28.5 C
Manila
Linggo, Hunyo 15, 2025

Pagtanggal ng Senior High School level sa K-12, ipinanukala ni Jinggoy

- Advertisement -
- Advertisement -

DAHIL bigong maisakatuparan ang dapat sana’y pakinabang na matatamo, ipinapanukala ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang pagtanggal ng mandatory Senior High School (SHS) level sa K to 12 program upang gawing mas makabuluhan ang sistema na basic education sa bansa.

“Samu’t saring batikos at pagtutol mula sa iba’t ibang sektor ang narinig natin nang ipatupad ang repormang ito sa edukasyon. Sa loob ng labingdalawang taon, mula nang maisabatas ito, hindi pa rin ganap na nakakamit ang layunin nito,” ani Estrada patungkol sa Republic Act No. 10533 o ang Enhanced Basic Education Act of 2013.

“Hindi natin pwedeng hayaan na patuloy na maging pasanin ng mga estudyante at kanilang mga magulang ang dagday na oras at gastos ng senior high school. Bakit natin hahayaan na patuloy na maging dagdag pasanin sa oras at gastusin ang dalawang taon sa high school level kung hindi naman natutupad ang layunin nito?” dagdag pa ng senador.

Ang SHS program ay idinisenyo upang ilapit ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas sa antas ng pandaigdigang pamantayan at magsilbing tulay sa pagitan ng high school at kolehiyo. Layunin nitong makapagtapos ang mga mag-aaral na may sapat na kakayahan, kaalaman sa 21st-century skills, at handa sa anumang landas na kanilang pipiliin — maging ito ay patuloy na pag-aaral sa kolehiyo, pagkakaroon ng kasanayang teknikal, pagtatrabaho, o pag-nenegosyo.

Sa kanyang inihaing Senate Bill No. 3001 na nagpapanukala ng pag-amyenda ng RA 10533, binanggit ni Estrada ang pag-amin ng mga opisyal ng Department of Education (DepEd) na hindi pa naaabot ng SHS program ang layunin nito para sa mga K to 12 graduates dahil sa napakaraming curriculum, over-worked ang mga guro at estudyante, mababang employment rate ng mga nagtapos ng SHS — 10% lamang ang pumapasok sa labor force, karamihan pa ay sa informal sector.

Bukod pa rito, lumabas sa isinagawang survey ng Pulse Asia Research Inc. noong Marso ng kasalukuyang taon ang mababang satisfaction level sa programa. Nasa 33% lamang ng mga respondent ang nagsabing sila ay nasisiyahan sa SHS program, habang 40% ang nagsabing sila ay hindi nasisiyahan.

Sa mga nakalap na datos, nakita rin ang patuloy na pagbaba ng kumpiyansa ng publiko sa SHS program — mula 41% noong 2023, bumaba sa 35% noong 2024, at lalo pang bumagsak sa 33% ngayong 2025.

Sa panukalang pagtanggal ng SHS level, sinabi ni Estrada na mananatili ang mga pangunahing prinsipyo ng RA 10533. Layon aniya ng kanyang panukalang amyenda na gawing mas simple at mas maayos ang sistema ng high school habang tinitiyak pa rin ang kalidad ng edukasyon na akma sa pandaigdigang pamantayan.

Sa ilalim ng rationalized basic education program, iminungkahi ni Estrada ang isang taong edukasyon sa kindergarten, anim na taon sa elementarya at apat na taon sa secondary education.

“Ang panukalang ito ay isang praktikal na hakbang upang ayusin ang ating sistema ng edukasyon — upang ito’y maging mas episyente, mas mahusay sa paggamit ng pondo, at mas makabuluhan para sa ating mga mag-aaral,” paliwanag ni Estrada.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -