MAHALAGANG pagkakataon ang maimbitahan sa mga pampublikong lektura upang makapag-ambag sa larangan at makapagsulong ng adbokasiya. Pagkakataon din ito upang maipahayag ang iyong mga ideya at maisalang ang mga ito para sa higit na pagpapalalim at kritikal na pagsusuri. Ang mga sumusunod ay ilan sa mga paalala at alituntunin sa pagbibigay ng lektura sa mas malawak na grupo o hanay ng tagapakinig.
- Tanggapin ang mga paanyayang magbigay ng pampublikong lektura lalo na kung ito ay may kinalaman sa iyong espesyalisasyon at tinatanganang adbokasiya. Bahagi ito ng ating public service o extension work. Pagkakataon din ito upang ang ating mga pananaliksik ay magkaroon ng potensyal na practical application at policy translation.
- Linawin ang paksang ibinigay sa iyo para sa lektura. Kadalasan ito ay naka-angkla sa tema na kanilang pinili para sa okasyon na may kaugnayan naman sa mga napapanahong isyu o sa adhikain at adbokasiya mismo ng organisasyon.
- Alamin din kung ilang oras ang nakalaan para sa iyong lektura. Mahirap magahol sa panahon at magmadali sa dulo ng presentasyon. Maaaring makompromisa nito ang kalidad ng lektura.
- Humingi ng kopya ng programa at poster (kung mayroon man) para mas maging malinaw sa iyo ang latag at larga ng buong gawain. Kadalasang tinataglay ng dalawang dokumentong ito ang pangkalahatang tema at partikular na paksa kasama ang kaukulang petsa, oras at lugar. Mahalagang linawin din kung face-to-face, online o hybrid ang lektura.
- Alamin ang demographic at sociographic profile ng iyong mga tagapakinig. Napakahalaga nito upang maiangkop mo ang lawak, lalim, wika, haba at estratehiya ng mismong presentasyon. Magkaiba ang dulog o lapit (approach) kung ang tagapakinig ay bihasa o maalam na sa tema at paksa kung ikukumpara sa mga baguhan o bagito sa larangan. Tandaan din na maaaring hindi homogenous ang mga tagapakinig dahil taglay nila ang iba’t ibang positionality, standpoint at frame of analysis. Sa kontekstong ito, mahalagang magbigay at maglatag ng iba’t ibang kontekstwalisadong halimbawa at ilustrasyon para mas makapagbigay linaw.
- Paghandaan mabuti ang iyong presentasyon. Tiyaking malinaw ang parametro ng iyong mga depinisyon at ang pagsasakasaysayan ng usapin. Mahalaga ito para linawin ang pagpapakahulugan ng mga konsepto at mailatag ang trajectory ng tampok na isyu.
- Pag-isipan kung ano ang magiging lunsaran ng iyong lektura lalo na kung ito ay may malakas na panlipunang oryentasyon (halimbawa: konseptuwal, lexikal, teoretikal, pilosopikal, konstitusyunal, istorikal, heograpikal, praktikal at iba pa).
- Magsagawa rin ng kaukulang pananaliksik o literature review upang maitampok ang state-of-play ng larangan o paksa. Mahalaga ito para mabigyang diin ang mga nagtatalaban at napapanahong diskurso, pananaw at metodo. Sa bilis ng mga pagbabago, mahirap mapag-iwanan ng panahon.
- Mag-isip ng malikhaing titulo upang pukawin ang interes ng mga tagapakinig.
- Gawing interesante ang panimula ng talakayan upang makuha ang atensyon ng mga dumadalo. Maaaring ito ay sa porma ng anecdote, vignette at iba pa.
- Isaad din sa presentation slide ang balangkas o outline ng tatalakayin. Tiyaking maayos ang pagkakasunod-sunod ng subtopic para maging lohikal ang daloy ng buong lektura.
- Ilahad din bago magsimula ang aktwal na lektura ang iyong posisyonalidad bilang tagapagsalita. Halimbawa, linawin kung anong lente ang iyong gagamitin sa pagsipat sa paksa (halimbawa: pangkalikasan, pangkasarian, pampolitikang ekonomiya, pangkomunikasyon at iba pa). Isaad din ang iyong academic background at institutional affiliation.
- Gumamit ng mga angkop na larawan at ilustrasyon na tatambal sa iyong teksto. Makatutulong din ang mga ito bilang discussion prompt para mas maging aktibo ang mga tagapakinig.
- Gamitin nang epektibo ang storytelling bilang paraan ng pagtalakay at paglalahad.
- Ipaloob din ang iba’t ibang pananaw o punto-de-vista para makita at maimapa ang mga nagtatambalan (co-orienting) at nagtatalabang (diverging) mga perspektibo ukol sa usapin. Sa dulo ay maaari kang pumosisyon para ilatag ang iyong tindig at pagpanig alinsunod sa paniniwalang “neutrality is a myth.”
- Gamitin ang pagkakataon upang makapagmulat ukol sa tunay na kalagayan ng lipunan (political education). Sa tingin ko, bigo ang buong gawain kung hindi ito maisasakatuparan.
- Halawin ang expose-oppose-propose model kung ang perspektiba ng iyong pagtalakay ay alinsunod sa critical tradition (o discourse of suspicion sa termino ni Dennis Mumby). Mahalaga ito upang mailantad ang mga problemang panlipunan (expose), hamunin ang mga istrukturang sumusuhay rito (oppose), at makapaglatag ng alternatibong balangkas at adyendang pangkaunlaran (propose). Napakahalaga ng unang yugto dahil maraming pagkakataon na hindi alintana ng kinauukulan ang mismong suliranin (problem identification). Mahalaga naman ang ikalawang yugto upang may mapanagot (accountability). Samantala, hindi magiging ganap ang proseso kung walang panukalang bagong panlipunang kaayusan (new social order).
- Ihanda rin ang presentasyon kung sakaling humingi sila ng kopya. May mga pagkakataon na humihingi ang organisador ng advance copy para sa teknikal na paghahanda. Mahalaga ito para maantisipa at matugunan ang mga maaaring maging teknikal na aberya.
- Alamin kung nag-iisa kang tagapagsalita o kabilang ka sa isang hanay. Makatutulong din kung malalaman mo kung sino pa ang ibang mga tagapagsalita para mas maiangkop mo ang iyong presentasyon. Ito ay upang makapagbigay ka ng perspektiba na higit na makapagpapayaman sa talaslatasan. Mahalaga na ang tampok na usapin ay masinsing mahimay sa iba’t ibang dimensyon (halimbawa: pang-ekonomiya, pampolitika, pangkultura at iba pa).
- Maglaan ng maikling group activity o audience participation upang mas maging dinamiko at demokratiko ang proseso kung ipahihintulot ng oras.
- Isaisip din na kadalasang may question and answer (Q&A) pagkatapos ng lektura. Linawin kung kasama na ang bahaging ito sa itinakdang oras para sa iyo. Mahalaga ito para mas mapangasiwaan mo ang alokasyon ng oras. May pagkakataon din na mayroong nakatokang reactors sa iyong lektura mula sa mga manonood kung saan maaari kang tumugon para maglinaw at magpalawig. Kung minsan naman ay naglalaan ng isahan o sabayang Q&A portion para sa lahat ng tagapagsalita sa pagtatapos ng huling presentasyon.
- Paghusayan ang pagtugon sa mga katanungan. Tiyaking malinaw ang iyong pagkaunawa at sagutin ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng argumento na sinusuhayan ng mga kaukulang pagpapatibay. Makatutulong din kung magbibigay ng mga kontekstwalisadong ilustrasyon.
- Kilalanin ang mahalagang papel ng mga reactor at maging ng mga katanungan mula sa mga manonood sa higit na pagpapalalim ng talastasan. Naapagtatampok ang mga ito ng dimensyon at detalye na maaaring hindi mo nasaklaw at nabigyang diin sa iyong presentasyon.
- Maging bukas din sa mga puna o tumutunggaling pananaw mula sa mga tagapakinig.
- Magmungkahi rin ng mga dagdag na babasahin at sanggunian lalo na para sa mga dumalo na nais pang higit na magpalawig at magpalalim.
- Ilagay rin sa presentation slide ang iyong contact details para sa mga gustong mag-imbita sa iyo mula sa mga manonood kaugnay ng mga nakalinya at katulad nilang programa at proyekto sa kani-kanilang mga organisasyon.
- Ibahagi sa iba ang kopya ng iyong presentasyon kung sakaling may humiling. Kadalasan, ito ay kanilang gagamiting sanggunian para sa kanilang pag-aaral, pananaliksik, pagtuturo, at kampanya para sa adbokasiya.
- Matuto rin mula sa mga tagapakinig at iba pang tagapagsalita mula sa kanilang presentasyon at sa pamamagitan ng bukas na pakikipagtalastasan.
- Patuloy na matuto upang mas umunlad ang mga kasunod na lektura sa pamamagitan ng pagdalo rin sa mga kaparehong gawain bilang tagapakinig. Uunlad lamang tayo kung taglay natin ang pagpapakumbaba at pagiging critical lifelong learner.
- Tiyaking makapagbahagi ng bago at pukaw-kamalayang ideya upang magmarka ang iyong presentasyon. Sa esensiya, tandaan na ang bawat pampublikong lektura ay isa ring pagtatanghal.
- Humingi ng feedback ukol sa iyong presentasyon mula sa mga tagapakinig at organisador upang higit mong mapagbuti ang gawain.
- Gamitin din ang pagkakataon upang higit na lumawak ang network lalo na para sa pagpapaunlad ng larangan at pagsusulong ng inyong kolektibong adhikain at adbokasiya.
- Magpasalamat sa kanilang ibinigay na tiwala, oras at pagkakataon para makapagbahagi. Imbitahan din sila sa mga kaparehong gawain sa iyong organisasyon upang magpatuloy ang kultura ng ugnayan at bahaginan.Para sa inyong reaksyon, maaari ring umugnay sa [email protected]
- Advertisement -