SA paggunita ng International Women’s Day, tiniyak ni Senador Loren Legarda ang kanyang pangako na patuloy na isusulong ang kapakanan ng mga Filipina, at nanawagan sa mga kapwa lingkod-bayan niya na masiguro ang kaligtasan at mabuting kalagayan ng kababaihan.
Bagamat nananatiling ang Pilipinas ang may pinakamataas na antas ng gender equality sa Asya, ayon sa 2024 Global Gender Gap Index (GGGI) Report, binigyang-diin ni Legarda na patuloy pa rin ang mga banta sa karapatan ng kababaihan.
“Ang susi sa tamang dignidad at respeto sa ating mga kababaihan ay ang mas epektibong proteksyon sa ilalim ng mga batas, ngunit hindi ito sapat,” ani Legarda.
“Kapag ating sinuportahan ang kababaihan, pinrotektahan ang kanilang mga karapatan, pinaigting ang access at kalidad sa kanilang edukasyon, at lumikha tayo ng pantay na oportunidad sa ekonomiya, mas lalo nating pinalalakas at pinatatatag ang ating bansa,” dagdag niya.
Ayon kay Legarda, maraming Filipina ang naaagrabyado dahil sa gender-based biases sa kanilang komunidad at trabaho.
Bukod dito, patuloy ding kinakaharap ng kababaihan ang mga suliranin gaya ng karahasan sa tahanan, kawalan ng access sa edukasyon at serbisyong pangkalusugan, at limitadong oportunidad sa ekonomiya.
Bilang pinakamahabang naglingkod na babaeng senador at kaisa-isang babaeng nanguna sa dalawang halalan sa Senado, matagal nang nangunguna si Legarda sa pagtataguyod ng karapatan ng kababaihan.
Pinangunahan at sinuportahan niya ang pagsasabatas ng mahahalagang batas gaya ng Magna Carta of Women, Anti-Violence Against Women and Children Act, Anti-Trafficking in Persons Act at ang pinalawak nitong bersyon, Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act, Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) Law, at ang 105-Day Expanded Maternity Leave Law.
Madalas na pasan ng kababaihan ang hindi bayad at hindi kinikilalang gawaing-bahay o unpaid care work. “Panahon na upang kilalanin at bigyang-halaga ang bigat ng hindi bayad na gawaing pangangalaga na tinataguyod ng mga kababaihan,” ani ng mambabatas.
Upang tugunan ito, inihain ng four-term na senador ang Senate Bill No. 1648 o ang panukalang Unpaid Care Workers Welfare Act, na naglalayong hamunin ang tradisyunal na papel ng kasarian at itaguyod ang patas na pagbabahagi ng responsibilidad sa tahanan.
Malakas din ang suporta ni Legarda sa kababaihang bumubuo ng micro, small, and medium enterprises (MSMEs), kung saan 99% ng kalahok ay kababaihan. Kabilang sa kanyang mga sinuportahang programa para sa mga babaeng nasa industriya ng sining at kultura, tulad ng paghahabi, ay ang TESDA Women Center Alumni Association (TWCAA) para sa pagsasanay sa pagnenegosyo, ang Schools of Living Traditions (SLTs) sa ilalim ng NCCA para sa pangangalaga sa sining at katutubong tradisyon, ang Hibla Pavilion of Textiles and Weaves upang mabigyan ng pagkakataon ang mga lokal na manghahabi na ipakita ang kanilang produkto, at ang National Arts and Crafts Fair ng DTI upang palakasin ang MSMEs ng mga Pilipino.
“Ang kababaihan sa MSMEs ay malapit sa aking puso dahil halos lahat ng ating maliliit na negosyo ay pinangungunahan ng kababaihan. Upang tunay natin silang matulungan, dapat nating tiyakin na mayroon silang sapat na kapital, kagamitan, at pagsasanay upang umunlad ang kanilang kabuhayan,” binigyang-diin ni Legarda.
“Ang pagtataguyod ng karapatan ng kababaihan ay matagal ko nang adbokasiya, at mananatili akong matibay sa pagsusulong ng mga batas na magdadala sa ating bansa tungo sa isang mas inklusibo at pantay na lipunan,” pagtatapos ni Legarda.