30 C
Manila
Biyernes, Mayo 23, 2025

Legarda nanawagan ng aksyon upang mapigilan ang pagtaas ng kaso ng dengue sa Pilipinas

- Advertisement -
- Advertisement -

NANAWAGAN si Senadora Loren Legarda sa mga lokal na ahensya ng gobyerno na magpatupad ng best practices upang mapababa ang kaso ng dengue sa bansa.

Nabahala si Legarda, ang author ng National Environmental Awareness Education Act at author at principal sponsor ng Ecological Solid Waste Management Act, dahil sa pagtaas ng bilang ng kaso ngayong taon.

“Tinatawagan natin ng pansin ang ating mga mamamayan, LGU, at mga landfill operator na gumawa ng mga hakbang na bawasan ang pagdami ng mga lamok sa pamamagitan ng paglilinis ng kani-kanilang lugar at masiguro ang tamang waste management,” giit ni Legarda.

“Ang maling pagtatapon ng basura, lalo na sa tag-ulan, ay nagdudulot ng nakatiwangwang na tubig, at nagiging pamugaran ng mga lamok. Dapat malinis ang mga ito upang maiwasan ang outbreak,” dagdag niya.

Nanawagan din si Legarda sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ipatupad nang tama ang Philippine Clean Water Act, na isa pang batas na kaniyang ipinasa, at pamahalaan ang mga water quality management area.

Binigyang-diin ni Legarda na ang maling paghawak ng tubig ay maaaring makapinsala sa kalusugan ng publiko, na nagdudulot ng mga sakit tulad ng dengue. Dagdag pa ng senadora na dapat magkaroon ng bagong istratehiya at polisiya upang maayos ang kani-kaniyang sewerage system, pati na ang pagtiyak sa malinis na tubig.

“Dapat maituro ang environmental education kung saan maintindihan ang mga batas at ang kalikasan mismo upang makagawa ng mga hakbang,” ani Legarda.

“Dapat ipaalam sa mga Pilipino ang kanilang responsibilidad sa pag-aalaga sa kalikasan.”

Nauna nang nagdeklara ang Quezon City ng dengue outbreak noong Pebrero 15 matapos ang mabilis na pag-angat ng mga kaso–tinatayang nasa 1,800 kaso sa 2025 o 200% na mas marami kumpara sa naitala noong 2024. Nasa 10 rin ang nasawi, kung saan walo rito ay menor de edad.

Ayon sa Department of Health (DOH), bukod sa Quezon City, may walong iba pang lugar sa bansa ang maaaring magdeklara ng outbreak ng dengue dahil sa malaking pagtaas ng mga kaso. Ang mga lugar ay mula sa Calabarzon, Central Luzon, at National Capital Region.

Naitala ang mahigit 43,000 kaso ng dengue sa bansa noong Pebrero 15 na 56% na mas mataas kumpara sa dami ng kaso noong nakaraang taon sa parehong panahon, ayon sa DOH.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -