BAGONG salta na mag-aaral pa lamang ako noong 1997 ay matunog na matunog na ang pangalang Dr. Lourdes Abadingo. Bakit naman hindi? Kasi bukod sa napakahusay at matagal nang guro ay siya rin ang Vice Chancellor for Academic Affairs noong mga panahong iyon. Ito rin ang yugto na limitado pa lamang ang aking pagkakakilala sa kanya.
Bilang student assistant ng Information, Publication and Public Affairs Office (IPPAO) noon, nasusubaybayan ko ang mga pagkakataong naitatampok si Dr. Abadingo sa mga pahina ng pampamantasang publikasyon. Natatandaan ko pa na mismong ang direktor ng IPPAO ang siyang may akda ng isang lathalain ukol kay Dr. Abadingo na nagsasalaysay ng kanyang kahusayan, kasipagan at kabutihang loob.
Noong ako ay sumabak sa isang teaching demonstration bilang bahagi ng proseso ng aplikasyon ay isa si Dr. Abadingo sa bumubuo ng Academic Personnel Committee (APC) ng departamento na nagsisilbing panel of evaluators. Ito ang aking unang face-to-face encounter sa kanya. Kinabahan ako nang labis sa mismong teaching demonstration pero nakakapanatag ng kalooban ang kanyang presensiya.
Sa simula pa lamang ng aking larga sa larangan bilang guro ay naging mahalagang bahagi agad si Dr. Abadingo sa pamamagitan ng kanyang pagtanggap at pag-apruba sa aking aplikasyon. Kinalaunan bilang kapwa-guro ay nasundan na ito ng kanyang mga kuwento at payo ukol sa pedagogy, classroom management, graduate school, university governance at human relations. Hindi ako nabigyan ng pagkakataon na maging guro si Dr. Abadingo pero nagpapasalamat ako nang labis sa oportunidad na matuto sa kanya sa labas ng silid-aralan sa pamamagitan ng aming bahaginan at kuwentuhan.
Likas kay Dr. Abadingo ang pagiging mapagmalasakit na ina ng departamento at pamantasan. Hindi siya nagkulang sa pagpapaalala na tapusin ng mas nakababatang guro ang aming masterado at doktorado para sa propesyonal na pag-unlad. Noong ako ay nagtapos sa masterado, naalala ko pang nagtext siya sa akin upang tanungin kung bakit hindi ako nakadalo dahil nakita niya ang pangalan ko sa tala ng magsisipagtapos. Kung hindi ako nagkakamali ay opisyal si Dr. Abadingo ng UP System ng mga panahong iyon kaya dumadalo rin siya ng mga commencement exercise ng iba’t ibang UP campuses. Aking ipinaliwanag na nagkataong sumabay ang araw ng pagtatapos sa aking pagtuturo na kanya namang naunawaan.
Madalas ko ring basahin ang kontribusyong artikulo ni Dr. Abadingo sa aklat na Before the Turning Point: Personal Stories of the University of the Philippines kung saan siya ang tumayong editor katuwang si Dr. Leothiny S. Clavel. Buong pagkukumbaba niyang isinalaysay rito ang kanyang pagsisimula sa larangan at propesyon mula sa ibaba.
Naalala ko rin ang kanyang tuwinang paalala sa akin na simulan ang aking doktorado na sa mahabang panahon ay aking ipinagpaliban. Noong nagpasya na akong simulan ito ay siya mismo ang pinili kong hilingan ng recommendation letter katuwang si Prop. Roland G, Simbulan. Sa taas ng respeto ko sa kanilang dalawa ay mahihiya akong hindi tapusin ang degree program na aking pinangahasang pasukin. Pareho silang haligi ng UP Manila at kapwa rin naging UP Faculty Regent.
Nagtuturo si Dr. Abadingo ng Human Behavior in Organizations (HBO) sa Master of Management Program. May mga reference material siya ukol dito sa kanyang desk sa aming dating department office. Tuwing umaga, sa kanyang pahintulot ay aking binabasa ang mga ito at ginawa ring sanggunian sa asignaturang Communication and Media Management na noon ay itinuturo ni Professor Emeritus Dr. Felix R. Librero (na kapwa niya rin naging UP Faculty Regent). Sa tulong naman ng librong Practice of Research kung saan isa siya sa mga may akda ay nairaos ko ang quantitative section ng asignaturang Communication Research Methodology na hinawakan naman ni Vice Chancellor Dr. Melinda F. Lumanta bilang dalubguro. Umagapay na nga sa aking graduate school admission sa pamamagitan ng recommendation letter ay nakatulong pa sa mismong coursework ko.
Si Dr. Abadingo rin ang nagpalakas ng loob ko na kunin sa loob ng isang semestre ang nalalabing 9 units na coursework sa aking doktorado upang masimulan na din sa lalong madaling panahon ang aking dissertation. Kinalaunan, nang aking matagumpay na nairaos ang dissertation defense ay siya ang kauna-unahang mainit na bumati sa Facebook sa pamamagitan ng mensaheng ito: “Congratulations, John, for successfully defending your doctoral dissertation! Proud and happy “Nanay” here! Mabuhay ka!” Mula sa post niyang ito dumugtong ang iba pang pagbati at apresasyon. Totoo ang sinasabi ng lahat na nangungunang cheer leader si Dr. Abadingo sa anumang tagumpay – maliit man o malaki – ng kanyang mga kapwa-guro. Magiliw na bumabati si Dr. Abadingo sa lahat ng mga kasama sa departamento upang pagpugayan ang kanilang pagpupunyagi at ang mga ibinunga nito.
Siya rin ang unang pumapawi ng aming pagdududa sa aming kakayahan bilang indibidwal sa pamamagitan ng kanyang mga payo, paalala, at pagpapalakas ng loob. Lagi niya kaming pinahahalagahan at pinaglalaanan ng oras sa kabila ng kanyang abalang gawain at maraming responsibidad sa loob at labas ng pamantasan.
Si Dr. Abadingo ay malalim na balon ng kaalaman sa praksis ng pamamahala na pinanday ng kanyang iskolarship sa larangan at mahabang karanasan sa pamunuan. Nagsilbi siyang sandigan at sanggunian ng marami sa sanga-sangang mga usaping pang-akademiko at pang-administratibo sa pamantasan. Tiyak na dudulo ang anumang isasangguni sa kanya sa mas maayos at malinaw na disposisyon at pagdedesisyon.
Nagkakaisa rin ang lahat sa obserbasyon at damdamin na nananatiling mapagkumbaba si Dr. Abadingo sa kabila ng kanyang matayog na naabot sa larangan at pamunuan. Makakapwa at pantay-pantay siya makitungo sa lahat anuman ang propesyon, posisyon, at antas sa buhay. Lagi ka niyang tatawagin sa iyong pangalan o nickname kaya mas lalong nagiging mapuso ang bawat ugnayan at interaksyon.
Dahil sa kanyang mapanghamig na katangian ay mahusay lagi niyang napagkakaisa ang hanay tungo sa mas dakilang layunin. Ang mapagbuklod na katangiang ito ang siyang dahilan kung bakit lalo siyang minamahal ng lahat. Inspirasyon din para sa amin ang malalim na pagkakaibigan nila nina Prop. Fatima Alvarez-Castillo at Dr. Josefina G. Tayag na kapwa rin namin itinuturing na mga haligi ng pamantasan at exemplar sa larangan. Mapalad ang departamento dahil sa kanilang patnubay at agapay.
Sandigan ng maraming kapwa niya administrador at dalubguro ang kanyang policy understanding, management wisdom, at institutional memory. Napakahabang panahon naging dalubguro ni Dr. Abadingo at bukod dito ay nanilbihan din siya bilang College Secretary, University Registrar, Vice Chancellor for Academic Affairs, Secretary of the University and of the Board of Regents, UP Faculty Regent at Executive Director of the UP Manila Development Foundation. Dahil sa mahaba at mayamang karanasang ito ay naging mas malalim at kontekstwalisado ang kanyang pagtuturo ng Human Behavior in Organizations, Public Management, Philippine Politics and Government, Philippine National and Local Administration at Political Research. Sadyang hindi matatawaran ang kanyang academic, policy at administrative praxes.
Sa kabila ng kanyang ginampanang matataas na posisyon ay magiliw pa rin siyang tumatanggap ng gampanin kahit sa antas ng programa at departamento. Tumutulong pa rin siya sa admission process sa Master of Management at isang karangalan para sa akin na makasama siya rito kamakailan. Tama ang paulit-ulit na pagpapatotoo ng marami sa kanyang dedikasyon sa trabaho noon hanggang ngayon.
Napakadalas din mangamusta ni Dr. Abadingo ukol sa aking aplikasyon para sa rank promotion. Bukas-loob din siyang tumutulong upang malaman kung lumalarga ba ito. Kinalaunan, siya ulit ang unang nagpost ng anunsiyo mula sa Office of the Faculty Regent ukol sa resulta para batiin ako sa aming department group chat. Kinabukasan ay nakuha pa niyang tumawag nang personal upang bumati muli at magpaalala na ipagpatuloy ang sikhay at pagpupunyagi.
Sa anumang pamantayan, si Dr. Abadingo ay maituturing na isang matibay na salalayan ng pamantasan, sandigan ng mga katrabaho, saklolo ng mga nangangailangan, kasangga sa demokratikong pamamahala at kaibigan ng marami.
Kaya naman ikinagulat at ikinalugmok ng lahat ang kanyang biglang pagpanaw nitong ika-5 ng Marso. Tumigil ang mundo para sa marami sa amin at sadyang hindi makapaniwala sa malungkot na balita.
Sa isang iglap ay tila naging bato ang aking kalooban na siyang naging default reaction ko upang hindi magupo nang labis na pagdadalamhati. Alam ko na hindi magiging pangmatagalan ang pagpapakamanhid para takasan ang kalungkutan. Unti-unting natibag ang pagiging bato ng damdamin habang bumibiyahe ako papunta sa lamay ng butihing ina ng departamento at pamantasan. Kahit nakapikit sa biyahe para piliting antukin at makatulog ay hindi mapigilan ang pagdaloy ng luha.
Ilan sa mga huling palitan namin ng mensahe bago ang kanyang paglisan ay patunay kung gaano siya naging mapagmalasakit sa lahat:
Dr. Abadingo: Love you, anak! Masaya ako para sa iyo!
Ako: Maraming salamat po, Inay Lou. Salamat po nang maraming-marami sa agapay at paumanhin po nang labis sa lahat ng kakulangan ko. Salamat po sa lahat ng pang-unawa at patuloy na malasakit sa bawat isa sa amin.
* * *
Ako: Maraming salamat po, Ma’am. Noong huling text po natin ay naiyak po ako kasi naimagine ko po na nagkita po tayo sa UPM tapos niyakap ko po kayo. Naluha na naman po ako ngayon imagining that. Salamat po, Ma’am, at mahal na mahal po namin kayo.
Dr. Abadingo: Love you all, John. Dito lang to help each one of you.
* * *
Dr. Abadingo: CONTRATULATIONS, JOHN! Mabuhay!
Ako: Maraming maraming salamat po, Ma’am Lou, sa tulong at agapay mula simula hanggang dulo. Salamat po, Inay Doc Lou, para sa pagiging biyaya mo po sa marami sa amin. Kailanman ay hindi po kayo naging madamot.
Dr. Abadingo: John, may I call?
* * *
Ang naging laman ng aming huling tawagan noong umaga ng ika-28 ng Pebrero ay higit na nagpatunay at nagpatibay sa malalim na malasakit niya para sa akin. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin mawari kung bakit ako naging karapat-dapat para sa ganoong pagpapahalaga sa kabila ng aking mga kakulangan at kahinaan. Hanggang sa kahuli-hulihang pagkakataon ay kapakanan pa rin ng iba ang kanyang isinasaalang-alang.
Napakalaking bahagi ng aming mga personal at propesyonal na buhay si Dr. Lourdes E. Abadingo. Napakalaking puwang din ang kanyang iniwan dahil sa kanyang tuluyang paglisan. Sa kasalukuyan ay hindi ko mawari ang hinaharap ngayong wala na siya sa aming piling at matagal-tagal na panahon pa bago ko ito ganap na maunawaan at unti-unting matanggap.
Maraming maraming salamat po sa biyaya ng pagkalinga at pakikipagkapwa. Nagpapasalamat ako sa pagkakataon na personal kong naipaabot sa inyo ang mga nilalaman ng maikling akdang ito sa pamamagitan ng ating kuwentuhan, tawagan at palitan ng text at private message. Sana ay mapahintulutan ninyo akong maibahagi ang mga kuwentong ito sa iba.
Pinakamataas na pagpupugay sa iyong dakilang buhay na inalay sa paglilingkod sa kapwa, pamatasan, at bayan. Mahal na mahal at ipinagmamalaki ka po namin. Hanggang sa muli, Inay Lou, at isang mapayapang paglalakbay.