NOONG Abril 2025 naglabas ng ulat ang International Monetary Fund (IMF) na ang GDP bawat tao o per capita income ng Pilipinas ay umabot na sa $4,350 o sa $12,430 na sinukat sa Purchasing Power Parity (PPP). Marami ang nagalak sa ulat na ito dahil naniniwala silang malapit nang pumasok ang ekonomiya ng Pilipinas sa kategorya ng upper middle income. Ayon sa World Bank ang isang bansa ay maituturing nasa kategorya ng upper middle income kung ang per capita income nito ay nasa pagitan ng $4,466 at $13,845 sa loob ng isang taon. Kung magpapatuloy ang paglaki ng ekonomiya ng Pilipinas sa mga susunod na buwan marami ang nagpapalagay na matamo na natin ang kategoryang upper middle income sa taong ito.
Hindi pinagtatalunan kung matatamo o hindi ng Pilipinas ang kategoryang upper middle income ngayong taon ang tinatanong ng mga mapanuring mamamayan ay kung sino ang makikinabang sa pag-angat ng ekonomiya ng Pilipinas sa mataas na kategoryang upper middle income. May isa akong kaibigang Filipinong profesor na nagtuturo sa Japan ang naghayag sa akin na baka ang 5% lamang ng mga mamamayang Filipino ang makinabang sa pag-angat ng ekonomiya gamit ang kanilang yaman at kapangyarihan samantalang ang 95% ng mga mamamayan ay malulukmok pa rin sa estado ng lower middle income.
Ang tugon ko sa obserbasyong ito ay ang antas ng upper middle income ay nakabatay sa GDP o pambansang kita o kontribusyon ng mga nagmamay-ari ng mga produktibong sangkap sa paglikha ng kita at hindi sa lawak ng yaman ng mga mamamayan. Kung ang mga mayayaman ay hindi ginagamit nang lubusan ang kanilang mga yaman at di gaanong lumilikha ng kita hindi sila ang dahilan sa ating pag-angat sa estado ng upper middle income. Ang ating pambansang kita ay nakabatay sa kontribusyon ng mga produktibong sangkap tulad ng paggawa, capital, lupa at iba pang yaman na ginagamit sa produksiyon. Ang kanilang kontribusyon ay nasusukat sa kabuoang sweldo ng mga manggagawa, tubo ng mga kapitalista, kita sa renta ng mga nagmamay-ari ng lupa, royalty na tinatanggap ng mga nagmamay-ari ng yamang intelektwal, di-tuwirang buwis na sinisingil ng pamahalaan, at pondo sa depresasyon ng mga pisikal na yaman.
Ayon sa ulat ng Philippine Statistical Authority (PSA), noong 2021 ang sweldo ng mga manggagawa ay kumatawan sa halos 37% ng pambansang kita. Samakatuwid, ang 63% ng pambansang kita ay pinaghahatian ng mga kapitalista, nagmamay-ari ng lupa, nag-mamay-ari ng mga yamang intelekwtal, pamahalaan at mga kompanya. Batay sa impormasyong ito, hindi lamang ang mga kapitalista ang nakikinabang sa pagsulong ng ekonomiya ng Pilipinas ngunit pati na rin ang mga manggagawang Filipino at iba pa. Kaya sa bawat PHP 100 dagdag na pambansang kita, PHP 37 nito ay kontribusyon ng mga manggagawa.
Sa tatlong pangunahing sector ekonomiko, ang sector ng industriya ang nagtala ng pinakamataas na produktibidad ng mga manggagawa. Ito ay sinundan ng serbisyo at ang pumapaangatlo ang agrikultura. Samakatuwid, ang mabilis na pagtaas ng produktibidad ng mga manggagawa sa sector industriyal at ilang sector sa serbisyo ang magiging pangunahing susi upang matamo ng Pilipinas ang estado ng upper middle income. Sa kabilang dako, lalo pang tataas ang kontribusyon ng mga manggagawa sa produksiyon sa pamamagitan ng pangangapital at pagpapataas ng antas ng edukasyon at pagsasanay.
Maraming dahilan upang matamo ang estado ng upper middle income. Batay ito sa dami at produktibidad ng mga produktibong sangkap. Tinukoy na natin ang papel ng mga manggagawa. Malaki rin ang ambag ng mga kapitalista na nagpopondo sa pagbili ng mga kagamitan, kasangkapan at iba pang uri ng pisikal na capital na ginagamit sa proseso ng produksiyon. Nag-aambag din ang mga nagmamay-ari ng yamang intelektwal na lumilikha ng makabagong teknolohiya at inobasyon na nagpapahusay sa proseso ng produksiyon. Ganoon din ang mga nagmamay-ari ng mga gusali na ginagamit na pabrika at opisina ng mga prodyuser. Samakatuwid, susi talaga ang pangangapital sa yamang pisikal at yamang tao, at paglikha ng makabagong teknolohiya sa pamamagitan ng pananaliksik at inobasyon sa mabilis na pagsulong ng isang ekonomiya. Ang mga ito ay hindi lamang nakapagpapalawak sa iba’t ibang uri ng produktibong sangkap ngunit nakapagpapataas pa sa kontribusyon nito sa produksiyon na nagpapabilis naman sa paglaki ng isang ekonomiya. Nakaaambag din ang pagbagal sa paglaki ng populasyon sa pagtaas ng per capita income. Sa pagtaas ng ating pambansang kita samantalang mabagal namang tumataas ang ating populasyon, ang paglaki ng pambansang kita ay paghahatian ng mas maliit na populasyon na makapagbibigay sa bansa ng mas mataas na per capita income.
Batay sa ating maikling sanaysay hindi yaman ng mga kapitalista ang pangunahing sanhi sa pagpasok ng ekonomiya ng Pilipinas sa estado ng upper middle income. Sa halip ito ay nakatuon sa iba’t ibang uri ng produktibong sangkap at kung papaano ang mga yamang ito ay ginagamit upang lumikha ng pambansang kita.