BILANG chairperson ng Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, buo ang suporta ni Senadora Imee Marcos sa panawagan ni Moro Islamic Liberation Front (MILF) Vice Chairman Mohagher Iqbal na ituloy na ang matagal nang ipinagpapaliban na eleksyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa isang presscon ngayong Huwebes, Hunyo 5, hinimok ni Iqbal ang pamahalaan na sundin ang nakatakdang iskedyul sa Oktubre 13 para sa halalan sa BARMM.
“Mahalaga para sa MILF ang pagtatatag ng mga nahalal na kasapi sa Parlyamento upang ang BARMM ay maging isang ganap, gumagana, at may kapangyarihang awtonomong pamahalaan, na pinamumunuan ng mga lider na hinalal at may legal na mandato mula sa mga botanteng Bangsamoro” pangangatwiran ni Iqbal.
Matatandaang simula ng transition period noong 2019 ng mga itinalagang miyembro ng Bangsamoro Transition Authority, dalawang beses nang naantala ang kanilang eleksyon. Ang unang pagpapaliban ay sa ilalim ng Republic Act 11593 na naglipat sa halalan mula May 2022 sa May 2025; at ang ikalawa naman ay ayon sa Republic Act 12123 na inurong ng limang buwan ang eleksyon mula sa Mayo.
“Yung ating mga kapatid na Muslim matagal nang inaasahan ‘to, 17 years na! Parang nililoko na natin sila sa tagal ng utang na ‘yan sa kanila,” giit ni Marcos.
Dagdag pa ng senadora, “Autonomous region nga pero hindi naman sila autonomous! Dapat lang matuloy na ang eleksyon sa BARMM ngayong Oktubre!”