27.3 C
Manila
Biyernes, Marso 28, 2025

Dapat ba tayong mabahala na lumalaking BOP deficit?

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

KAMAKAILAN ay naglabas ng ulat ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ang Balance of Payments (BOP) ng bansa ay nagtala ng deficit na umabot ng $4.1 bilyon noong Enero 2025. Ayon sa balita ang halagang ito ang pinakamalaking BOP deficit na natamo ng ekonomiya ng Pilipinas mula pa noong Enero 2014 at halos limang beses na mas malaki sa naitalang BOP deficit noong Enero 2024 na nagkakahalaga lamang ng $740 milyon.

Ang BOP ay ang balanse ng mga pandaigdigang transaksyon sa pagitan ng mga mamamayan sa ating bansa at sa mga mamamayan sa ibang bansa.  Ang BOP deficit ay nagpapakita na mas malaki ang lumabas na dayuhang salapi sa ekonomiya ng Pilipinas kaysa pumasok na dayuhang salapi. Ang kundisyong ito ay nagpapahiwatig ng maraming bagay na nakasentro sa kakulangan ng ating pambansang kita upang tustusan ang kabuoang gugulin. Sa maikling sanaysay na ito ay hihimayin ko ang mga implikasyon ng kundisyong nabanggit.

Kapag ang pambansang kita ay nagkukulang upang tustusan ang kabuoang gugulin ng ekonomiya nagpapahiwatig ito na nagkukulang ang pondong iniimpok sa bansa upang gamitin sa pangangapital p nagkukulang ang kita ng pamahalaan mula sa buwis upang tustusan ang guguling pampamahalan o nagkukulang ang kita mula sa eksport upang tustusan ang mga gugulin sa pang-aangkat kaya’t napipilitang umangkat ang ekonomiya upang tugunan ang labis na gugulin. Ang labis nap ag-aangkat ng bansa ay nauuwi sa deficit sa balanse ng kalakalan o Balance of Trade (BOT)

Kapag ang BOP nasa deficit nagpapahiwatig din ito na nagkukulang pa ang mga pumapasok sa dayuhang pondo mula sa dayuhang pangangapital at pangungutang upang punan ang BOT deficit. Kaya’t lumalabas ito bilang BOP deficit. Ang BOP deficit ay tinutustusan sa pamamagitan ng pagbabawas ng reserba ng mga dayuhang salapi o Gross International Reserves (GIR) na binubuo ng ginto at mga pangunahing dayuhang salapi kasama ang US dolyar. Ang halaga ng GIR ng Pilipinas matapos ang Disyembre 2024 ay umabot sa $106.8 bilyon. Samakatuwid, nabawasan ito ng halos 3.8% bunga ng pagpopondo ng napakalaking BOP deficit noong Enero 2025.

Dahil ang BOP deficit ay nakabatay sa napakalaking BOT deficit na nakabatay naman sa napakalaking import na lumalabis na ating eksport, maaari nating itanong kung saan nag-uugat  ang napakalaking imports ng bansa? Ito ay nagmumula sa iba’t ibang gugulin. Sa pagkonsumo, hindi lahat ng produktong kinokonsumo ng mga mamimili ay produktong gawa sa Pilipinas. Malaking bahagi nito ay mga produktong gawa sa ibang bansa tulad ng medisina, krudong langis, pagkaing butil at marami pang iba pa. Sa guguling pangangapital, malaking bahagi ng ating mga kagamitan at kasangkapan sa mga pabrika ay mga makina, computer at iba pang kasangkapan na gawa sa ibang bansa. Ganoon din ang gugulin ng pamahalaan, maraming kagamitang ginagamit ng pamahalaan tulad ng mga gamot, armas, at bala ay inaangkat. Sa ating pagluluwas ng mga produkto, maraming hilaw na sangkap ang inaangkat at pinoproseso na lang sa ating bansa upang mailuwas.


Kung gugulin pala ang pinakaugat ng ating BOP deficit, bakit hindi na lang nating bawasan ang ating mga gugulin upang mabawasan ang ating mga inaangkat at mabawasan ang ating BOP deficit. Madaling sabihin ngunit mahirap gawin dahil maraming gawain ang hindi maipatutupad. Hindi rin matutugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan sa pagkain, gamot at mga kasangkapan sa pagpapatakbo ng mga industirya. Samakatuwid, babagal ang paglaki ng ekonomiya.

Dapat ba tayong mangamba sa napakalaking BOP deficit na naitala noong nakaraang buwan? Sa aking palagay, dapat tayong mabahala dahil maraming implikasyon ang napakalaking BOP deficit. Una, malaking bahagi ng ating GIR o reserba ng mga dayuhang salapi ay mababawasan sa napakalaking BOP deficit. Ikalawa, kung ayaw naman nating mangyari ito kinakailangang mangutang sa ibang bansa o kaya’y magkaroon ng depresasyon ang PH piso. Mahirap mangutang dahil mataas ang interest rate na ipapataw sa atin dahil mapanganib ang magpautang sa isang bansang napakalaki ng BOP deficit. Samantala, ang depresasyon ng PHP piso ay maaari ding di epektibo sa panahon ng digmaan ng kalakalan na sinisimulan ni Donald Trump ng Estados Unidos. Ikatlo, maaari ding palawakin ng ating mga OFW ang kanilang ipinadadalang salapi sa kanilang pamilya sa bansa. Ngunit kahit ito ay ay maaaring magkulang upang tustusan ang BOP deficit. Ikaapat, baka magbawas tayo ng mga gugulin na may implikasyon sa paglaki ng ekonomiya.

Kung ayaw natin ang mga alternatibong nabanggit upang paliitin ang BOP deficit, maaari nating palawakin ang produksiyon sa loob ng bansa upang tumaas ang pambansang kita at lumiit ang pangangailangang umangkat nang napakaaking halaga. Madaling sabihin ito ngunit mahirap at napakatagal gawin. Maraming kakailanganin upang lumawak at mapabilis ang paglaki ng ekonomiya. Ang pangangapital sa yamang tao, infrastruktura, pabrika at makabagong teknolohiya na kakailanganin upang lumago ang ekonomiya ng bansa ay magagastos at matatagal isagawa.

Mabibigat ang mga sinasakripisyo kapag nakararanas tayo ng malaking BOP deficit. Dahil ang mga sakripisyo’y hindi nawawala, kinakailangang maghanap ang pamahalaan ng mga alternatibong maliliit lamang ang isasakripisyo.

- Advertisement -

 

 

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -