HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) na tiyaking walang patid ang suplay ng kuryente sa buong bansa sa Mayo 12, kasabay ng babala na anumang pagkaantala ng kuryente ay maaaring makompromiso ang integridad ng halalan.
“Bukod sa abalang maidudulot nito sa ating mga botante, ang anumang pagkaantala ng suplay ng kuryente ay maaaring makasira sa kredibilidad ng ating halalan. Kaya’t dapat tutukan ng DOE at ERC ang pagpigil sa maaaring kakulangan ng kuryente sa mismong araw ng halalan,” ayon kay Gatchalian, vice chairperson ng Senate Committee on Energy.
Binigyang-diin niya na dapat makipagtulungan ang DOE at ERC sa National Grid Corporation of the Philippines, mga distribution utility, power generation companies, at mga electric cooperative upang matiyak na may sapat na suplay ng kuryente sa buong bansa sa araw ng botohan.
Ayon kay Gatchalian, hindi dapat magkaroon ng biglaang maintenance ang mga planta nang wala sa schedule, at kailangang nakaantabay ang ancillary services upang agad masagot ang anumang biglaang pagtaas ng demand sa kuryente.
“Kailangan ang pakikiisa ng bawat sektor upang tiyakin ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente sa mga presinto sa araw ng halalan bilang garantiya ng transparency, seguridad, at proteksyon sa ating demokratikong proseso,” dagdag pa niya.