27.9 C
Manila
Linggo, Abril 27, 2025

Ikayayaman mo ba ang boto mo?

MGA KUWENTO NI PERANG (ESTE PARENG JUAN)

- Advertisement -
- Advertisement -

UNCLE,maingay na naman.

Huh? Bakit, Juan?

Eh kasi kampanya  dito, kampanya doon. Eleksyon na nga!

Oo nga, Juan. Ganyan naman talaga. Siyempre kanya-kanya ng gimik. Sino bang iboboto mo? Sa atin bilang Mayor ng Maynila, sa Kongreso at sa Senado?

Naku, Uncle, nawawalan na ko ng interes bumoto. Pare-pareho lang naman yan. Pangako dito, pangako doon. Puro satsat lang naman. Pag naihalal na, wala na silang pakialam. Pagnanakaw na ang aatupagin.


Grabe ka naman, Juan. Napakanegatibo ng pananaw mo. Meron din namang mga puwedeng pagkatiwalaan sa kanila. At hindi mo puwedeng itapon ang karapatan mong bumoto para sa kinabukasan mo at ng ating bansa.

Bakit, Uncle, ikakayaman ko ba yan?

Maganda ang tanong mo. Hindi mo ba alam na puwedeng ikaganda o ikapangit ng bulsa mo ang boto mo?

Yan ang pagusapan natin. Paano mo ba ikayayaman o ikahihirap ang boto mo? Walang duda, kapag may eleksyon at magpapalit ang mga lider sa lokal na pamahalaan, Kongreso o Senado, o sa Pangulo ng bansa, maraming magbabago sa kalakaran ng gobyerno at lalo na sa mga epekto nito sa ordinaryong mamamayan, sa mga negosyante, sa mga mag-aaral, sa mga trabahador at sa iba pa.

- Advertisement -

Kaya mahalaga na hindi mo basta pinamimigay, binebenta o pinapabayaan ang karapatan mong bumoto. Ang boto mo ay katumbas ng pangarap mong umasenso at umaangat ang iyong buhay.

Ang eleksyon at ang resulta nito ay nakaapekto sa katayuan mong pinansyal sa pamamagitan ng mga pagbabago sa polisiya ng pamahalaan, mga economic priorities, reaksyon sa merkado tulad ng stock market at sa posibilidad ng korupsyon.

Una, kung ang pinili natin para sa Kongreso o Senado ay gagawa ng batas na may epektong kailangang itaas ang corporate o personal income tax, ito ay negatibo sa iyong budget, saving o investment dahil sa pagbagsak ng iyong disposable income.

Pangalawa, kung malaki ang kakulangan sa panggastos ng pamahalaan at ayaw nitong kuhanin sa pagtaas ng buwis, mapipilitang mangutang ang gobyerno sa pribadong sektor o sa ibang bansa. Ang epekto nito ay ang pagtaas ng interest rate na hindi maganda para sa mga nagbabayad ng housing o auto loans at iba pang klase ng pagkakautang.

Pangatlo, kung ang bagong lokal na mayor o gobermador ay magbabago ng kanilang priorities at ito ay makakaapekto sa binabayarang local taxes tulad ng real estate taxes, hindi ito magiging pabor sa pagiipon at sa pag-iinvest pa sa real property.

Pang-apat, ang merkado, lalo na ang stock market, ay madali at mabilis mag-react lalo na kung ang mananalo sa eleksyon ay hindi positibo sa gusto ng investors. Ang pagbagsak ng stock market sa hindi magandang resulta ng eleksyon ay pagbagsak din ng halaga ng pera ng investors. Kaya kung ikaw ay may investment sa stock market, bantayan mo ang takbo ng eleksyon at ang epekto sa merkado.

- Advertisement -

Panglima, kung ang maipupuwesto sa Kongreso o Senado ay walang plano o kaalaman sa paggawa ng batas at gagamitin lang ang posisyon para sa power o impluwensya para sa pansariling interes, negatibo ito sa iyong personal na financial planning. Ibig sabihin nito ay mataas ang potensyal na walang batas na maipapasa para palaguin ang investments sa bansa at makapagbigay ng maraming trabaho. Tataas ang unemployment rate at mahihirapan kang maghanap ng mas magandang oportunidad para mas umasenso.

At pang-anim, ang isyu ng korupsyon. Kung ang maiuupo sa lokal na pamahalaan, sa Kongreso o sa Senado, ay magnanakaw sa kaban ng bayan o dadagdag pa sa matinding problema ng korapsyon, puede nating sabihin na malaki ang posibilidad na lalabo talaga ang ating hinaharap bilang mga Pilipino at ng buong bansa.

Malaki ang magiging negatibong epekto ng korupsyon sa ating sariling pinansyal na kalusugan at katayuan.

Ang korupsyon ay magdudulot ng mali at bawas na priyoridad sa ekonomiya, ang pagtindi ng income inequlity, ang pagbagsak ng kumpiyansa ng investor at consumer at ang kawalan ng economic growth at stability. Lahat ito ay may potensyal na mahirapang pumasok  ang investments sa bansa, mawalan ng trabaho, tumaas ang cost of living, hindi na mapaganda ang healthcare at pension plan,  at lalong bumaba ang kalidad ng edukasyon  sa bansa.

Kaya dapat seryosohin natin ang pagboto ngayong Mayo. Maging matalino at mapagmatyag. Suriing mabuti ang mga kandidato at maging kritikal sa mga sinasabing pangako ng pagbabago at reporma. Huwag magpadala sa kanta’t sayaw ng mga politiko. At lalong huwag magpapabaliw sa konting salapi na bumibili ng boto natin.

O, Juan, huwag mong sayangin ang boto mo. Ang boto mo ay puedeng maging bato na ipupukol mo sa iyong ulo o para sa mga pangarap mo na gusto mong tuparin.

.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -