IKINALUGOD ni Senador Win Gatchalian ang pagkakalagda ng joint memorandum circular (JMC) na maglalaan ng pondo para sa pagpapatayo ng mga child development centers (CDCs) sa mga fourth and fifth-class municipalities.
Sa ilalim ng naturang JMC, popondohan ang mga CDCs na ito gamit ang local government support fund (LGSF). Isang bilyong piso ang inilaan para sa pagpapatayo ng 328 CDCs sa mga low-income LGUs.
Unang ipinanukala ni Gatchalian ang paggamit ng LGSF para sa pagpapatayo ng mga CDCs sa fourth and fifth class municipalities noong tinatalakay pa lang ang Early Childhood Care and Development System Act.
Sa ilalim ng panukala ni Gatchalian na kalaunan ay naging bahagi ng niratipikahang bersyon ng panukalang batas, magkakaroon ng line-item allocation ang LGSF sa ilalim ng General Appropriations Act para sa pagpapatayo ng mga CDCs; hiring ng mga Child Development Teachers at Child Development Workers; at pagtugon sa mga pangangailangan sa mga kawani sa mga fourth at fifth class municipalities.
Sa Year Two Report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), lumabas na 5,800 barangays ang walang CDCs, 229 sa mga ito ang mula sa mga low-income LGUs.
“Mahalagang hakbang ang paglalaan natin ng pondo para sa pagpapatayo ng mga CDCs sa mga nangangailangang munisipalidad sa bansa. Mapapalawak natin ang abot ng mga serbisyo para sa early childhood care and development na nagbibigay ng matatag na pundasyon sa ating mga kabataan,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.