30 C
Manila
Biyernes, Mayo 23, 2025

Panukalang batas para ipagbawal ang unsolicited pre-approved credit cards, inihain ni Jinggoy

- Advertisement -
- Advertisement -

NAIS ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada na ipagbawal ang pagbibigay ng pre-approved credit cards sa mga taong hindi naman nag-apply para rito.

Iginiit ni Estrada na kailangang magpasa ng batas para ipagbawal ang nasabing gawain ng mga bangko at credit card companies sa gitna ng mga ulat na patuloy pa rin ang pagbibigay ng mga pre-approved credit cards kahit na wala itong pahintulot ng mga konsyumer.

Ipinagbabawal ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Circulars Nos. 702 at 845 na inilabas noong Disyembre 15, 2010 at Agosto 15, 2014 ang nasabing kagawian ng mga bangko at credit card companies.

“May mali sa gawaing ito lalo na kung walang consent o pahintulot ang credit card user na mabigyan ng pre-approved credit card. Para sa walang disiplina sa paggastos, debt trap ito. Dapat igalang ng mga bangko at credit card companies ang karapatan ng mga indibidwal na magpasya sa kanilang mga financial transactions,” ani Estrada.

“Layunin ng panukalang ito na patibayin ang pagbabawal sa pagbibigay ng pre-approved credit cards sa mga konsyumer at magtakda ng mas mabibigat na parusa sa mga lalabag. Dapat may patunay ang credit card provider na nabasa at sinang-ayunan ng kanilang kliyente ang mga tuntunin at kundisyon ng paggamit ng credit card. Kung hindi ito mapatunayan, hindi maaaring ipataw sa kliyente ang pagsunod sa mga tuntunin at kundisyon sa paggamit ng credit card,” paliwanag ni Estrada sa kanyang inihaing Senate Bill No. 2952 o ang panukalang Pre-Approved Credit Card Prohibition Act.

Nais ni Estrada na mahigpit na ipagbawal ang gawain na pagpapadala ng pre-approved credit card sa mga konsyumer nang walang paunang aplikasyon o kaukulang dokumento, pati na rin ang pagpapadala ng mga unsolicited supplementary card o mga card na may dagdag na features.

Bukod pa rito, iminungkahi rin niya na ipagbawal ang ginagawang pagtawag sa telepono para mag-alok ng credit card bilang reward sa paggamit ng iba pang financial products, pagbibigay alam sa mga depositors o kliyente na sila’y awtomatikong nabigyan ng credit card dahil sa kanilang good standing, at maging ang pagpapadala ng credit card kalakip sa liham kung wala namang pahintulot ito ng konsyumer.

Kasama rin sa mga ipinagbabawal sa ilalim ng SB 2952 ang pagbibigay ng libreng credit card bilang insentibo para sa paggamit ng ibang serbisyo pinansyal.

Ipagbabawal din sa mga credit card collection agents ang mga hindi makatwiran na paraan ng pangongolekta at harassment ng mga konsyumer na gumamit ng pre-approved credit card, sabi ni Estrada.

Paliwanag ng senador na layon din ng kanyang ipinapanukalang batas na itaguyod ang ethical business practices.

Ang mga parusa para sa paglabag sa alinman sa mga ipinagbabawal na gawain ay nakabalangkas upang matiyak ang pananagutan at pagsunod sa panukalang batas.

Para sa mga unang paglabag, ang mga director at opisyal na responsable sa pag-issue ng credit card ay mumultahan ng P300,000. Isususpinde ang credit card issuer mula sa credit facilities ng BSP sa ikalawang beses na paglabag at papatawan ng multa na P500,000. Sakaling magkaroon ng ikatlong paglabag, haharapin ng nag-issue ng credit card ang pagkakansela ng kanilang lisensya sa credit card business at kabayarang P800,000 bilang multa.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -