag-aalala na ang mga binitawang kontra-China na pahayag ni Bongbong ay magdudulot ng kapahamakan sa Pilipinas.

Sa isang mensahe na ipinarating ni Presidente Xi Jinping sa isang pagtitipon ng mga negosyanteng Amerikano, winika niya na kapwa magdurusa ang Amerika at ang China sa konprontasyon at kapwa makikinabang sa kooperasyon.

Kung kaya ng China na amu-amuin ang isang higanteng katulad niya, ano’t  makikipagmatigasan siya sa isang maliit na kapatid na maaaring hindi niya alam ay naghihintay lamang ng karinyo ng isang “big brother”?

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -