IKINAGALAK ni Senador Win Gatchalian ang paglagda ng isang joint memorandum circular sa pagitan ng Commission on Higher Education (CHED) at ng Professional Regulation Commission (PRC), kung saan itinatakda sa Setyembre ngayong taon ang pagpapatupad ng mga specialized licensure examinations batay sa mga teacher education programs.

Para kay Gatchalian, mahalagang hakbang ito upang matiyak na sinasalamin ng proseso ng licensure ang mga specialization o mga pinag-aralan ng mga nag-aasam na maging guro. Titiyakin din ng naturang kasunduan ang ugnayan sa pagitan ng teacher education curriculum sa Licensure Examination for Professional Teachers (LEPT).
Noong 18th Congress, isinulong ni Gatchalian ang pagsasabatas sa Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No. 11713), kung saan pinapatatag ang Teacher Education Council (TEC). Pinapalakas din ng naturang batas ang ugnayan sa pagitan ng Department of Education (DepEd), CHED, at PRC upang iangat ang kalidad ng teacher education sa bansa.
Binigyang diin ng Year Two Report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) ang pangangailangan para sa ganap na pagpapatupad ng batas upang magampanan ng TEC ang mandato nito. Una nang pinuna ng komisyon na dahil hindi nagkakatugma ang teacher education curricula at nilalaman ng mga exam, nananatiling mababa ang porsyento ng mga nakakapasa sa LEPT.
Iniulat ng EDCOM na mula 2009 hanggang 2023, umabot lamang sa 33% ang average ng nakapasa sa LEPT para sa elementary, at 40% naman para sa secondary. Ayon pa sa komisyon, 62% ng mga high school teachers ang nagtuturo ng mga subject na hindi angkop sa pinag-aralan nila noong kolehiyo.
“Kailangang suriin natin ang kakayahan ng ating mga guro batay sa kung ano ang pinag-aralan nlila sa kolehiyo. Sa pagpapatupad natin ng mga specialized licensure examination, matitiyak natin ang ugnayan sa pagitan ng edukasyon ng ating mga guro at sa proseso ng licensure,” ani Gatchalian, EDCOM II co-chairperson.