27.9 C
Manila
Linggo, Abril 27, 2025

Policy Process 101

PAGBUBUO(D)

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG responsableng pagbuo at pagpapatupad ng patakatan (o policy) ay may mahalagang papel upang matugunan ang mga problema ng indibidwal, organisasyon at lipunan. Upang maging epektibo ang patakaran, dapat ay pumaloob ito sa organisado at masinsin na policy process. Sa konteksto ng kasalukuyang kalagayan ng lipunan, kritikal ang ginagampanan ng policy process upang hamunin ang mga nananaig na patakaran at magpanukala ng pagbabago sa pagbalangkas, pagpapatupad at pagtatasa ng mga ito.  Ang sumusunod ay tala ng ilang kaalaman, repleksyon at gabay sa pagbagtas sa magkakaugnay na yugto ng policy process.

  • Tulad ng gustong ipahiwating ng mismong termino, ang policy process ay may yugto-yugtong pinagdadaanan para magkaroon ng kaganapan ang isang patakaran. Sinasabi rin na ito ay isang tuloy-tuloy na proseso (o cycle).
  • Ang policy process ay kinakapalooban ng mga sumusunod na yugto: problem identification and definition, agenda-setting, policy formulation and policymaking, policy decision-making and adoption, policy implementation at policy evaluation. Maaaring may mga pagbabago depende sa konteksto at kinagisnan.
  • Mahalagang maunawaan na magkatambal ang problem identification at agenda-setting. Ang pagtukoy ng problema sa komunidad o organisasyon ay esensyal sa paglalatag ng prayoridad at adyendang pangkaunlaran.
  • Kritikal na bahagi ang siyentipiko at matalinong pagtukoy ng problema. Sa katunayan ay dito nagsisimula ang policy process. Walang katuturan ang policy process kung hindi ito tumutugon sa anumang problema o hamon.
  • Ang mismong problem identification and definition ay masalimuot. Una, paano kung blind spot ng mismong tumitingin mula sa kinauukulan ang usapin at isyu (kung saan hindi nila kinikilala ang isang alalahanin bilang problema)? Ikalawa, paano kung sintomas lamang ang nakikita at hindi ang mismong ugat ng problema (kung saan hindi nila tuwirang natutugunan ang puno’t dulo ng suliranin)? Ikatlo, paano kung magkakaiba ang prayoridad ng kinauukulan sa pagtugon sa problema (kung saan may mas pinahahalagahang interes ang nasa kapangyarihan)?
  • Ang pagpapatampok sa problema ay maaaring ipanahayag mismo ng komunidad sa pamamagitan ng survey, konsultasyon, pulong-bayan o protesta. May mga pagkakataon din na ang problema ay ipinaabot sa kinauukulan sa pamamagitan ng midya o pananaliksik ng akademya. Maaring mailantad din ito sa pamamagitan ng letter to the editor, grievance desk o freedom wall. Pero mahalaga na ang mismong kinauukulan ay may internal na mekanismo upang tukuyin ang problema.
  • Maaaring gamitin sa problem identification ang problematique technique upang matukoy ang superordinate factors (root causes) mula sa subordinate factors (symptoms).
  • Inaasahang evidence-based at research-based ang pagbuo ng patakaran upang matiyak na ito ay tutugon sa mga problema, usapin at alalahanin ng komunidad o organisasyon. Ang pagbalangkas ng patakaran ay hindi maaaring hugutin lamang mula sa kawalan.
  • Isa sa pinakakritikal na yugto ng policy process ay agenda-setting. Pinatutunayan ng bahaging ito na ang policy arena ay isang ‘site of struggle.’ Ang mismong pagtatakda ng adyenda (o kung ano ang maisasama o hindi sa deliberasyon) ay usapin ng mga nagbabanggaang interes, disposisyon at panuntunan sa pagitan ng mga puwersa sa lipunan.
  • Samakatwid, ang policy process ay kailangang maging mapanlahok (participatory) kung saan mahalaga ang papel ng iba’t bang sektor sa organisasyon o lipunan. Kabilang dito ang pambansang pamahalaan, lokal na pamahalaan, pangmasang organisasyon, midya, kababaihan, kabataan, matatanda at ang lokal na komunidad.
  • Limitado ang rekurso ng pamahalaan o organisasyon at may mga interes na pinangangalagaan ang kinauukulan kaya komplikadong proseso ang agenda-setting. Sa yugtong ito lumilitaw kung anu-ano sa mga usapin, alalahanin, hamon, sagka at problema ang dapat maging bahagi ng adyenda at kailangang unahin. Dito nagmumula ang matinding kontradiksyon sa pagitan ng mga grupo.
  • Ang mga taong kabilang sa buong policy process ay inaaasahang mapagnilay, may paninindigan at aktibong kumikilos. Sa parametrong ito, napakahalaga ng stocktaking, position-taking at action-taking tulad ng lagi kong binibigyang diin.
  • Sa yugto ng policy formulation, mahalagang makabuo ng short-term, medium-term at long-term solutions. Ang pagbalangkas nito ay nakabatay sa rekurso (resources), kasanayan (skills) at kahandaan (readiness) ng organisasyon at ng mga bumubuo rito.
  • Ang policy formulation ay dapat nakasandig sa matibay na pananaliksik sa porma ng policy research at policy analysis upang kritikal na masiyasat ang problema at ugat nito. Sa pamamagitan din ng masusing policy analysis matutukoy ang mapagpipiliang tugon mula sa hanay ng policy solutions (o policy options).
  • Gayundin, sa tulong ng policy analysis ay malalaman ang kaangkupan at maaaring maging implikasyon (short-term o long-term, direct o indirect) ng patakarang ipapatupad.
  • Nakapaloob sa policy formulation ang pagmumungkahi ng kaukulang budget para sa ipapatupad na patakaran. Ipinagpapalagay na ang budget ay napakahalagang konsiderasyon upang mas maunawaan at masuri ang prayoridad ng kinauukulan. May implikasyon din ang budget kung magiging likas-kaya (o sustainable) ang pagpapatupad ng isang patakaran.
  • Ang policy decision-making and adoption ay mahalagang yugto sa policy process dahil dito pinipili, pinagtitibay at pinopormalisa ang napiling policy direction at policy solution sa problema. Tulad ng nabanggit, ang policy decision ay dapat nakabatay sa maaasahang policy research at policy analysis.
  • Bahagi ng policymaking ang awtorisasyon ng patakaran upang maging lehitimo ito. Sa konteksto ng mga batas pambansa, ito kadalasan ay may kinakapaloobang congressional process para sa lehislasyon at bureaucratic process para naman sa implementing rules and regulations (IRR). Sa parametrong ito, legislative branch ang gumagampan sa pagsasabatas at ang executive branch naman sa pagbuo ng IRR. Subalit dapat linawin na ang lahat ng sangay ng pamahalaan ay may kanya-kanyang ambag sa pagbuo ng batas: legislative (congressional bills and laws), executive (executive order) at judiciary (jurisprudence).
  • Ayon kay Thomas Dye, ang public policy ay tumutukoy sa pinipili ng pamahalaan na gawin o hindi gawin (“whatever governments choose to do or not to do”). Nakalulungkot mang isipin, ang kawalang aksyon o hindi pagtugon (nonaction and inaction) ng gobyerno ay kumakatawan o sumasaklaw rin sa public policy nito.
  • Sa yugto naman ng policy implementation ganap na ipinapatupad ang napiling policy decision. Sa konteksto ng public policy, ang ehekutibo ang nakatoka sa policy implementation. Mahalagang kritikal na masuri ang yugto ng policy implementation dahil dito nagsusulputan ang mga inaasahan at hindi inaasahang problema. Pero hindi dapat tanging dito lamang nakatutok.
  • Kadalasang sa policy implementation itinutuon ng nakararami ang atensyon upang suriin ang patakaran. Hindi nila alintana na ito ay dapat nagsisimula sa yugto ng problem identification and definition ng policy process. Totoo namang mahalaga ang pagsusuri sa yugto ng policy implementation subalit sa katotohanan dapat nagsisimula ang kritikal na pagkilatis sa yugto pa lamang ng problem identification at agenda-setting.
  • Sa yugto ng policy evaluation naman inaalam kung epektibo bang nakatugon ang ipinatupad na patakaran. Sa pamamagitan ng sistematiko at masusing pagsisiyasat ay makabubuo ng policy recommendation para sa policy improvement (o policy change).  Sa katunayan, maaari ring maging batayan ng pagpapatigil sa pagpapatupad ng patakaran kung ito ay mapatutunayang nakasasama at hindi epektibo.
  • Layunin ng policy evaluation na matukoy ang inaasahan at di-inaasahang epekto ng patakaran. Ito ay maaaring isagawa ng mismong organisasyon o kaya ay ng eksternal na institusyon kagaya civil society organization, academe, media, think tanks at/o research centers.
  • Bilang isang cycle, anumang madiskubre nilang mga problema at hamon ay hudyat upang ituloy at simulan muli ang policy process sa unang yugto.
  • Sa policy evaluation, mahalaga ang data gathering at documentation ng naging resulta ng pagpapatupad ng patakaran. Sa pangangalap ng datos, kapwa esensyal ang quantitative (‘stats’) at qualitative  (‘stories’) dimensions. Maaaring gamitin ang benefit-cost analysis para sa quantitative data at Most Significant Change (MSC) para naman sa qualitative data.
  • Mahalaga rin na matukoy sa policy monitoring at policy evaluation ang naging implikasyon ng patakaran sa iba’t ibang panig sa lahat ng dimensyon at antas.
  • Bilang isang cycle, ang yugto ng policy evaluation ng policy process ay may malaking ambag sa unang yugto ng problem identification. Sa pamamagitan ng policy evaluation ay maaaring makatukoy ng mga problemang hindi natugunan o ng mga bagong problema na sumulpot sanhi ng pagpapatupad ng palyado o dispalinghadong patakaran.
  • Kasing halaga ng lahat na nabanggit ang policy communication. Bagama’t hindi hiwalay na yugto sa policy process, mahalagang maging bahagi ang policy communication sa bawat yugto ng proseso. Sa pamamagitan nito ay epektibong maipauunawa sa nakararami ang problema at kung bakit ito kagyat na dapat matugunan. Gayundin, sa pamamagitan nito ay mas magiging mapanlahok (participatory) ang proseso ng pagbuo, pagpapaalam, pagpapatupad, pagmomonitor at pagsusuri ng napagkaisang policy solutions.
  • Batay sa etikal na pamantayan, napakahalagang ikonkonsidera ang epekto ng patakaran sa lahat ng panig lalo na sa mga bulnerableng sektor. Moral na obligasyon ng pamunuan na ito ay isaalang-alang bilang salik.
  • Mula sa kritikal na perspektiba, lagi ring tanungin kung para saan at para kanino isinasagawa ang policy process. Sino ang inaasahang makikinabang (‘winners’) o madedehado (‘losers’) sa patakarang binabalangkas, binubuo at ipapatupad. Alinsunod pa rin sa kritikal na panuntunan, ang buong policy process ay dapat kapwa dekolonisado at demokratiko.
  • Para sa inyong reaksyon, maaari ring umugnay sa pamamagitan nito: [email protected]

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -